Himig Handog finalist Jovinor Tan says Aiza Seguerra is perfect choice to interpret his song "Ano'ng Nangyari Sa Ating Dalawa"

Bukod sa pagiging isang composer ay isa ring direktor ng pelikula ang Himig Handog P-Pop Love Songs finalist na si Jovinor "Joven" Tan. Pero ano ang mas gusto niya, ang pagdidirek o pagsusulat ng kanta? Sagot ng composer-director, “Sabi ko, sa pelikula, makakabuo ka ng bahay at lupa. Pero sa paggawa ng kanta, makakabuo ka ng sarili mo.”


Isa sa entries sa 2013 Himig Handog P-Pop Love Songs songwriting competition ay ang “Ano’ng Nangyari Sa Ating Dalawa.”

Nilikha ito ni Jovinor “Joven” Tan at inawit ni Aiza Seguerra.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Joven tungkol sa entry niyang ito sa Himig Handog.

Base sa reaksiyon ng mga nakapakinig ng “Ano’ng Nangyari Sa Ating Dalawa,” isa raw ito sa maganda ang pagkakagawa at tumatagos talaga ang lyrics at melody ng kanta.

Pero ayon kay Joven, isinulat niya ito nang malamang meron ngang pa-contest ang ABS-CBN para sa mga songwriters.

Kuwento niya, “May contest ang ABS-CBN, nag-isip ako ng theme.

“Dalawa ang isinulat ko, yung ‘Ano’ng Nangyari Sa Ating Dalawa’ ang napili.”

Ito raw ang unang pagkakataon na sumali sa kahit na anumang pa-contest si Joven.

“Parang ngayon ko lang naisip, parang siguro right time.

“Nang mapili yung kanta, siguro tama naman ako na right time nga.”

Katulad ng ibang finalists sa Himig Handog ngayong taon, marami na rin kantang nagawa si Joven. Kung tama raw ang bilang niya, may limampung kanta na ang naisusulat niya.

Ilan sa mga ito ay ang naging hit song ni Lovi Poe na “Kung Puwede Lang,” ang kanta ni Ogie Alcasid na “Sabihin Mo Lang,” ang kanta ni Ai-Ai delas Alas na “Gusto Kong Tumawa,” at “Todo Na” ng Voizboys.

Matagal na ring sumusulat ng ng kanta si Joven, pero hindi raw kasi siya ang “naglalako” ng kanta.

Madalas, kapag may mga kakilala o kaibigan lang siya na nanghihingi ng kanta, doon siya sumusulat o nagbibigay.

NOT ONLY A COMPOSER. Bukod sa pagsusulat ng kanta, isa ring direktor si Joven. Ilan na sa mga nagawa niyang pelikula ay ang mga sumusunod: Paupahan, Bahay Ni Lola 2, at Tabi-Tabi Po.

Line producer din siya, tulad ngayon sa ginagawang pelikula nina Ai-Ai delas Alas at Marian Rivera, ang Kung Fu Divas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Consultant din siya ng ilang pulitiko at tumutulong na mai-promote ang Sharp Cellphone ang ilan pa sa mga pinagkakaabalahan niya.

Ano ang mas gusto niya—ang pagdidirek ng pelikula o ang paggawa ng kanta?

Sagot ni Joven, “Mas may pera sa pagdidirek, pero mas fulfilling sa paggawa ng music.

“Nasabi ko nga noong presscon… tinanong kasi kung ano ang kaibahan.

“Sabi ko, sa pelikula, makakabuo ka ng bahay at lupa. Pero sa paggawa ng kanta, makakabuo ka ng sarili mo.”

Pero bakit siya biglang nag-shift mula sa passion niya ng pagsusulat ng kanta sa directing?

“Hindi naman ako nag-shift,” paglilinaw niya.

“Kaya nga ako nakatapos ng college dahil sa music.

“Hindi kaya ng parents ko na pag-aralin kaming tatlong magkakapatid. So, gumawa rin ako ng paraan.

“Tinulungan ko sila nang maging member ako ng PUP [Polytechnic University of the Philippines] Bagong Himig.

“Because of that, libre ang tuition fee ko. Ang binabayaran ko lang, ID.

“Kasi, ang layo, Malabon… Tapos may allowance din kasi, ang layo pa ng bahay namin sa PUP, sa Malabon.

“Kaya yun, nakatapos ako ng college dahil doon.”

AIZA SEGUERRA. Tinanong din ng PEP si Joven kung personal ba niyang pinili si Aiza Seguerra para siyang kumanta at mag-interpret ng kanyang entry sa Himig Handog.

Ayon kay Joven, “Sila [Star Records] ang nagbigay niyan tapos pina-approve.

“Tamang-tama naman kasi si Aiza rin talaga ang nasa mind ko.

“Nakita ko na bagay sa boses niya yung kanta at saka magaling sa emosyon.

“Ma-emosyon siya kapag kumanta.”


NO PALAKASAN. Dahil ang tunay na pangalan niyang Jovinor Tan ang kanyang ginamit nang i-submit ang entry, nagulat pa raw ang head ng Star Records na si Roxy Liquigan nang malaman nitong siya ang kausap.

Kaya makikita mo raw na wala talagang palakasan sa mga nakapasok sa 12 finalists.

Kuwento ni Joven, “Kilala ko rin naman si Roxy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero noong tumawag siya, sabi nga niya, 'Jovinor Tan...' noon niya sinabi na napili yung kanta.

“Noong nagpakilala siya, sabi ko, ‘Roxy…’ Nagulat siya na parang kilala ko siya.

“Nagpakilala ko na ako si Joven. Tapos yun nga, sabi niya, ‘Gumagawa ka pala ng kanta.’”

Sa labing-isang kalaban niya sa Himig Handog—kunsaan gaganapin na ang finals sa Linggo, February 24, sa Mall of Asia Arena—ano ang masasabi niyang edge ng kanta niya sa iba?

Tugon ni Joven, “Sa opinyon ko, pinakasimple siya, pinakadiretso.”

“Pero almost three thousand [entries] ang pinagpilian. Ang makasama sa labindalawa, kahit sino, puwedeng manalo.”

May kumpiyansa ba siyang siya ang mananalo?

“Masaya na ako ngayon. Kung meron pang dagdag, salamat,” tugon niya.

May gusto ba siyang mensahe sa lahat?

“Masaya lang ako na nakasama ako at naging finalist… mula rin sa pagiging editor ng magazine.

“Masaya rin ako dahil buong pamilya, masayang-masaya, hindi lang talaga inabutan ng tatay ko. Yun lang ang sad part.

“At siguro, sana bisitahin lang nila ang Tambayan at puwede rin mag-text sa TAMBAYAN space HH6 sa 2366 at puwede rin bumili ng album, may balota rin sa loob.”

Pagkatapos ng Himig Handog, mas magpo-focus na ba siya ngayon sa paggawa ng kanta?

“Sabi ko nga, hindi naman ako humihintong gumawa ng kanta.

“Kung maraming magpapagawa, mas maganda, mas masaya.

“Kung marami ang magpapagawa, gagawin at gagawin ko.

“Kung walang magpapagawa, gagawa at gagawa pa rin ako para kung humingi sila, may ibibigay pa rin ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN