Rustica Carpio on receiving Lifetime Achievement Award: "Busog ako sa kaligayahan."


Naging emosyunal at overwhelmed ang veteran actress na si Rustica Carpio nang parangalan siya ng Philippine Movie Press Club (PMPC) ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award.

Ang taunang parangal, na ipinangalan sa multi-award-winning actress at Superstar na si Nora Aunor ay isang special award, na ipinagkaloob kay Ms. Rustica para sa kanyang mga natatanging ambag sa industriya ng pelikulang Pilipino, bilang isang de-kalibreng aktres.

Ginanap ang awarding noong March 9 sa Grand Ballroom ng Solaire Resort Hotel and Casino, sa Paranaque City.

Mapapanood naman ang telecast ng awards ceremonies ngayong Linggo, March 16, 10:30pm, sa ABS-CBN's Sunday's Best.

Bukod kay Rustica, dalawa pang natatanging pangalan sa industriya ang tumanggap ng special award, bilang mga Ulirang Alagad ng Pelikula sa likod ng Kamera: sina direktor Peque Gallaga, para sa larangan ng pagdidirek; at Ricardo Lee, bilang isang screenwriter.



WORKING WITH THE SUPERSTAR. Personal na tinanggap ni Rustica Carpio ang kanyang parangal kay Ms. Nora Aunor. Kasama ng aktres, bilang tagapagpakilala sa awards recipients, ang premyado ring aktor at direktor na si Joel Torre.

Naging magiliw ang audience na nasa venue, kabilang ang mga artista, direktor, at iba pang kabahagi ng industriya, sa pagtanggap na ginawa ng 83-year old actress.

Unang pinasalamatan ni Rustica ang Diyos at ang "aking mga magulang"; kapwa yumao na ang mga ito, sina Leon Jose L. Carpio at Maria C. Carpio.

Ang tunay na pangalan ni Ms. Rustica ay Romana Rustica Sol Cruz Carpio; she's turning 84 years old sa August 9. Isinilang siya noong 1930, sa Paombong, Bulacan.

Kabilang din sa pinasalamatan ni Ms. Rustica ang Philippine Movie Press Club, o ang PMPC, "at lahat ng nagmamahal sa Pilipinong pelikula.

"At hindi ko po makakalimutan ang aking magagaling na kasama sa pelikula, lalo ang aking mga brilliant, napakahuhusay na mga direktor."

Kabilang sa mga binanggit niyang direktor sina Ishmael Bernal, Rustica's first director in the acclaimed classic Nunal Sa Tubig in 1976.

Gayundin sina yumaong Lamberto V. Avellana para sa Waywaya (1979) at Lino Brocka ng Bona (1980).

Speaking of Brocka's Bona, mayroong anecdote na naibahagi sa audience si Rustica.

Aniya, "Kanina po... o kahapon pa, mayroon akong karamdaman; kanina, mayroon din.

"Gumaling po ako ngayong hapon., dahil naalala ko, itong isang napakalaking karangalan na dumating sa aking buhay.

"Hindi ko po mabibigyan ng anumang halaga ito. Mahalaga po ito sa lahat ng kayamanan sa buong mundo.

"At nakapangalan pa naman kay Miss Nora Aunor!"

Si Ate Guy (Nora Aunor na nakasuot ng red blazer and black pants nang gabing iyon) ay tahimik na nakamasid subalit bakas ang kasiyahan sa binanggit ni Ms. Rustica, bilang pag-appreciate sa parangal.

"Mahal ko rin po si Miss Nora Aunor! Anak ko po siya sa Bona. At sa mga ibang episodes ng Ang Makulay Na Daigdig Ni Nora (drama anthology of the actress in the '70s).

"Ang hindi lang po natuloy, at ikinalulungkot ko, ay hindi po ako tumuloy sa paggawa ng Himala (1982 classic film by Bernal and screenwriter Ricky Lee), kasi po ay mayroon akong katungkulan sa eskuwelahan.

Binanggit din ni Rustica ang hindi niya pagkatuloy na maging nanay din ni Nora Aunor, sa Atsay (1978) ni Direk Eddie Garcia.



SENIOR CITIZEN "EXTRAORDINAIRE." In-acknowledge din ni Rustica Carpio nang gabing iyon ang naging direktor niya sa pinakahuling tinampukang obra, kung saan siya ang bida, Ano Ang Kulay Ng Mga Nakalimutang Pangarap? (2013).

"Nandito po si direktor Jose Javier Reyes, na talaga pong napakagaling at napaka-maalalahanin.

"Wala po akong masabi. Alagang-alaga po ako at alam niya, na ako'y hindi pang-karaniwang senior citizen.

"Ako po ay walumpu't tatlong taong gulang. Samakatuwid ay napakahirap pong sabihin sa inyo kung ano talaga ang laman ng aking dibdib."



UNQUALIFIED HAPPINESS. "Pero ngayong gabing ito ay talagang nag-uumapaw ang aking puso sa kaligayahan.

"Hindi ko po maipinta, e. Kanina po, hindi ako makakain. Ako'y pinapakain, sabi ko, busog ako.

"Ang totoo po, busog ako sa kaligayahan. Hindi po sa pagkain, kasi po, ako'y nagugutom pero hindi ko po nararamdaman ang gutom.

"Pagka pala maligaya ang tao, ay ganoon.

"So, hindi ko na po patatagalin, [alang-alang] po sa aking mga guwapong katabi, na bibigyan din ng karangalan," sambit din ni Rustica, pagtukoy kina Direk Peque at Ricky Lee.

Nakakatuwang dahil sa matinding excitement, mas nauna ang mahabang speech ni Rustica Carpio, bilang Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award recipient kaysa ang pagpapakilala sa kanya at sa kanyang mga natatanging ambag sa sining ng aktor na si Joel Torre, Nora's co-presenter.

Nang ibigay ni Ms. Aunor ang plake at bouquet of flowers, gayundin ang kalakip na cash award bilang premyo ni Ms. Rustica ay mahigpit na nagyakap ang dalawa, na malaon nang hindi nagkita.

Sa isang naunang panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sinabi ni Ms. Rustica na, "Napakabait niya (Nora). Hindi man kami laging nagkikita, pero naroon ang bonding... lagi kaming nagkakasabikan."



CHILD OF THE THEATER. Sa pagpapakilala sa kanya ni Joel Torre, binanggit ng aktor ang pagiging stage actress ni Rustica Carpio sa napakamurang edad.

"She [Rustica] has been [acting] onstage since the age of 10. Since then, she has become a multi-awarded author, playwright, [stage] director, book editor, professor and actress."

Sa autobiography o talambuhay ni Rustica Carpio, ang Shuttling Through Stage and Screen (published in 2008 by the FEU Publications), ay nabanggit ang buong tala ng naging buhay ni Rustica, o ni Tita Rustie, bilang alagad ng sining at mahalagang bahagi ng Philippine academe.

Ang una niyang pagganap sa entablado, sa edad na 10, ay bilang lead actress ng dulang Princess Chrysanthemum na itinanghal sa paaralang pinagtapusan ni Rustica noong elementarya, ang Martin de Porres School, taon 1943.

Sa kanyang scholarly life, bilang honor student na natapos ang pinakamatataas na antas ng pag-aaral, mula sa kolehiyo, sa Manuel L. Quezon University, hanggang post-graduate studies leading to a Doctorate degree in Literature (Meritissimus), sa University of Santo Tomas, noong 1979, ay nakapaloob ang pagiging isang aktor, mandudula at direktor ni Rustica Carpio.

Kabilang sa mga natatanging dulang nagampanan niya ang The Love Of Leonor Rivera at Sisa ni Dr. Jose Rizal, A Portrait of the Artist As Filipino ni Nick Joaquin, ang Pilipino translation ng A Midsummer Night's Dream at As You Like It ni William Shakespeare

Naging bahagi siya ng mga kilalang theater companies sa bansa, mula pa noong 1930's tulad ng Baranggay Theater Guild na pinamahalaan ng National Artist na si Lamberto V. Avellana; ang Arena Theater ni Severino Montano; gayundin ng iba't ibang theater groups ng Cultural Center of the Philippines (CCP), na naging bahagi si Ms. Rustica ng inaugural presentation nito, ang Salakot Na Ginto, noong 1969.

Ayon din sa propesora, na naging Dekana (Dean) ng Student Affairs ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at unang Dean ng Mass Communications Department, ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), kung saan nagtuturo siya hanggang sa kasalukuyan,

"Sa teatro ako unang namulat [sa pagganap]."



EXEMPLARY ARTIST OF FILM. Hindi siya nangarap mapabilang sa mundo ng pelikula, subali't naging bahagi rin nito kinalaunan si Rustica Carpio, simula noong 1970's.

"Her very first film role was in the classic Ishmael Bernal film, Nunal Sa Tubig, in 1976," pagbanggit din ni Joel Torre.

Sa naunang interview rin ng PEP, binalikan ni Rustica sa alaala ang una niyang direktor sa pelikula, ang National Artist na si Ishmael Bernal.

"Noong una, tumanggi ako sa pelikula, kasi sabi ko,'ngayon lang in-offer, tapos shoot agad?' E, sa theater, dalawang buwan ang ensayo, bago ang performance...

"Kaya noong tumanggi ako [na mag-pelikula], ang sabi ni Bernal, 'Padadalhan kita ng script... mamili ka sa tatlong [mother] roles...'

"Ang pinili ko, yung pinaka-mahirap," sabi niya.

Bilang ina ni Daria Ramirez, sa papel ni Chedeng, ang pinili ni Rustica; higit iyong mapaghamon, aniya, kaysa bilang ina ni Elizabeth Oropesa, sa papel ni Maria; o yung ina ni George Estregan, sa papel ni Jamin.

Ang papel ng isang ina ay bilang isa ring midwife, o komadrona, na dedikasyon ang gawaing pagpapaanak sa mga kagampan ng isang mahirap na islang tila nilimot ng panahon at makabagong sibilisasyon.

"Sabi ko kay Bernal, 'Ito'y mahirap, pero iyan ang gusto ko...' Mas may challenge, e!

"Madaling araw, o hatinggabi, susunduin ka... bumabagyo (para magpaanak)," pagsasalarawan ni Tita Rustie sa role.

Hanggang ngayon, itinuturing na acclaimed classic ng mga kritiko ang Nunal Sa Tubig dahil sa malalim at makabuluhan nitong nilalaman, kaugnay ng "eternal cycle of life and death", at makabagong anyo o porma ng pagsasa-pelikula, na taglay ang sensibilidad na Pilipino.

"Masyadong philosophical; sabi ng iba, very deep," pagtukoy ni Rustica, sa una niyang tinampukang obra ni Bernal.

Napakahaba ng naging film credentials ni Ms. Rustica, mula noon, na matutunghayan sa aklat na sinulat niya, bilang talambuhay at pagpupugay rin sa kanya ng Mowelfund Film Institute na tumulong mailimbag iyon.

Patuloy pa ni Torre, bilang pagpapakilala sa honoree: "In 2009, at the age of 79, you [Rustica] have perfected a lead role, in Brillante Mendoza's Lola.

"You have once again earned accolades and international acclaim for your performance in this film, as well as in Captive [by Brillante Mendoza] and Aparisyon [by Vincent Sandoval].

"This year, once again, you were nominated for best actress in Ano Ang Kulay Ng Mga Nakalimutang Pangarap..." by writer-director Jose Javier Reyes.

"Your excellence will never be forgotten.

"The name Rustica Carpio is already forever carved in our hearts and minds.

"To top it all, you are now a Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement awardee.

"Mabuhay po kayo! Congratulations!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN