Liza Diño "disappointed" at junked FDCP memo regulating screenings of cinema owners

by Melba R. Llanera
Dec 16, 2021
Liza Dino on junked FDCP memo
FDCP chairwoman Liza Diño on court ruling in favor of cinema owners: "Naniniwala ako na ang mga theater owners and exhibitors nandiyan para tumulong sa ating local industry. Whatever, saan man makarating, iisang industriya lang tayo. Dapat magtulungan, pakinggan ang isa't isa."
PHOTO/S: @lizadino Instagram / PEP File

Inamin ni Liza Diño na dismayado siya sa pagbasura ng Quezon City Regional Trial Court sa memo ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) para sa film screening rules.

Hindi pinahintulutan ng korte ang pagpapatupad ng memorandum circular (MC) na may titulong "Policies And Guidelines On The Theatrical Release of Films On Philippine Cinema."

Ayon kay Judge Edgar Dalmacio Santos, "constitutionally invalid" ang FDCP memo dahil wala sa mandato nito ang bumuo ng implementing rules and regulations para sa cinema owners at operators.

Si Liza ang chair ng FDCP.

Sa panayam ng Cinema News, idiniin ni Liza na ang layunin ng FDCP ay para sana sa ikauunlad ng pelikulang Pilipino.

"Of course we were disappointed," pag-amin niya.

"The MC that we released had good intentions, it went through a process.

"Nag-meeting ang mga producers, exhibitors para makagawa ng isang policy kung saan mare-recognize yung gap.

"[At] magkaroon ng guidelines para lalong matulungan ang mga Filipino producers sa pagpapalabas ng pelikula."

Continue reading below ↓

Ikinagulat ng FDCP Chairman ang pagtutol ng mga miyembro ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines Inc. (CEAP).

Ilang beses umanong nagpulong ang film producers at exhibitors bago nabuo ang memong iyon.

"Actually, nagulat din kami. Iilang beses siguro, hindi lang isa. Mga four to five beses na nagkaroon ng dialogue between producers and exhibitors.

"Even sa Office of the President umabot to make sure na naiintindihan ng both parties ang layunin kung bakit kailangang mag-set ng guidelines," saad ni Liza.

Paliwanag pa ng FDCP chairperson, lumapit at humingi ng tulong sa kanila ang local filmmakers kaya nabuo ang nasabing memorandum.

"The reason why FDCP compelled to act on it, mga producers talaga ang lumapit sa FDCP that time.

"SOS na, alarming na para sa kanila na nakikita nating di pagkakapantay-pantay ng treatment between Hollywood and Pinoy films."

Sa hiwalay na ulat noong December 10, ang director ng Caught In The Act na si Perry Escaño ay umalma sa diumano'y hindi magandang treatment mula sa cinema operators.

Continue reading below ↓

Napag-alaman ni Direk Perry na kakaunti lang ang sinehan na ibinigay para sa kanilang pelikula kumpara sa isang Hollywood film.

THREE-DAY GUARANTEED SCREENING FOR FILMS

Sa pagpapatuloy ng panayam ng Cinema News kay Liza, binanggit ng FDCP chairwoman ang isa sa film screening rules na nasa memoramdum circular.

Kaugnay ito ng pagresponde ng FDCP sa tinatawag na "first day last day" ng mga pelikulang hindi kumikita sa takilya.

Paliwanag ni Liza: "Isa sa mga challenges ng filmmakers, pag nag-open ng Wednesday, kung di masyado nakapag-market ang pelikula, pag Friday wala na sila sa sinehan.

"Gusto nating i-solve ito. Yung three-day guarantee, at least the whole weekend, di sila tatanggalin sa mga sinehan.

"Mayroon tayong tinatawag na first day last day, pelikulang kalalabas lang, bukas wala na. Malaking dagok ito sa mga filmmakers."

LIZA SAYS FDCP IS NOT GIVING UP JUST YET

Pinanindigan ni Liza na may papel ang FDCP sa paggawa ng guidelines na makakatulong sa industriya.

Continue reading below ↓

Katuwiran niya: "For the Quezon City Regional Trial court not to recognize, that is very unfortunate.

"Nasa state policy ng FDCP that we shall formulate and implement policies and programs to upgrade the quality of filmmaking and encourage the production of films for commercial purposes, so ibig sabihin para sa industriya."

Sa desisyon ni Judge Santos, pinuri nito ang magandang layunin ng FDCP para sa pelikulang Pilipino.

Pero idiniin din nitong ang legislative branch lang ng bansa ang may kapasidad na bumuo at magpatupad ng batas, kaya walang legal effect ang pagbuo ng implementing rules and regulations ng FDCP para i-regulate ang negosyo ng cinema operators.

Ang FDCP ay isang administrative agency sa ilalim ng executive branch ng gobyerno.

Ayon sa FDCP chairwoman, nag-file sila ng motion for reconsideration at hindi pa nila isinusuko ang ipinaglalaban nila.

"It's an ongoing case, ayaw kong magsalita kahit na ano. Ang stand ng FDCP, we filed for motion for reconsideration.

Continue reading below ↓

"Siguro, ultimately, should the court of appeals or saan man makarating na korte, should they decide na limitado ang powers ng FDCP on creating guidelines for the industry then it is an opportunity for the legislative how they can strengthen [it].

"Mabigyan ng mas malawak na saklaw para lalong maprotektahan ng karampatang proteksiyon ang industriya. Para patas at mayabong ang industriya."

STILL HOPING FOR EQUAL OPPORTUNITIES FOR FILIPINO FILMS

Naniniwala si Liza na bawat isa ay may layunin pa rin para sa ikakaganda at ikaaangat ng industirya ng pelikulang Pilipino.

"I just hope between the theater owners and producers in whatever way, halimbawa itong guidelines na ito, sana hindi maipasawalang-bahala because it's really needed.

"We lack of distribution policies here that would create a more equitable screening of films.

"Naniniwala ako na ang mga theater owners and exhibitors nandiyan para tumulong sa ating local industry.

"Whatever, saan man makarating, iisang industriya lang tayo. Dapat magtulungan, pakinggan ang isa't isa.

Continue reading below ↓

"Dapat gumawa ng paraan para lumago ang industriya. Lalo na pandemic at bagsak ang lahat."

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app to enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
FDCP chairwoman Liza Diño on court ruling in favor of cinema owners: "Naniniwala ako na ang mga theater owners and exhibitors nandiyan para tumulong sa ating local industry. Whatever, saan man makarating, iisang industriya lang tayo. Dapat magtulungan, pakinggan ang isa't isa."
PHOTO/S: @lizadino Instagram / PEP File
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results