Ang Pagbalik ay isang 100% Visayan film (with English subtitles) na idinirehe ni Suzette Ranillo at nagtatampok kay Suzette, sa kanyang inang si Ms. Gloria Sevilla (aktres at MTRCB Board Member) at sa apo ni Ms. Gloria na si Vincent Ranillo, isang De La Salle University student, sa kanyang big screen debut, with the special participation of Alora Sasam.
Lumikha ng kasaysayan sina Ms. Gloria at Suzette noong 1974 dahil sa back-to-back win ng mag-ina bilang FAMAS Best Actress at Best Supporting Actress, respectively, para sa Visayan drama flick na Gimingaw Ako (I Feel Lonesome), na dinirehe ng yumaong si Amado Cortez na mister ni Ms. Gloria.
Makalipas ang apatnapu't limang taon ay reunited ang mag-ina sa Visayan tearjerker na Pagbalik (Return).
Ito rin ang pagbabalik ni Ms. Gloria, na tinaguriang Queen of Visayan Movies, matapos magwagi bilang Best Supporting Actress sa 2018 Philadelphia Independent Film Festival sa Amerika para sa critically-acclaimed Filipino indie na Maestra.
Napanood si Suzette sa maraming pelikula noong '70s at early '80s bago siya nanirahan sa Amerika, kasama ang mga acting greats tulad nina Joseph Estrada, Rudy Fernandez, Lorna Tolentino, Amy Austria, at Chiquito, to name a few.
Nakakuha na rin siya ng acting nominations para sa mga pelikulang Aliw, Matud Nila, Taga Sa Panahon, Trudis Liit at Muling Umawit Ang Puso.
Katorse ayos lamang si Suzette nang nanalo siya bilang FAMAS Best Supporting Actress para Gimingaw Ako.
Samantala, umani ng positibong rebyu ang Pagbalik mula sa mga piling millennial viewers sa preview ng pelikula sa mga piling eskuwelahan sa Visayas and Mindanao. Sa mga naturang screenings ay lumuha ang mga viewers sa mga makabagbag-damdaming eksena sa pelikula.
Pangalawang directorial job ni Suzette ang Pagbalik. Ang una ay ang pelikulang Carehome na kinunan sa San Francisco (2006) tampok ang Superstar na si Nora Aunor.
DIRECTORIAL VENTURE
Bakit naisipan ni Suzette na pasukin ang larangan ng directing?
Lahad niya, “I want to broaden my horizon and be totally involved in a film from start, conceptualization, to finish, completion and marketing na rin."
Ano ang fulfillment na nakukuha niya bilang direktor?
Paliwanag niya, “As a director, may sense of ownership ka sa film. As an actress, you are only involved and in control sa scenes na kasama ka.”
Kumusta i-direk ang sarili niyang ina? Paano idirek ang sarili?
Aniya, “Challenging kasi may personal attachment.”
Sa palagay ni Suzette, masasabi ba niyang nanganganib ang kalagayan ng Philippine cinema?
BUCKET LIST FOR LOCAL CINEMA
Ano sa palagay niya ang dapat gawin ng Pinoy filmmakers? Ano ang dapat gawin ng gobyerno?
Pahayag niya, “More of struggling rather than dying.
“Pero kung papabayaan mo, tuluyang mamamatay ang Philippine cinema.
“Government subsidy will be a great help para di masyadong ma-burden Ang producers and filmmakers sa mga gastusin.
“Magkaroon ng tax reduction ang mga entertainment or film workers.
“Magtulungan. Magkaroon ng guidelines like standardization of rates, protection like insurance, guilds specializing on the kind of work that you do in production like directors’ guild, screenwriters guild, actors guild, etc. na makakatulong gumawa ng policies and disciplines geared towards institutionalization.
“Mag-conduct ng maraming workshops para puwede mong gawing career ang filmmaking like what Korea does. Magkaroon ng hub or venue like sa CCP sa Visayas and Mindanao region para mas madali for regional filmmakers na maka- access ng resources.
“Have an avenue to interact and exchange ideas with each other. Bigyan ng priority or more theatrical time ang Filipino films and limit the coming in of foreign films and TV contents like K dramas para mabigyan ng more work ang Filipino actors and a chance to soar and spread their wings internationally.
“Kailangan rin na magkaroon ng classification ang online contents.
“Ang dami pang dapat gawin at ayusin and to achieve this faster, funding will be very helpful.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Suzette nitong nakaraang Biyernes, September 6, sa Greenhills sa San Juan.
Samantala, ang Pagbalik ay isa sa sampung official entries sa 3rd Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), na gaganapin mula September 13-19.
Produced ng Nuances Entertainment Production at PRO.PRO in cooperation with Wildsound, ang Pagbalik ay isa sa tatlong pelikulang napili sa ilalim ng PPP’s Sandaan showcase para sa ika-100 na anibersaryo ng Philippine Cinema.