Experimental ang 30th film ni Direk Adolf Alix Jr., ang Madilim Ang Gabi, na isa sa walong full-length films na magtatagisan sa 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino (Agosto 15-21).
Wala itong script.
“Ang ginawa namin, may storyline lang kami. In-approach ko sila [mga artista], tapos, nag-discuss kami,” nakangiting lahad ni Direk Adolf sa presscon nitong Agosto 5, Linggo ng gabi sa Blue Rocket Cafe, Sct. Reyes St., QC.
“Binibigay ko po yung lines sa kanila sa set. May day nga na nag-guest ang mga artistang nakatrabaho ko sa 29 films.
“May 25 kaming artista sa set, na ine-explain namin sa kanila yung gagawin.”
Kabisado ni Direk Adolf ang mga artista niya—sa pangunguna nina Gina Alajar, Phillip Salvador at Bembol Roco na pawang beterano, premyado at respetado.
Bilib siya sa mga ito, at nagtiwala rin ang mga ito kay Direk Adolf.
Mas exciting, o mas challenging ba para sa mga beteranong artista ang gumawa ng pelikulang walang script?
“Hindi naman ako naninibago,” lahad ni Gina. “Kasi, remember, si Artemio Marquez, noong nabubuhay pa, gano’n din.
“Nadirek ako ni Artemio Marquez. Tapos, si Carlo Caparas, di ba? Yellow pad naman, ganon. Bago kunan yung eksena, sinusulat muna niya yung eksena, wala talagang full script.
“Si Danny Zialcita, noong nabubuhay pa, ganyan din. So, noong sinabi ni Adolf, ‘Ahh, okay, katulad ka rin nila. O, sige!’
“Pero si Adolf, ibang klase na ngayon. Nasa phone! Anong sequence na tayo? Doon niya hinahanap.
“Meron naman siyang storyline. May guide naman siya. Pero hindi sa yellow pad, hindi sa... ano... palara ng sigarilyo. Siya, nakaganyan [nagmuwestra na hawak ang cellphone] na ‘yan! Naka-iPhone na siya!”
Pahayag ni Bembol, “It’s interesting. It’s different. Kakaiba. Pero di hamak naman na okay kay Adolf kung kay Brillante [Mendoza] lang.”
Nang tanungin namin si Bembol na ipaliwanag ang kanyang komento tungkol kay Direk Brillante (na nagwaging Best Director sa 2009 Cannes Film Fest para sa Kinatay), sinagot niya:
“Huwag na. Lalalim, e... lalalim ang gabi,” pag-iling ni Bembol.
Nakatrabaho ni Bembol si Direk Brillante sa pelikulang Thy Womb (2012) na nagtampok din kina Nora Aunor at Lovi Poe.
Matapos ang open forum ay nakatsikahan pa namin si Bembol.
“Personal opinion ko lang naman ‘yon,” aniya.
“O, Muslim kami. Bibigyan ako ng dialogue na Muslim. E, ano ako?! Muslim ba ako?! You expect me to deliver that line?!
“Hello?! Pakiramdam niya kasi, siya na ang pinakamagaling, e!”
Magpapadirek kaya uli siya kay Direk Brillante?
“I doubt it,” sambit ni Bembol.
“Ayoko namang magsalita nang patapos, pero sa ngayon, pass na muna. I’d rather not.”
Nag-PM (private message) kami kay Direk Brillante nitong Agosto 6, Lunes kung magkokomento siya sa himutok ni Bembol.
Reply ni Direk Brillante, “No comment tnx.”