Excited na ang singer-actor na si Ronnie Liang dahil sa loob ng ilang linggo ay mapapanood na sa sinehan ang pelikulang kinabibilangan niya, ang Mamasapano: Now It Can Be Told.
Isa ang nasabing pelikula sa walong official entries ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022, na magsisimula sa mismong araw ng Kapaskuhan, December 25, 2022.
Mahigit isang taon din ang hinintay ni Ronnie bago maipalabas sa mga sinehan ang kanilang pelikula.
Sa isang panayam, nagbalik-tanaw si Ronnie sa kanyang naging karanasan habang ginagawa ang Mamasapano movie.
Isa raw sa mga naging challenge na naranasan niya ay ang pagpunta at pag-uwi mula sa malalayong shooting location ng kanilang pelikula.
Nagpapasalamat si Ronnie dahil may sarili siyang sasakyan na magagamit para sa long drives papunta sa kanilang filming location, hindi gaya noong nagsisimula pa lang ito bilang artista.
Lahad niya, "I know the feeling na walang sariling sasakyan, lalo na kapag malayo ang location.
"I remember nung nag-uumpisa pa lang ako at suki ng mga audition, 300-400 beses akong nag-audition, mayroong time na naubusan ako ng pamasahe.
"Pinababa ako ng bus at umuwi nang naglalakad from Bulacan to Pampanga.
"Those were the days. Mahirap ang buhay noon especially for young, newbies na nagsisimula pa lang at very limited ang budget.
"Pero alam ko sa sarili ko na magbubunga rin ang lahat ng pagod."
Ang karanasang ito ang naging inspirasyon ni Ronnie upang i-offer ang kanyang sasakyan at mag-carpool kasama ang mga baguhang co-stars.
Dagdag nito, "Kaya nung tapos na ang shoot/eksena namin at uwian na, nag-offer ako sa kanila na sumabay na lang sa akin. I dropped them sa bahay nila.
"Yung iba naman, kung saan malapit sa bahay nila."
Hindi naman ininda ni Ronnie ang mahabang drive lalo't isa ito sa naging bonding activity nila ng mga kapwa cast members.
Aniya, "Fun times din for us para makapag-bond pa at makilala namin ang isa’t isa while I was driving.
"They were very happy. Masaya kami. At na-enjoy namin ang biyahe."
Sa huli, nagpapasalamat si Ronnie dahil naging bahagi siya ng Mamasapano: Now It Can Be Told, lalo't isa rin siyang active army reservist.
Ang pelikula ay tumatalakay sa Mamasapano massacre na kumitil sa buhay ng 44 Special Action Force (SAF) members noong January 25, 2015.
Pahayag ng singer, "I’m grateful na maging bahagi ng pelikula na ito.
"As a real life army reservist who served the country during pandemic and continue to serve, nagamit ko sa pelikula ang trainings ko katulad ng pagsabak sa ground, paggamit at paghawak ng sniper rifle."
Bukod sa Mamasapano movie, isa sa pinagkakaabalahan ngayon ni Ronnie ay ang TV5 singing competition na Sing Galing kung saan isa siya sa mga "Juke Bosses."
Patuloy pa rin niyang tinatapos ang kanyang commercial pilot training.
Nitong nakaraang August 2022, tinapos naman ni Ronnie ang kanyang Master's Degree in Management Major in National Security and Administration (MMNSA) mula sa Philippine Christian University.
READ MORE:
