Bida si Ara sa pelikulang Katok na nasimulan nang mapanood nung October 29 exclusively sa AQ Prime, sa ilalim ng direksyon ni Direk Joven Tan.

Bilang isang horror fan, aminado si Ara na malaking challenge ang paggawa ng isang horror film.
Pag-amin niya, "Ako, I love horror films. Ang challenge, maka-act ka na talagang matatakot ang mga audience. Minsan, pag sa shoot para kasing di nakakatakot nung kinukunan, pero dapat mag-turn out siya na nakakatakot while watching.
"Siyempre haunted house, nandun ka, natutulog ka and dalawa lang kayo sa haunted house, kami lang ni Soliman Cruz.
"Actually, mas nakakatakot yung horror na yung lagi kang nagugulat. Hindi siya yung horror na ma-effect, yung iba kasi ma-effects naman saka may character.
"Minsan, ito yung parang real life na nakakatakot. Di ba minsan, pumasok ka lang sa haunted house, kinikilabutan ka na?"
SCARY EXPERIENCE WHILE SHOOTING KATOK
Binahagi rin ng aktres na may mga nakakatakot na karanasan sila habang ginagawa ang Katok, kahit na nagdasal muna sila bago nag-shoot.
"Heto nung nag-shooting ako, may gumanun na kamay sa kamera. Sabi ni Direk, "sino iyan?'
"E, wala namang tao, ako nga lang yung nag-eeksena, nandun silang lahat behind the camera.
"Hayun, medyo creepy lang, pero sanay kasi akong manood ng horror films. I don't have third eye or something pero nagulat lang din ako, bakit may kamay?
"May mga times din nararamdaman ko na nagiging creepy na yung pakiramdam ko sa lugar.
"Dinasalan daw nila, and before we started kasi sa first scene ko, bumagsak yung frame nung Japanese ba yun? Nagulat ako. Nagdasal din naman kami bago kami mag-take."
ARA STILL ADJUSTING TO MARRIED LIFE
Isa si Dave Alamarinez, butihing asawa ni Ara Mina, sa mga hindi pinalad na manalo sa nakaraang May 2022 national elections.
Tumakbo bilang congressman sa San Pedro, Laguna, si Dave ay dating undersecretary ng Philippine Trading Corporation na in-appoint ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ekslusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kay Ara sa nakaraang presscon ng pelikulang Katok ng AQ Entertainment and Prime Stream Inc. nung nakaraang October 28 sa AQ Prime office sa Roces Ave., Quezon City, agad naming kinumusta ang asawa at kung naka-move on na ba ito sa pagkatalo sa nakaraang eleksyon.
"Well, I think okay naman. Basta nandiyan ang supportive wife, nothing can go wrong. Lahat naman na-hurt, pero kami naniniwala kami there's something better for us or for him," lahad niya.
Ayon sa aktres, kung may maganda mang binunga ang pagkatalo ng kanyang asawa, ito ay ang pagkakaroon nila ng higit na oras ngayon sa isa't isa at sa mga negosyo nila ni Dave.
Sabi niya, "Yes, actually mas okay. Mas relaxed, kasi pag nasa politics ka, ang dami mong pasan din, ang dami mong iintindihin. Ngayon mas naka-focus siya sa business at sa family and sa akin."
"May business kami. Eventually ilu-launch din yung business na yun."
Nang kumustahin namin ang buhay may-asawa, aminado si Ara na nasa adjustment period pa siya at labis ang pasasalamat niya na nakapag-asawa na isang mapagmahal at supportive na lalaki katulad ni Dave. Para din kay Ara, ngayon niya mas napatunayan na ang tamang tao para sa iyo ay darating sa tamang panahon.
"Hayun, still adjusting. I'm okay, I'm happy and I'm content with my life. He's very loving, alam mo yung mas sweet siya kaysa sa akin. Mas showy siya, gusto niya pag naglalakad kami naka-holding hands lagi.
"Ako, parang di naman ako sanay, kasi siyempre first marriage ko siya. Kahit may boyfriend naman ako, di naman kami nagho-holding hands, pero siya ako ang lahat laging first priority niya. Very supportive din siya sa business ko, lalo na sa career ko."
"Talagang darating naman ang destined na tao for you. Until now we're still adjusting as married couple. May nadi-discover ka pa ring unti-unti sa isa't isa. It's just normal lang yun sa married life, basta ang maganda sa amin nagkakasuportahan kaming mag-asawa."
Tinanong din namin kay Ara kung hindi ba isyu sa kanila ang selosan at kawalan ng oras lalo't halos lahat ng taping or shooting ngayon ay lock in.
"Walang selos, e. Yung pagiging careless ko minsan na, 'Ay, may-asawa na pala ako, nakalimutan ko!'
"Now, every decision of your life, kailangang i-consult mo ang asawa mo. 'Bakit di mo nasabi sa akin?' 'Naku, sorry!' Mga ganun lang.
"Well, natiis nga niya yung nag-lock in taping ako sa Ang Probinsyano. He knows na it will help me sa career ko, tiniis niya pero everytime na uuwi ako, miss na miss niya ako."
Dahil 47 na si Dave samantalang 43 naman si Ara, marami ang nagtatanong kung kailan balak magka-baby ng mag-asawa.
"Tingan natin kung may made in Hungary. Bumalik na kami, wala pa, di ko pa alam."
