Chito Rono fulfills dream of making a movie musical through Emir


Frencheska Farr listens to the instructions of director Chito Roño as they shot a scene inside the Kasbah in Ourzazate, Morocco. The original full-length movie musical Emir will be screened in cinemas starting June 9, 2010. It will have a premiere night on June 7 at SM Megamall.


Matapos ang dalawang taon, may bagong pelikula uli ang multi-award-winning filmmaker na si Chito S. Rono. Ito ay ang movie musical na Emir, produced by the Film Development Council of the Philippines (FDCP) in association with the Cultural Center of the Philippines (CCP).


"Masaya ako... na nakaagapay kami; nakasandal kami sa pader ng CCP, and also through Mr. Rolando Atienza, na siya namang parang lifeline ng FDCP," sabi ni Chito Rono tungkol sa pagsisimula ng proyekto. "Ang paggawa ng makabagong ui ng pelikula, sa ating pananaw, ay napakahirap. Karamihan dito, alam n’yo naman, puwede nang gumawa ng mabilis na pelikula. Pero meron ding mga pelikula na talagang pagdudusahan mo. At ang Emir ay isa doon..."


Naging mainit ang pagtanggap ng media sa ginawang paglulunsad sa Emir noong May 5, sa CCP main theater lobby. Ani Chito Rono, bagama’t naisaad sa tonong pagbibiro at sinalubong ng malakas na tawanan at palakpakan ng mga dumalong taga-media, ay isa ring patotoo ng kung gaano kalaking pelikula ang magkatuwang na binuo ng mga pam-pamahalaang institusyon sa sining, tulad ng CCP at FDCP.


"Ang punto namin," patuloy ni Direk Chito, "na ang pelikulang musical... ay sobrang pusong Pinoy pa rin, na nagkukuwento ng tungkol sa kanyang kaluluwa, sa kanyang puso, sa kanyang damdamin. At napagdesisyunan nga noon, na since lahat ng Pilipino ngayon ay somehow connected sa isang overseas foreign worker, ay gawin nang parang ganoon ang movie namin."


ANG PINAY BILANG YAYA SA IBANG BAYAN
. Ang Emir ay kuwento ng isang OFW, si Amelia, isang Ilocana mula sa Mountain Province, na ginampanan ng baguhang singer-actress na si Frenchesca Farr.


In her early 20’s, nagpuntang Middle East si Amelia upang magsilbing yaya (nanny) ng asawa ng Sheik at kalaunan ay naging yaya siya ng bagong silang na si Ahmed, ang panganay na anak ng Sheik. At dito nag-umpisa ang makulay niyang kuwento.


Ensemble cast ang bumuo ng Emir, kabilang ang mga beterano ng teatro at musikang Pinoy, tulad nina Dulce, Kalila Aguilos, Julia Clarete, Liesl Batucan, Melanie Dujunco, Gigi Escalante, Bayang Barrios, Bodjie Pascua, Emil Sandoval, at Beverly Salviejo.


Nasa cast din ang mga premyadong aktor na sina Jhong Hilario at Sid Lucero na, ayon kay Direk Chito, ay pareho niyang pinakanta. "Sa hirap ng pelikulang ito, hindi ko talaga ito magagawa, kung kilala ko lang ang mga nabanggit kong mga tao," pagtukoy din ni Rono. "Hindi lang doon... nabuo ang pelikula at gumaan ang pakiramdam ko, nang maramdaman ko na, minsan, kapantay ng dedikasyon at pagmamahal ko sa project, ang naramdaman ko mula sa mga taong sumama sa project na ito."


FIRST
-RATE. Maituturing na first-rate, full-length Filipino movie musical ang Emir na may may multi-million peso budget. Ang setting nito ay isang fictional emirate sa Middle East. Sitenta porsiyento (70%) ng pelikula ay kinunan sa bansang Morocco.


Para sa natatanging musical film na ito ay kinumisyon ng FDCP at CCP ang serbisyo ng batikang maestro, Josefino "Chino" Toledo, ng Philippine Philharmonic Orchestra, upang mag-areglo ng mga awiting ginamit sa kuwento, at ng pagkalahatang musical score.


Katuwang ni maestro Chino ang iba pang kilalang music composers, tulad nina Gary Granada, Diwa de Leon, Vin at Ebe Dancel. Bilang librettists, nagtulung-tulong naman sina Granada, Rody Vera at screenwriter, Jerry Gracio.


"Nagpapasalamat akong magaang na sumama sa grupo ang mga genius sa music world—kasama si Chino Toledo," sabi pa ni Direk Rono. "So, from rock to Gary Granada ang aming music...Ang nakikita ko noon, this musical should be for contemporary Filipinos. At sinasabi kong Pinoy pop ang Emir. Hindi siya sarsuwela; hindi siya mala-Aawitan Kita... at lalong hindi naman siya pure rock.


"Ayaw kong mangyari na ang pelikula namin ay parang makaluma, o isang romantic na pagbabalik-tanaw sa nakaraan," dagdag pa ni Direk Chito, "at hindi maa-appreciate ng [ating] mga pamangking twelve years old, o thirteen years old, na ingglisero’t ingglisera na..." Muling nagtawanan ang mga tagapakinig ni Direk Chito Rono sa kanyang sinabi.


Ang premyadong manunulat, music composer at direktor na si Jerrold Tarog ang lumikha ng trailer ng Emir. Sabi ni Direk Chito, "Masaya kami sa ginawa ni Jerrold [Tarog], na siya ring film editor namin. Nagsakripisyo din siya, dahil may ginagawa siyang film sa Cinemalaya, pero kailangang tapusin niya ang pelikulang ito. At nagawa pa niya ang teaser at ang trailer."


Nagpasalamat din si Direk Chito, bukod kay Chino Toledo, sa pag-aapura daw nito, ilang gabi, para ma-score na niya ang pelikula, "Sa mga tao na nagbantay para maging tama ang kulay, maging tama ang hitsura ng trailer" at ng pelikula, sa kabuuan.


HOMAGE TO PINOY OFWs. Matapos ang Emir formal launch ay nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Direk Chito Rono. Nabanggit nito ang malaon nang pangarap na gumawa ng isang pelikulang may musical genre, na hilig din niyang panoorin noong bata pa siya.


"Noong maliit pa ako, o noong maliit pa tayo, siyempre, ’yung mga Chitty-Chitty Bang! Bang!, Sound of Music, Mary Poppins... ang dami niyan, e, di ba?" sabi niya. "Sunud-sunod ’yun, hanggang umabot sa Cabaret, tapos nawala. Ngayon na lang ’yung mga Chicago, yung mga Sweeney Todd. Talagang dream kong gumawa ng musicals."


Sa Emir, bukod sa ito’y nasa genre ng musical, ang katuturan ng kuwento, bilang pagpupugay sa mga Pilipinong nagta-trabaho sa ibang bansa, at nakakapag-ambag sa ekonomiya ng bayan, ay binibigyang-pansin.


"Nu’ng ginawa ko last time ’yung Caregiver," pagtukoy pa ni Direk Chito, "ginawa ko ’yun, na talagang drama, about somebody who cares for other people naman, in London. This one naman (Emir) is caring [for] somebody na wala pang isip..."


Kakaiba ngang karanasan, para sa direktor, ang "magpa-arte" ng isang sanggol na halos kapapanganak pa lang, bilang baby na aalagaan ni Amelia (Frencheska Farr), ang bidang nanny sa kuwento.


"’Yung bata, hindi pa nakakakita. Ilang months ba ang bata bago makakita? In less than two months? Kaya ’pag may ilaw, du’n titingin," kuwento pa ni Direk Chito. "Makapag-shoot ka ba naman nang gano’n?"


ON FRENCHESCA FARR
. Pero gano’n na lang din ang kasiyahan at pasasalamat ni Direk Chito sa naging pakikipag-trabaho niya with a competent cast and production staff. At sa suporta ng iba pa niyang producers, bukod kay Rolando "Jackie" Atienza, nariyan rin sina Nestor Jardin of CCP, Digna Santiago at Lea Calmerin ng FDCP.


"More than competent," sabi rin nga ni Direk Chito. "Excellent cast, staff, anywhere from production design [Digo Ricio], writer [Gracio], cinematographer [Neil Daza], editor [Tarog]...at sound engineer, Mike Idioma. Sabi ko nga, ’yung editor ko, gumagawa pa ng sarili niyang film."


Bahagi ng sakripisyo ng lahat, pati ng direktor, ang pagpayag na ma-slash ang budget sa talent fees. "Lahat naman, e. Makatulong man lang nang konti," pagsang-ayon pa ni Direk Chito.


Bukod dito, may afternoon teleseryeng sinimulan sa ABS-CBN si Direk Chito pero hindi na niya natapos idirek dahil naging abala na siya sa shooting ng Emir.


Pero babalik daw siya sa Dos upang gumawa uli ng isang primetime teleserye. "Mahaba kasi ang Emir. Forty two or forty three (calendar) days," pagtukoy pa ng direktor. "Kasi ang musical, two days, three days ang rehearsals nila. ’Yung choreography lang ni Douglas (Nierras)... rehearse lang sila nang rehearse (sa CCP), tapos saka isasalang, isang gabi lang."


Ang mga awitin, nire-record muna nila para magsilbing guide sa actual shooting. Nagpapasalamat rin si Direk Chito na mayroon siyang mahusay na singer for the female lead character. Frencheska Farr was the grand champion of the GMA-7 talent search, Are You The Next Big Star?


Tinanong naman ng PEP kung mahusay bang umarte si Frencheska sa pelikulang Emir. "More than okay! Magugulat kayo sa kanya!" masayang wika pa ni Direk Chito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN