Napili si KZ Tandingan bilang isa sa mga ambassador ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), kasama ang 2015 Miss Universe na si Pia Wurtzbach at ang actor/painter na si Ian Veneracion.
Sina Pia at Ian ang tinanghal bilang NCCA Ambassadors on arts, samantalang si KZ naman ang music ambassador.
Ipinakilala ang tatlo noong nakaraang Martes, January 22, sa NCCA office para sa selebrasyon ng Ani ng Sining: Philippine Arts Festival, o National Arts Month, ngayong buwan ng Pebrero.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay KZ, nagpahayag ng saya at pagka-proud ang singer sa pagkakapili sa kanya bilang isa sa ambassadors ng ahensiya.
Lahad niya, “Sobrang overwhelming, pero alam ninyo naman ang journey ko nung China."
Matatandaang naging isa si KZ sa mga sumali sa Chinese reality singing competition na Singer 2018 noong nakaraang taon. Bagamat hindi siya nagwagi, maraming humanga sa trend-worthy performances niya, kabilang na ang British pop star na si Jessie J.
“Magwa-one year na yun actually.
“Pinaglaban talaga natin na makapag-rap ng Filipino, makakanta ng OPM classics.
“'Tapos ngayon, I was chosen to be an ambassador for music ng arts month ng NCCA.
“Thankful ako na mayroon na talaga akong platform to influence today's generation na mas mahalin pa ang ating kultura,” pagpapasalamat niya.
HOW KZ WAS CHOSEN AS NCCA AMBASSADOR
Ibinahagi ni KZ kung paano nila nalaman ang pagkakapili sa kanya bilang isa sa ambassadors kasama nina Ian at Pia.
Kuwento niya, “Nakatanggap ng sulat ang aking management na they want me to be the music ambassador and they want me to record 'Ani ng Sining,' which was originally sung by Joey Ayala ten years ago.
“Actually, nung na-record ko siya, ang igsi lang ng kanta pero alam mo yung na-pressure ka kasi considered as treasure na yung song, e.
“Natakot ako na kung anu-ano yung gawin kasi I want it to sound as original as possible.”
Kinanta ni KZ sa naturang event ang awiting "Ako'y Isang Pinoy" na pinasikat ni Florante.
Nilagyan ito ng bagong timpla ng singer at nilahukan ng rap sa dialektong Bisaya.
Dagdag niya, “Nag-perform ako for Coke, 'tapos they asked kung puwede akong mag-cover ng Filipino classic. 'Ako'y Isang Pinoy' ang pinili namin, 'tapos nire-arrange.
“Tapos, pinaalam talaga siya na ire-arrange nang ganun, nagpaalam ako na, 'Puwede po bang mag-rap in Bisaya,' 'tapos pumayag sila.”
“Naka-release na siya and available in Spotify at sa lahat ng mga online platform.”
Tinanong din ang singer kung paano siya makakatulong sa NCCA ngayong isa na siya sa ambassadors nito.
Paliwanag ni KZ, “Unang-una, social media influence.
“Sa panahon natin, mga kabataan lahat ang nakukuha nila galing online.
“Kumbaga, kung palagi nilang nakikita na pinu-promote natin ang Arts Month lalo na sa Feb, mapu-promote natin, lalo silang maku-curious.
“Ako din sana, yung iba pang mga artists ma-encourage natin na sana na mag-post about it, mag-share about it.
“Sana magi-start na ang National Arts Month ng Feb. 1 mismo sa Bacolod at sa Negros.
“Sana may mga events all over the country na mapuntahan natin para mas ma-encourage sila na makilahok.”
WEDDING PLANS
Kinasal kamakailan ang kaibigan ni KZ at kapatid sa Cornerstone Entertainment na si Moira dela Torre sa asawa na nito ngayon na si Jason Marvin.
Dahil masaya at matagal na rin ang relasyon sa kasintahang si TJ Monterde, biniro tuloy si KZ kung kailan sila susunod sa pagpapakasal.
“Oo naman, pinag-uusapan na, lalo na pag nandun ka sa relationship na seryoso kayong dalawa.
“Noon nga, nung nasa kasal kami ni Moira, dyinu-joke namin, 'Pag tayo kinasal, dapat mas konti dito 'tapos ganito hitsura ko.'
“Di naman natin alam kung ano ang mangyayari in the future.
“Tini-treasure namin ang moments namin together at nakikita namin as of now ang mga sarili namin na magkasama in the future.
“Wala pa.
“Sana naman bago magka-apo si Moira, ikasal na rin ako.
“Hinihintay? Baka ako na lang ang mag-propose,” biro niya.
Patuloy niya, “Hindi, kami kasing dalawa, kahit anong pressure ng mga tao sa amin, di kami nape-pressure.
“Di naman contest yun, e.
“Magpapakasal ka dahil puwede nang magpakasal, dahil ready na kayong magpakasal, hindi dahil uso magpakasal, hindi ganun.
“Ngayon priorities namin pareho ang mga careers namin.
“Priority ko tumulong sa pag-ipon ng mga properties not only for myself but for my family.”