MMFF SPECIAL COVERAGE: Bayani Agbayani on doing El Presidente: "Para kang gumawa ng Hollywood movie sa ibang bansa."


Kilala sa larangan ng komedya si Bayani Agbayani, kaya isang malaking hamon sa kanyang kakayahan bilang artista ang sumabak sa straight drama.

Nangyari ito sa pelikulang El Presidente ng Scenema Concepts International na pinagbibidahan nina Laguna Governor ER Ejercito bilang Emilio Aguinaldo, Nora Aunor sa papel na Maria Agoncillo, Cristine Reyes as Hilaria del Rosario, Cesar Montano na gumanap na Andres Bonifacio at Christopher de Leon bilang si General Antonio Luna, at marami pang iba.

Isa sa kalahok sa forthcoming 38th Metro Manila Film Festival, ang pelikulang ito na graded-A ng Cinema Evaluation Board ang nagbigay daan upang makagawa si Bayani ng kakaibang proyekto.

“Hindi ko inaasahan na magagawa ko iyon. Ang hahaba ng linya ko at talagang kinabahan ako sa role ko rito,” panimulang kuwento ni Bayani nang nakorner siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal sa presscon ng naturang pelikula sa Padis Point sa Mall of Asia kamakailan.

“Hindi ako nagpatawa rito, hindi rin ako sidekick. Ako si Baldomero Aguinaldo, ang pinsang buo ni Emilio Aguinaldo. Bale lolo ni Cesar Virata (ex-Prime Minister ng bansa) yung karakter na ginampanan ko rito.

“Hindi talaga ako nag-comedy rito, pigil na pigil nga ako, e.

“Alam mo, iba ang ‘itsura ko rito. Baka hindi ninyo ako makilala, may mahaba akong bigote, tapos ay nakahati ang buhok ko at naka-uniform kami ng katipunero, “dagdag pa niya.

May mga pagkakataon na makita pa lang ng viewers ang mukha ni Bayani ay natatawa na, dito kaya sa El Prisidente ay hindi mangyayari ito?

“Iyon nga ang pinakaiingatan nila at iniingatan ko rin. Kaya, talagang bago ako sumalang doon sa eksena, nagpapaturo ako kay Cesar, nagtatanong ako kay ER, nagtatanong ako kay Direk Mark (Meily) kung ano ang dapat kong gawin para maihiwalay ako doon sa Bayani Agbayani na komedyante.”

Aminado si Bayani na nahirapan talaga siya sa kanyang karakter dito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ay, oo…sabi ko nga, ngayon ko lang nalaman na mahirap palang mag-artista, ngayon ko lang na-realize.

“Sa pelikulang ito, parang naging bagahe ang pagiging komedyante ko, e.

“Kasi, kung dramatic actor ako at nag-comedy ako, siguro ay napakahirap para sa akin. And dito naman, it’s the other way around. Nagdrama ako, e, isa akong komedyante..

“So, dito talaga, inaral ko na rin ang pagiging artsita ko, ang pagiging comedian, kahit ang pagiging dramatic actor, kailangan talaga na inaaral at siniseryoso mo ang iyong propesyon, hindi mo minamani,” seryosong pahayag niya.

“Kaya dahil dito sa pelikulang El Presidente, masasabi ko talaga na artista na ako,” pahabol pa ni Bayani.

HOLLYWOOD STYLE? Pinuri pa niya ang magandang patakaran sa shooting nila at ang genuine na pagmamahal ni Gov. ER sa kanyang mga kapwa artista at sa movie industry.

“Ang kagandahan pa dito, pagdating mo sa shooting ay wala kang iisipin kung ano ang susuutin mo.

“Talagang professional lahat kung kumilos, pati tulugan mo, pati pahingahan mo, pagkain… para kang gumawa ng Hollywood movie sa ibang bansa.

“Kaya nga sabi ko kay Gov. ER, ‘Alam mo Kuya ER, ikaw ang isa sa nagbigay ng pagpapahalaga sa mga artista para maramdaman nilang artista nga sila.’

"Itinataas talaga niya ang antas, e, pati iyong quality ng pelikula…at saka hindi ka mag-aalala na baka hindi ka makunan, hindi ka mabayaran. Si Gov. ER, hindi ka pa nakukunan, binabayaran ka na, e.

“Kaya, talagang lahat ng puwedeng ipagmalaki ng isang artistang kasama rito sa El Presidente, ginagawa ni Gov. ER. Kaya makikita mo talaga na mahal niya ang pelikulang Filipino at mahal niya ang mga artista.

“Ang isa sa laging nasa utak ni Gov. ER, iangat ang antas ng industriya. Mahal talaga niya ang industriya, Ejercito kasi, e.”

Ano ang masasabi niya sa pelikulang El Presidente?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Napanood ko na pati trailer at sabi ko nga sa nanay ko, sa mga kapatid ko, sa asawa at mga anak ko, ako ay nagpapasalamat na ako ay naging bahagi ng isang epic movie.

“Na hanggang sa ako’y mawala na sa mundong ito, hanggang sa maging lolo na ako, na ang mga apo ko ay maaalala na ang lolo nila ay kasama sa pelikulang ginawa na Emilio Aguinaldo.

“At saka akam mo kung gaano talaga ka epic ito? Kasama rito si Epic Quizon,” pabirong saad ni Bayani na ang tinutuko ay si Epy Quizon.

“Pero andito siya talaga, ha,” paglilinaw pa niya habang ngingiti-ngiti.

COMEDY SHOWS? Matagal nang walang sitcom si Bayani, pero ayon sa kanya, napaghandaan naman daw niya ang ganitong pangyayari sa kanyang career.

“Ganoon talaga, may mga panahon na tag-ulan, tagbagyo at minsan naman ay tagtuyot.

“Pero ako naman, tinignan ko na ang magiging future ko sa pag-aartista, kasi ay wala naman talagang artista na nandiyan panghabambuhay, e.

“So, nag-ipon na ako nang nag-ipon na para pagdating ng panahon na kumonti ang trabaho ko, at least ay hindi na ako nenerbiyusin.

“Nagsimula kasi ako sa production, e, kaya nakita ko ang pagsulpot at pagkawala ng mga artista. Pana-panahon lang talaga iyan, e.

“Nagsisimula pa lang ako sa pag-aartista, pinaghandaan ko na iyan at awa ng Diyos naman, hanggang ngayon naman na kung wala akong regular na TV show, may mga guestings naman.

“At may mga trabaho ako sa labas na, salamat… salamat sa Diyos, na hindi tumitigil kahit hindi ko hinihingi. Kasi kapag nagdadasal ako sa Diyos ay wala na akong hinihingi, e.

“Sasabihin ko lang sa Diyos, ‘Ang gusto ko lang ay maging malusog ang lahat ng pamilya ko.’ Pero sa kabila niyon, patuloy at patuloy Niya akong binibigyan ng trabaho,” pahabol pa niya.

Ayon pa sa komedyante, talagang nami-miss niya sa lahat ang pagkakaroon ng sitcom.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Totoo iyan, ang talagang nami-miss ko sa TV ay iyong paggawa ng sitcom. Kaya ko siya nasabing nami-miss, walang tigil akong nagpapatawa kahit wala ako sa harap ng kamera, e, dire-diretso… kahit sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko, kahit saan ako pumunta.

“Ako naman, ang naging aral ko sa buhay, huwag mong isipin iyong mga hindi nangyayari, bagkus maging maligaya ka sa mga nangyayari ngayon.

“Pero baka gumawa kami ng pelikula ni Buboy (Cesar Montano) na gagawin yata sa Europe.

“Tapos, may gagawin yata kami ni Herbert Bautista. And sabi ko sa kanya, it’s about time na gawin din niya ang ginagawa ni Gov. ER,” mahabang sabi pa ni Bayani.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN