Hiningan ng pahayag si Ian Veneracion, 47, sa kumalat na sweet TikTok clips nila ni Heaven Peralejo, 22, na umani ng samu't saring reaksiyon mula sa netizens.
Malinaw na parte ito ng promo para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 entry na Nanahimik Ang Gabi na pinagbibidahan nina Ian at Heaven.
Sa TikTok account ni Heaven nanggaling ang video kunsaan makikitang matamis silang nagtinginan ni Ian, sabay hinalikan ni Ian sa noo si Heaven.
Mayroon ding post si Heaven na video kung saan niyakap siya ni Ian, sabay kunwa'y tinutukan ng makeup brush.

May hiwalay ring TikTok video na kumalat na nanonood sina Ian at Heaven ng trailer ng pelikula nila.

Read: Ian Veneracion plays sugar daddy to Heaven Peralejo in Nanahimik ang Gabi
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kinumpirma ni Ian na may kinalaman ang TikTok videos sa pelikula nila ni Heaven.
Bilib daw siya sa talentong ipinakita ni Heaven sa pelikula.
Sabi ng aktor, "I don't know if they've seen clips from the movie. She's very professional, para siyang veteran kahit napakabago pa niyang artista.
"I'm so happy to work with that whole team, and also her, si Heaven. Ako, siya, si Mon Confiado lang basically sa buong movie.
"And sabi nga namin, parang ang tagal na sa industriyang ito ni Heaven. Very professional, alam niya ang lines niya, ang galing.
"I'm really happy na kami ang magkakasama dun."
Nakapanayam ng PEP.ph si Ian sa watch party para sa action series ng Prime video na One Good Day. Ginanap ito sa Isla grand ballroom sa Edsa Shangri-La nung Lunes, November 14, 2022.
HEAVEN AND IAN'S INTIMATE SCENES
Base nga sa trailer ay makikitang sexy romance na may halong thriller ang tema ng Nanahimik Ang Gabi.
Nakasaad sa chargen ng trailer na lihim na pag-ibig ang relasyon ng mga character nina Ian at Heaven, at tila mauuwi ito sa bayolenteng pangyayari base sa camera shot na duguan ang mga kamay ni Ian sa trailer video.

Sa ulat ng PEP.ph noong July 2022, una nang naikuwento ni Ian na pinaghandaan nila ni Heaven ang ginampanang May-December affair sa pelikula.
Siniguro raw nilang magkakilanlan sila nang maigi para maging believable ang chemistry nila onscreen lalo na't marami silang intimate scenes.
Pero diin din noon ni Ian, "Pero you have to lay your boundaries."
Maingat at marespeto raw siya sa kanyang leading lady.
ON COMPETITION AMONG MMFF 2022 ENTRIES
Walong pelikula ang maglalaban-laban sa darating na 2022 MMFF kung saan may entries muli sina Vice Ganda, Coco Martin, at iba pang naglalakihang artista.
Para kay Ian, dito malalaman kung babalik na ba ang interes ng publiko sa Filipino movies.
Aniya: "Exciting kasi ngayon natin malalaman kung ang mga tao ay babalik na sa theaters. We're all supporting each other, lahat ng mga palabas.
"Hindi kami magkakalaban. Lahat kami nagtutulungan to entice people to go back to the cinemas.
"It is the future of our filmmaking, mas maraming nanonood, we can make better movies and series na puwede mong ipanlaban talaga sa ibang bansa.
"Sana tuluy-tuloy na ang pagsuporta natin sa sariling atin kasi nga marami tayong magagaling na tao sa production, sa scriptwriters.
"Eventually pag nagkaroon tayo ng magandang budget."
ONE GOOD DAY
Balik action si Ian sa six-part action-series na One Good Day na mapapanood sa Prime Video simula ngayong November 17, 2022.
Aminado ang aktor na may espesyal na pitak talaga sa puso niya ang paggawa ng action films.
Noong 1990s ay nagbida siya sa mga action film tulad ng Zandrong Tisoy, Bastardo, Halang Ang Bituka, Bastardo, at iba pa.
"Very excited, as you can see the action scenes are so intense, ang tagal ko nang gusto sa action.
"Kumportable kasi ako sa action because I've done many action movies. I started when I was fifteen.
"And then, yun nga, nung nag-transition sa television, nag-iba yung direction na romance, drama, horror, love stories."
Ilan sa mga kilalang teleserye kunsaan bumida si Ian ay sa A Love To Last kasama sina Bea Alonzo at Iza Calzado, at sa remake ng Pangako Sa 'Yo kunsaan nakatambal naman niya sina Jodi Sta. Maria at Angelica Panganiban.
Tukoy naman ni Ian sa One Good Day, "And now it's very comfortable for me to come back to action.
"I love martial arts, I love guns and motorcycles, a normal typical little boy. Ang utak ko ganun pa rin, little boy pa rin. Baril-barilan pa rin ang hinahanap ko."
Ikinatuwa rin ni Ian ang pagbibida sa One Good Day na isang action-series.
Aniya: "Yes, because we can do many, many things na hindi namin nagagawa sa teleserye, na hindi rin naman nagagawa sa movies.
"Iba rin, e. Iba yung format. It's exciting kasi nga nama-maximize namin ito. For example, censorship is different from TV, from movies, from screening.
"Ang daming potential ng story and scenes, ang daming possibilities, so it's an exciting time to be here doing this."
