Inaasahan ng marami na si Aga Muhlach ang tatanghaling Best Actor sa 45th Metro Manila Film Festival para sa pelikulang Miracle In Cell No. 7, kaya marami ang nagulat nang si Allen Dizon ang ihayag na nanalo para sa pelikulang Mindanao.
Kahit si Allen mismo, hindi hopia na magwawagi.
“Siyempre, Aga Muhlach yun, e. Pag Aga Muhlach ang kalaban ko, okay,” mapagkumbabang sambit ni Allen nang mainterbyu ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) matapos ang awards ceremony nitong Disyembre 27, Biyernes, sa New Frontier Theater, Araneta Center, Quezon City.
“Alam ko from the very first day, siya yung sinasabi na mananalo for Best Actor. Hindi ko ine-expect na ako ang mananalo.
“Depende sa jury kung sino talaga ang mananalo. Happy lang."
Kung may inaasahan man siyang mananalo, iyon ay ang kapareha sa Mindanao na si Judy Ann Santos na itinanghal na Best Actress.
“Ine-expect ko si Judy Ann na mananalo rito.
"Kasi, after Cairo, pagdating dito sa Pilipinas, sigurado ako na marami pang awards ang susunod na makukuha niya."
Ang tinutukoy ni Allen ay ang best actress award na napanalunan ni Judy Ann sa 2019 Cairo International Film Festival para rin sa Mindanao.
Patuloy ng aktor, “It's a bonus. Kasi, lahat ibinigay ko sa pelikula. Lahat, ginawa ko sa pelikula.
"Di ako nag-e-expect ng award, pero heto na nga.
“Haping-happy ako sa pelikula, kami ni Judy Ann, iba yung experience namin.
"Nagkaroon kami ng problema sa shooting, pero naayos namin ni Direk [Brillante Mendoza] kaya masaya kami."
DEDICATING HIS AWARD TO AGA, ROCCO
Kahit sangkatutak na ang awards ni Allen sa international film festivals, nandoon pa rin ang kaba at pressure kapag ang nominasyon niya ay sa Pilipinas.
“Sinasabi ko lagi, mas pressure sa akin kapag nasa Pilipinas ako.
"Alam ko, ang mga Filipino, mga talented. Mas magagaling na artista lahat sila.
“Itong award na ito, para sa kanila rin, sa mga co-nominees ko—Aga, Rocco [Nacino], lahat ng actors na alam kong ibinigay nila ang best nila.”
Masayang-masaya rin si Allen dahil sa dami ng awards na natanggap ng Mindanao mula sa best actress, best actor, best director, best picture, best child performer, Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award, FPJ Memorial Award for Excellence, best float, at iba pa.
“Nakakatuwa, yung first three awards, nakuha ng Mindanao. Nakakatuwa, nakakataba ng puso.
"Nakakawala ng pagod, nakakaiyak, nakaka-inspire na gumawa ng mas marami pang pelikula."
Sa huli, ang hiling ni Allen ay madagdagan ang mga sinehan kung saan mapapanood ang Mindanao.
“Kasi, yung mga gusto pang manood, wala, wala silang mapuntahan na mga sinehan.
"So, sana, dagdagan nila iyung mga sinehan,” pahayag ni Allen.