Ang partisipasyon ng Philippine pride na si Dolly de Leon sa On The Job: The Missing 8 ang isa sa mga napansin sa industry premiere ng pelikula ng direktor na si Erik Matti.
Ginanap ang film screening noong Biyernes ng gabi, October 28, 2022, sa Cinema 2 ng Greenbelt 3, Makati City.
Cast member si Dolly ng Triangle of Sadness.
Ang Triangle of Sadness ng Swedish director na si Ruben Östlund ang ginawaran ng Palme d'Or, ang pinakamataas na parangal, sa 75th Cannes Film Festival.
Gumanap si Dolly bilang toilet manager sa isang cruise ship na na-stranded sa isang deserted island kasama ng dalawang modelo at mga bilyonaryo.
- Triangle of Sadness, starring Filipino actress Dolly de Leon, wins Palme d'Or at Cannes 2022
- "Triangle of Sadness" actress Dolly de Leon recalls once working as a mascot
- Dolly de Leon, "bittersweet" ang Oscar campaign para sa Triangle of Sadness
At dahil sa kanyang mahusay na pagganap, may tsansa siya na magkaroon ng nominasyon sa best supporting actress category ng 95th Academy Awards.
Kasalukuyang nasa Amerika si Dolly para sa promotional tour ng Triangle of Sadness at sa campaign niya para sa best supporting actress nomination sa Oscars.
Nagkaroon siya ng publicity sa mga sikat na media outlet tulad ng The New York Times at Variety—na malaking tulong para mapansin at makilala siya ng mga Pilipino, gaya ng nangyari sa industry premiere ng On The Job: The Missing 8.
Lingid sa kaalaman ng karamihan, marami ang mga pagsubok na pinagdaanan ni Dolly bago kinilala ng mga tao ang kanyang talento sa pag-arte.
Hindi lamang ang pagganap bilang cow mascot ang mahirap na makalimutan na karanasan ni Dolly, dahil nasubukan na rin niya na gumanap na kamatis. Yes, kamatis!
"Naranasan ko na gumanap na baka. Gumanap din ako na kamatis… Grabe," ang natatawang pagbabalik-tanaw ni Dolly sa exclusive interview ng (PEP.ph) Philippine Entertainment Portal.
"Naranasan ko nang gumulung-gulong sa putik, ilublob sa ilog. Naku! Lahat talaga naranasan ko sa film set."
ON HER ODD JOB IN THE PAST
Toilet manager sa isang cruise ship ang karakter na ginagampanan ni Dolly sa Triangle of Sadness, at hindi niya kailangan na magsaliksik tungkol sa nasabi na trabaho.
Sa tunay na buhay, may karanasan siya sa paglilinis ng toilet.
"Hindi ko kailangan mag-research. Bakit? Dahil nagtrabaho na ako sa isang fast food chain at naglinis na ako ng kubeta.
"Nagtrabaho ako sa isang fast food chain in my mid-20s, naglinis na ako ng toilet, naglinis ako ng dining area, naglinis ako ng kitchen… Naranasan ko na iyan.
"Aside from that, yung mommy ko, OFW so I know her story. Na-witness ko iyon kasi noong ‘90s, tumira ako sa kanya ng weeks so nakita ko ang buhay niya.
"As far as research, I would say my whole life is really exposed to that kind of life," ani Dolly.
Hindi siya estranghero sa kahirapan dahil sa kanyang nakaraan.
"Naranasan ko na rin ang hirap. Naranasan ko na rin na hindi mo alam kung anong kakainin mo sa susunod na araw.
"Hindi mo alam kung saan ka kukuha ng pambili ng gatas ng anak mo. Kung paano mo babayaran yung kuryente dahil mapuputulan na kayo. Minsan, naputulan na kami. Nangyari na iyon sa akin."
WHAT DOLLY MISSES THE MOST
Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa plano, babalik si Dolly sa Pilipinas sa ikalawang linggo ng Nobyembre dahil sa kanyang kagustuhan na dumalo sa red-carpet premiere ng Triangle of Sadness.
Higit sa lahat, nais niyang makapiling ang mga anak.
Ayon kay Dolly, napilitan siya na "i-give up" ang panahon niya para sa kanyang mga anak dahil sa U.S. campaign at promotional tour ng Triangle of Sadness.
"Ang kailangan ko i-give up talaga is yung time away from my children, especially yung bunso ko, nine-years old lang siya.
"Maliit pa, di ba, yung ganoong age? Napaka-delicate pa, formative years pa iyon. Ayokong isipin niya na inabandona ko na siya so as much as possible.
"Tumatawag ako sa bahay para i-reassure siya na uuwi ako, huwag kang mag-alala. Iyan yung mga nami-miss ko, yung mga anak ko.
"Honestly, nami-miss ko nang mag-shoot, nami-miss ko nang mag-film sa Pilipinas.
"Nami-miss ko nang magtrabaho kasama yung usual directors na may tiwala sa akin. Nami-miss ko na silang katrabaho," ang litanya ni Dolly.
Nami-miss din niya ang pagsusuot ng face mask.
"Dito sa U.S., hindi na talaga nagsusuot ng face mask. Ang ginagawa ko, nagpe-face mask ako kapag nasa loob ng crowded places gaya ng sinehan, eroplano, at airport.
"Kahit na pagtinginan ako ng mga tao. Kapag pinagtitinginan nila ako, wala akong paki.
"Para sa akin, okay lang na para sa inyo mukha akong eng-eng.At least hindi ako magkakasakit."