Kinumpirma ni Dingdong Dantes na kasado na ang pelikulang Firefly na ipoprodyus ng GMA Public Affairs.
Bahagi ng ensemble cast sina Alessandra de Rossi, Cherry Pie Picache, Epi Quizon, Yayo Aguila, Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Max Collins, Kokoy de Santos, at ang child star na si Euwnenn Aleta.
Hindi nagdetalye si Dingdong, pero tila mahalagang papel ang gagampanan niya sa pelikula kaya niya ito napiling gawin.
Kasabay nito, ibinalita niyang may isa pa siyang sorpresa para sa kanyang mga masugid na tagasubaybay.
"Well, number one, may gagawin po ako under GMA Public Affairs, yung pelikulang Firefly, and it’s currently an ongoing production.
"I will be part of that movie and, on top of that, I will also be announcing [something] very, very soon."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment reporters si Dingdong sa media launch ng Ideal Vision kunsaan inilunsad siya bilang kauna-unahang Filipino Global Ambassador ng Italian lifestyle brand na POLICE eyewear.
REUNION MOVIE WITH MARIAN? DINGDONG AS MOVIE PRODUCER?
May bali-balitang magtatambal muli si Dingdong at misis na si Marian Rivera sa pelikula na ipoprodyus ng Star Cinema na pang-Metro Manila Film Festival 2023.
Nang tanungin ng PEP.ph, nakangiting sagot lamang ni Dingdong, "Hintayin muna po natin yun… Pero, dream project din yon para sa akin."
Ang isa pang posibleng proyekto na gagawin ni Dingdong, ayon sa impormasyong nakarating sa awtor na ito, ay ang pagprodyus niya ng pelikula.
Hindi pa kinukumpirma ni Dingdong, pero tila magiging aktibo siya sa pagrodyus sa ilalim ng kanyang film company na AgostoDos Production.
Ayon kay Dingdong, "Well, kapag nag-produce naman kasi ngayon, hindi lang theatrical release ang tinitingnan.
"Ang main objective ng mga producers, hindi lang din naman ako, kung gaano kalawak maipaparating itong kuwentong ito.
"Kung gusto nating maiparating sa global stage or siguro, sabihin man natin na sa ibang bansa, may mga Pinoy tayong kasama dun, paano natin maipararating?
"And I think, cinema release is just one of the avenues. Pero sana maging successful din, gusto rin natin.”
ON tv shows in gma-7
Ratsada sa trabaho si Dingdong ngayong 2023 at halos hindi siya nababakante.
Nandiyan ang mga TV show niya sa GMA-7, ang Amazing Earth at Family Feud. Nakalinya na rin sa kanya ang paghu-host ng reality franchise show na The Voice Generations at ang prime-time series niyang Royal Blood.
"Ano yon, siguro karamihan din don, yung mga dapat ginawa ko rin ng pandemic. At dahil hindi nga tayo active nong time na yon, ngayon, todo-pukpok na.
"And sana, tuluy-tuloy na, especially sa movies, sa pelikula. Kasi siyempre, gusto natin na mabuhay na muli ang pelikulang Filipino.
"Kaya sana sa paparating na mga movies, kahit local or foreign, sana bumalik pa rin ang mga tao sa sinehan, despite us having our own option in terms of watching movies," pahayag ni Dingdong.
Dagdag niya, kailangan lang maging maingat pagdating sa pag-iwas sa COVID-19.
"Iba pa rin siyempre ang experience kapag nandun ka sa sinehan.
"Siyempre, with proper care pa rin. Hindi ka pa rin magpapabaya kapag alam mong medyo delikado pa rin. Nasa sa yo na yon.”
