Medyo nahirapan ang produksiyon ng horror trilogy na Huwag Kang Lalabas sa shooting ng “Kumbento” episode sa Baguio City.
“Maraming kababalaghan po ang nangyari,” sabi ng line producer na si Dennis Evangelista sa mediacon nitong Disyembre 12, Linggo ng hapon, sa Fisher Mall, Quezon Avenue, Quezon City.
“During the time na nagsu-shoot kami, siyempre we are in pandemic, may mga nilalagnat na 38, 39 [degrees Centigrade].
“So, during the time na ginagawa namin ang 'Kumbento' — sa kumbento po talaga namin siya syinut — si Direk Adolf [Alix Jr.], ang taas ng lagnat.
“Tapos, si Miss Elizabeth Oropesa, noted siya na ‘nakakakita,’ di ba? May third eye. She’s claiming na during the time na nagsu-shoot kami, ang dami raw multo.”
Late ‘40s ang setting ng “Kumbento” episode, pagkatapos ng World War II.
Dagdag ni Dennis, “Parang period din daw ang mga multo. May mga Amerikana, sa mga madre.
“Siguro, dahil din sa change of weather kaya nagkakasakit ang mga tao, pero gumagaling.
“Talagang pahirapan ang shooting, kasi limited lang ang shooting days namin. Tapos, may nararamdaman kang kakaiba…”
Bida sa "Kumbento" episode si Beauty Gonzalez. Nasa cast din nito sina Matet de Leon, Tanya Gomez, Marcus Madrigal, Tabs Sumulong, Erlinda Villalobos, Yasser Marta, Elora Españo, Barbara Miguel, at Nella Dizon.
MAY BABAENG SUMAMA SA VAN?
May nakakakilabot na kuwento rin ang supervising producer na si Joy Sison kaugnay kay Jameson Blake, ang leading man ni Kim Chiu sa “Hotel” episode na kinunan din sa Baguio.
Lahad ni Joy, “Magkasama kami ni Jameson Blake sa sasakyan nung pababa na kami ng Baguio. Tatlo lang kami sa van — ako, si Jameson, at yung driver.
“I’m from Bulacan po. Ihahatid namin siya sa Angeles, sa Pampanga. Ahhmm… so, nag-post ako sa My Day, sa Facebook.
“Then, one of my friends, espiritista siya, nag-message sa akin. Sabi niya, ‘Nasaan ka, ma’am?’ ‘Pababa na ‘ko.’ “Sabi niya, ‘Ma’am, iba po ang pakiramdam ko diyan sa picture niyo.’ Parang may sumama daw sa amin pababa.
“Pagbasa ko nun, napatalon talaga ako! Sabi ko, ‘Tabi na lang tayo, ha?!’ Kaya nakatabi ko Jameson. Hindi, joke lang!
“May sumama raw sa amin na parang babae right after nung shoot. So, sobrang takot na takot kami habang nagbibiyahe. Kasi, hindi kami tumitingin sa likod.
“Kasi, baka mamaya, pagtingin namin… nandun yung babae. Pero sabi naman, kay Jameson daw sasama, hindi sa akin…
“Ang sabi pa ng espiritista, yung mga multo raw, hihingi ng tulong. So, nakita raw ng multong yon na parang matutulungan siya ni Jameson.”
Maliban kina Kim at Jameson, nasa cast ng “Hotel” episode sina Brenda Mage, Tina Paner, Donna Cariaga, James Teng, Rico Barrera, at Alan Paule.
DIAMONDS PANLABAN SA MULTO?
Isa sa mga challenge ni Kim Chiu sa pag-arte ang horror movies.
Paliwanag ni Kim, “Matatakutin po talaga ako. Yung mga takot ko minsan sa mga eksena, totoo na po yun.
“Minsan, napapagalitan po ako dahil paparating pa lang po yung multo, tatakbo na ako. ‘Hay, hindi pa pala! Sorry, sorry! Patingin kasi muna ng multo!’
“Huwag niyo akong gugulatin. Dapat mag-meet muna kami. So, ayun. Ang galing din po ng mga ano namin dito. Yung mga make-up, ‘no, parang totoo.
“Ang ganda po visually. Nakakatakot po talaga.”
Quota na si Kim sa mga nakakatakot na kaganapan sa buhay at career. Kaya iwinawaksi na niya ang mga katatakutan.
“Huwag na muna akong matakot! Pagod na akong matakot!” bulalas ni Kim.
May panlaban ba siya sa takot?
Napangiti si Kim, “Panlaban ko, yung ingay ko! Di ba, ayaw po ng mga multo ng maiingay?
“Saka magsuot ng diamond para nasisilaw sila! Para pag palapit pa lang sila sa ‘yo, e, ayaw na nila.
“Diamond po sa tenga dapat, o sa kuwintas. Kasi, hindi na po yun lalapit.
“Pag pumupunta po kayo ng sementeryo, magsuot po kayo ng diamond para hindi po sumama yung kung sino man ang gustong sumama.”