Naka-ilang gay roles na sa TV ang multi-awarded child actor na si Miggs Cuaderno.
“Ako po yung young Joey [Ken Chan] sa Destiny Rose,” lahad ni Miggs nang makatsika ng PEP.ph (Philippine Entertaiment Portal) via Messenger ngayong Sabado ng hapon, Marso 30.
“Sa Poor Señorita po, kasama si Ate Regine Velasquez po, gay role din po pero comedy.
“Sa Pepito Manaloto po, anak po ako ni Keempee de Leon na in denial po na bading pero naka-p*kp*k shorts po ako.”
NEW MOVIE
Pinaka-challenging na gay role ni Miggs so far ang gagampanan niya sa pelikulang In The Name Of The Mother, kunsaan bunsong anak siya ni Snooky Serna.
Pahayag niya, “Family drama po ito. Maganda ang story. Nakakaiyak at nakakatawa.
“'Tapos, ang director po namin ay ang multi-awarded na si Direk Joel Lamangan.”
Love interest niya rito ang kanyang classmate na ginagampanan ni Vince Rillon.
Gagawin niya ang lahat ng magagawa niya para mapasaya ito.
“Kasi po, nilalandi niya ako.
“'Tapos, ako naman po, nagpapauto,” paglalarawan ni Miggs sa kanilang role.
OLD ENOUGH FOR KISSING SCENES?
May kissing scene ba sila, kahit smack?
Pakli niya, “Wala po sa script! Sa kamay ko lang po ako iki-kiss niya.”
Saka sa edad na 15, masyado pa siyang bata para makipaghalikan, kahit sabihin pang multi-awarded actor siya.
Pagsang-ayon niya, “Opo, bata pa siguro. Baka puwede po, palapit na kiss, 'tapos, 'Cut!' Hehehe!
Anong edad kaya siya puwedeng makipag-kissing scene?
“Depende po kina mommy at daddy, at sa story po.
“Sa babae po ba o lalake? Hehehe!
“Kahit sa girl. Kasi, sa girl, para pong mas madaling subukan.
“Pero depende pa rin po sa ganda at hinihingi ng story,” hirit pa niya.
GAY FOR REEL OR FOR REAL?
Sa dami ng gay roles niya, natatakot ba siya na baka magduda ang iba na gay siya sa totoong buhay?
Paninigurado niya, “Hindi po, kasi, alam ko po sa sarili ko kung ano ako at gagawin ko lang po lagi ang best ko para po sa hinihingi ng director ko po.
“Pero siyempre po, minsan siguro, mapipikon ako pag tutuksuhin ako.”
ACTING PEGS
Sinu-sino ang peg niya sa gay roles?
Lahad niya, “Sa comedy po, sina Kuya Keempee at Tito Roderick [Paulate].
“Sa drama, sina Dolphy at Paolo Ballesteros po.”
Kung nabubuhay pa ang dati niyang manager na si Direk Maryo J. de los Reyes, siguradong lalo itong magiging proud sa kanya dahil patuloy siyang humuhusay.
“Salamat po.
“Ipagpapatuloy ko po ang inumpisahan namin ni Direk Maryo at hindi ko po sasayangin at babale-walain ang lahat ng naituro niya po sa akin.
“Miss ko na nga po si Direk Maryo... sobra,” pagtatapos niya.