Magkakaroon ng regular run sa March 13 ang pelikulang Kuya Wes, kung saan may mga nagsasabing mahusay si Ogie Alcasid bilang isang drama actor.
Una itong ipinalabas sa Cinemalaya 2018.
Sa palagay ba ni Ogie makakasungkit siya ng acting award para sa Kuya Wes ngayong 2019? O may acting award na ba siya?
Pakli niya, “Comedy lang. Sa TV.”
Makailang ulit nang nagwagi si Ogie bilang Best Comedy Actor para sa Bubble Gang ng GMA-7 at sa Home Sweetie Home ng ABS-CBN.
Sa pagganap ni Ogie sa Kuya Wes, mapapatunayan kaya niya na hindi lamang siya magaling na singer, songwriter at komedyante, kundi mahusay ring dramatic actor?
Pag-amin niya, “Hindi ko alam.”
Marami ang nagsasabing magaling siya sa Kuya Wes.
“Oh? O, sige. Oo!” at tumawa si Ogie.
Ikagugulat ba niya kung sakaling ma-nominate siya sa mga award-giving bodies at lalo na kapag nanalo siya?
Ani Ogie, “Well… yeah!”
Hindi madali ang acting na ginawa ni Ogie sa papel niya sa Kuya Wes bilang isang simpleng lalaki na nagkagusto at nagmahal sa isang babaeng may asawa na at mga anak.
Sabi niya, “Oo nga, e.
“Well, that’s why I love the role, kasi hindi siya… something that I thought that I will never be able to do.”
Habang ginagawa ba niya ang pelikula ay inisip niya na sana ay manalo siya ng award?
Lahad niya, “Hindi naman.
“Ang mas iniiisip ko, sana magampanan ko si Kuya Wes.
“Kasi si Kuya Wes hindi siya tulad ko e, na napaka-insecure.”
Malayung-malayo sa pagkatao ni Ogie ang katauhan ni Kuya Wes, na bordering na nga sa pagiging tanga at utu-uto.
“So inaral ko kung papaano maging ganun.”
Magiging sunud-sunod na ba ang acting projects ni Ogie?
Aniya, “If this makes money, yeah!”
Lagi raw umiiyak si Ogie sa ilang beses niyang panonood ng Kuya Wes.
“Lagi akong umiiyak kasi nakakaawa siya, di ba?”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ogie sa selebrasyon ng 10th year ng Spring Films na producer ng Kuya Wes.
Ginanaap ito noong January 28 sa Cine Adarna ngUP Film Institute sa Diliman, Quezon City.
Ang Kuya Wes ang nagsilbing kick-off o opening movie sa anibersaryo ng naturang film outfit nina Joyce Bernal at Piolo Pascual.
Pagmamalaki niya, “I’m so honored na napili nila itong movie.”