Ang CODA ang itinanghal na Best Picture sa 94th Academy Awards na ginanap sa Dolby Theatre sa Hollywood, California nitong Linggo ng gabi, March 27, 2022 (Lunes ng umaga, March 28, sa Pilipinas).
Tinalo ng CODA, isang feel-good movie tungkol sa nag-iisang hearing member ng isang deaf family, ang heavy favorite na The Power of the Dog.
Tatlo lamang ang nominasyon ng CODA, pero nanalo ito sa lahat.
Nakuha naman nina Will Smith at Jessica Chastain ang kanilang unang Oscar trophies nang itanghal silang Best Actor at Best Actress, respectively.
Nanalo si Will sa kanyang pagganap bilang Richard Williams, ama ng tennis champions na sina Venus at Serena Williams, sa King Richard.
Pero ang mas nakaagaw ng pansin sa mga nasa loob ng Dolby Theatre at mga nanonood ay ang pag-akyat ni Will sa stage para bigyan ng malutong na sampal ang presenter para sa Best Documentary Feature na si Chris Rock. Ito ay matapos hindi magustuhan ni Will ang ginawang joke ni Chris sa kanyang misis na si Jada Pinkett-Smith.
Kalmadong bumalik sa kanyang upuan si Will, habang si Chris ay halatang natigalgal sa nangyari.
Sabi niya, "Will Smith just smacked the shit out of me."
Ipinaliwanag ni Chris na ang kanyang joke ay may kinalaman sa G.I. Jane character dahil sa semi-bald na si Jada, na inamin noon ang kanyang battle sa alopecia.
Mula sa kanyang kinauupuan, galit na galit na sinigawan ni Will ang Oscar presenter ng "Keep my wife's name out of your f*ck*ng mouth!"
Sa kabila ng nangyari ay tinapos ni Chris ang kanyang trabaho, at nagbiro pa ng, "That was the greatest night in the history of television."

Sa kanyang acceptance speech bilang Best Actor, naging emosyunal si Will at humingi ng paumanhin sa insidente. Aniya, "I want to apologize to The Academy, I want to apologize to all my fellow nominees."
Sabi pa niya, “Art imitates life. I look like the crazy father, just like Richard Williams... But love will make you do crazy things.”
Real-life character din ang ginampanan ng Best Actress na si Jessica sa The Eyes of Tammy Faye, bilang Tammy Faye Bakker, ang sikat noong televangelist.
Bagamat hindi ito ang nanalo ng Best Picture, ang Dune ang nakakuha ng pinakamaraming tropeyo. Nanalo ito sa anim na kategorya (Cinematography, Editing, Original Score, Sound, Production Design, at Visual Effects).
Ironically, sa kabila ng paghakot nito ng awards, ang direktor nitong si Denis Villeneuve ay hindi nominado bilang Best Director.
Ang nagwaging Best Director ay si Jane Campion para sa obra nitong The Power of the Dog. Ito ang unang Oscar best director trophy ng New Zealander female director.
Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Oscars na parehong babae ang nanalong Best Director sa magkasunod na taon. Noong 2021, ang nanalo ay si Chloe Zhao para sa kanyang trabaho sa Nomadland.
Ang deaf actor na si Troy Kotsur naman ang nanalong Best Supporting Actor para sa role niya sa CODA.
Si Troy ang ikalawang deaf actor sa kasaysayan ng Oscars na nanalo ng acting award; ang una ay ang co-star niya sa CODA na si Marlee Matlin na nagwaging Best Actress para sa pagganap niya sa Children of A Lesser God noong 1986.
Gaya ng inaasahan, si Arian DeBose and hinirang na Best Supporting Actress para sa kanyang pagganap bilang Anita sa musical film na West Side Story. Naulit ang kasaysayan dahil 60 taon ang nakararaan ay nanalo rin si Rita Moreno sa Oscars sa parehong role.
Itinanghal namang Best International Feature ang Drive My Car. Ito ang ikalimang panalo ng Japan sa naturang kategorya kasunod ng Rashomon (1951), Gate of Hell (1954), Samurai, The Legend of Musashi (1955), at Departures (2008).
Si Beyonce ang nag-open ng Oscars 2022 sa pamamagitan ng bonggang production number ng awitin niyang "Be Alive."
Ang hosts ng Oscars 2022 ay ang female comedians na sina Amy Schumer, Regina Hall, at Wanda Sykes.
Narito ang kumpleto listahan ng mga nanalo sa Oscars 2022:
Best Picture: CODA
Best Director: Jane Campion - The Power of the Dog
Best Actress in a Leading Role: Jessica Chastain - The Eyes of Tammy Faye
Best Actor in a Leading Role: Will Smith - King Richard
Best Actress in a Supporting Role: Ariana DeBose - West Side Story
Best Actor in a Supporting Role: Troy Kotsur - CODA
Best Original Screenplay: Kenneth Branagh - Belfast
Best Adapted Screenplay: Sian Heder - CODA
Best Cinematography: Greg Fraser - Dune
Best Film Editing: Joe Walker - Dune
Best Animated Feature: Encanto
Best Animated Short: The Windshield Wiper
Best Live-Action Short: The Long Goodbye
Best International Feature: Drive My Car
Best Documentary Feature: Summer of Soul
Best Documentary Short: The Queen of Basketball
Best Original Score: Hans Zimmer - Dune
Best Original Song: "No Time to Die" from No Time to Die — Music and Lyric by Billie Eilish and Finneas O'Connell
Best Sound: Mac Ruth, Mark Mangini, Theo Green, Doug Hemphill, and Ron Bartlett - Dune
Best Costume Design: Jenny Beavan - Cruella
Best Makeup and Hairstyling - Linda Dowds, Stephanie Ingram, and Justin Raleigh - The Eyes of Tammy Faye
Best Production Design: Patrice Vermette and Zsuzsanna Sipos - Dune
Best Visual Effects: Paul Lambert, Tristan Myles, Brian Connor, and Gerd Nefzer - Dune
