Kahit na maituturing siyang baguhang mainstream actor, masasabing masuwerte si Mike Liwag dahil sa una niyang big project ay love interest ni Jasmine Curtis-Smith ang papel na ibinigay sa kanya.
Ipinagtambal sina Mike at Jasmine sa pelikulang Culion, na pinagbibidahan din nina Iza Calzado, Joem Bascon, Meryll Soriano, Suzette Ranillo, Lee O'Brian at marami pang iba.
Nagsimula si Mike sa Teatro Tomasino.
Kuwento niya, “Sa UST po, noong 2008, 'tapos pag-graduate ko po noong 2012.
"Actually, noong 2010 pa lang, during my stay sa Teatro Tomasino, nag-audition na po ako sa mga thesis films, mga short films po.
"'Tapos, iyon, puro mga short films po, thesis films, ganyan...
"'Tapos, noong 2011 sinabihan po ako na mag-audition po ako sa Cinemalaya tapos iyon po, audition-audition.”
Taong 2013 nakagawa si Mike ng unang pelikula niya para sa Cinemalaya, ang Nuwebe.
Aniya, “Kabit po ako doon ni Nadine Samonte, yung bida dun sa pelikulang iyon.”
Nasa Nuwebe rin sina Jake Cuenca, Barbara Miguel at Ms. Anita Linda.
Freelance si Mike at bago ang Culion ay ang Araw Sa Likod Mo ang pelikulang nagawa niya (noong 2017) na malaki ang papel niya kung saan kasama siya nina Ping Medina at Bong Cabrera.
Bakit matagal nasundan ang pelikula niya?
Lahad niya, “Feeling ko po kasi yung mga nabibigay po sa akin na roles lagi po sa mga pelikula is yung mga support-support po—sa Cinemalaya, or sa Cinemaone Originals. Puro ganun po.
“Pero ngayon po, itong sa Culion yung parang second na talagang malaking pelikula po talaga na isa ako sa mga nagli-lead po.”
PRESSURED WORKING WITH JASMINE?
Sa Culion, na entry sa 2019 Metro Manila Film Festival, ay gaganap si Mike bilang si Jaime na love interest ni Jasmine bilang si Doris.
Pressured nga raw si Mike habang nagsu-shoot ng Culion dahil alam niyang isang malaking artista si Jasmine.
Pag-amin niya, “Talagang excited ako and yun nga, pressured and honored na makasama si Jasmine tsaka silang lahat.”
Sobra din ang paghanga ni Mike sa pagiging mahusay na aktres ni Jasmine.
Pagpuri niya sa aktres, “Opo, grabe po! I’ve seen her works po, yung mga ibang works po niya, and bilib po ako talaga sa acting niya, sa kakayahan niya sa acting.”
THANKFUL FOR THEATER TRAINING
Pero hindi naman siguro nahirapang sumabay si Mike sa husay ni Jasmine dahil sa teatro siya nahasa sa pag-arte.
Pahayag niya, “Siguro nandun po yung training po when it comes to acting, pero siyempre bagong character po ito, e.
"'Tapos, sensitive pa po yung role na tina-tackle, yung story, yung objective na tinata-tackle namin.
“So iyon po, mahirap pa rin po kasi bago, bago po yung role po, e.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mike sa announcement kay Joanna Ampil bilang interpreter ng theme song ng Culion na Kundimang Mahal.
Ginanap ang reveal noong Lunes, November 11 sa Marco Polo Hotel sa Ortigas.
ACTING IDOLS
Si Jerico Rosales ang iniidolong aktor ni Mike.
Saad niya, “Magaling po kasi talaga siyang aktor, e!
"For me po kasi, nung bata ako, isa siya sa mga naging inspiration ko po nung nagsisimula ako, kasi parang…
"Ginagaya ko yung ano niya, sa Pangako Sa ‘Yo, ganyan, yung mga teleserye po niya.
“Kasi ang gusto ko rin kay Jericho parang yung pagka wala siya sa pelikula di ba parang nag-e-enjoy lang siya sa buhay niya?
"Parang napaka-free lang ng life na pa-surfing-surfing siya 'tapos business.
"'Tapos, biglang pagbalik niya sa showbiz di ba may teleserye siya na nagna-number one, 'tapos may pelikula siya na acting awards yung talagang makukuha niya.
“So ganun po, talagang peg ko po talaga siya.”
AWESTRUCK WITH LLOYDIE
May special participation si John Lloyd Cruz sa Culion at nakita ni Mike si John Lloyd sa set.
“Pero hindi ko po siya nakaeksena,” paglinaw niya.
Kumusta ma-meet nang personal ang isa pa rin sa mga idolo niya?
“Nung una siyempre po nakakabigla po, nakaka-intimidate, kasi siyempre John Lloyd po yun e,” at tumawa si Mike.
“Nung nakita ko po siya parang, ‘Hello po, ako po si Mike Liwag’, ganun po.
“'Tapos, pa-picture lang. Sobrang fast ano lang.”
DREAM LEADING LADIES
Sa susunod na proyekto, sino ang gusto ni Mike na maging leading lady?
Mabilis niyang tugon, “Ako po, gusto kong maulit si Jasmine, e!”
Sa mga hindi pa niya nakakatrabaho?
“Si Kathryn Bernardo! Pero baka magalit ang mga fans ni Daniel Padilla, ayoko ng gulo so…” at tumawa si Mike.
“Ang dream ko din po si Bea Alonzo! Kasi sobrang galing niya tsaka crush ko din si Bea Alonzo.”
NO QUALMS ABOUT DARING ROLES
Isang hunky actor si Mike at sa mga indie flms, madalas ay walang limitasyon sa mga eksena niyang hubaran. Pero hanggang saan nga ba ang kaya ni Mike sa pagpapaseksi?
Pagmamalaki niya, “No limits po!”
Wala pa naman daw siyang nagagawang seksi na pelikula.
Kung walang limitasyon si Mike, payag ba siya sa frontal nudity?
“Depende po siguro sa materyal. Pero pag yung basta-basta lang, hindi po siguro,” sabi pa ng 29 anyos na aktor.
Payag din daw si Mike sa gay love scenes.
Paninigurado niya, “Wala pong problema sa akin yun!
"Ako po, ever since, acting is my passion talaga, so sabi ko nga po why limit myself kung iyon naman yung gusto kong gawin?
“As long as iyon nga po yung materyal, lagi po kasi akong magbe-base sa materyal, e.
"Kasi ayoko naman po yung maghuhubad ako 'tapos hindi pala talaga… na masasayang lang at walang kuwenta. Hindi ko po siya gagawin.
“Pero kung maganda po yung role, meaty po yung role 'tapos Cinemalaya, MMFF, Cinemaone na mga festival na talagang ano, gagawin ko.
“Pero 'eto po, ha? Gusto ko ring gumawa ng mga pelikula na kunwari mga mainstream films, gusto ko rin po, and iyon, kung ano din po yung ibigay nila, di ba, gagawin ko, walang problema.”
Kapag nag-frontal nudity siya, mai-impress ba ang mga manonood?
“Ah! Mai-impress sila, mai-impress sila!" natatawang paninigurado ni Mike.