Daniel Padilla and Kathryn Bernardo bring "kilig" to fans at the Big Dome

Daniel Padilla had a sweet production number with Kathryn Bernardo during his birthday concert at the Smart Araneta Coliseum.
(CLICK HERE to view photos taken during Daniel Padilla Live)


Halos mapuno ni Daniel Padilla ang Smart Araneta Coliseum sa dami ng mga tagasuporta niyang nais mapanood ang kanyang first birthday concert na pinamagatang Daniel Live. Naganap ang concert noong April 30, 2013, alas otso ng gabi. Alas singko pa lang ng hapon ay mahaba na ang pila sa labas ng Big Dome para mapanuod ang concert ni Daniel, na nag celebrate ng kanyang 18th birthday noong April 26.

Spotted sa audience ang ilang Kapamilya co-stars at fellow Star Magic talents tulad nina Miles Ocampo, Robi Domingo, at Julia Montes. Suportado rin ito ng ABS-CBN executives tulad nina Ms. Charo Santos-Concio, Ms. Cory Vidanes, Mr. Bong Osorio at Ms. Malou Santos.

Hindi rin nawala ang mga magulang ni Daniel Padilla na sina Karla Estrada at Rommel Padilla na kitang-kita ang kasiyahan sa tagumpay ng pinangarap na concert ng kanilang anak.

Tiliian ang mga fans sa opening number ni Daniel nang kantahin nito ang “We Will Rock You,” habang nakatungtong sa harapan isang life size car na props. Matapos ang kanyang unang kanta ay sinambit ng teen actor ang mga katagang, “Lubos akong nagpapasalamat sa inyong lahat, dahil tinupad nyo ang aking pangarap.”

Matapos ang kanyang maikling spiel ay sinundan ito ng kanyang pangalawang awiting medley mula sa Eraserheads na sinasabing isa sa kanyang mga iniidolong banda. Inawit din ni Daniel ang isang awitin na nagmula daw sa kanyang Platinum debut album: ang “Kamusta Ka.”

Bago nagpaalam si Daniel sa crowd para magpalit ng damit ay in-introduce ni Daniel ang isa sa kanyang iniidolong Pinoy rockstar: ang vocalist ng The Journey na si Arnel Pineda. Very powerful ang pag-awit ni Arnel Pineda ng awiting “I Don’t Wanna Miss A Thing” na pinasikat ng Aerosmith.

Matapos ang isang awitin ni Arnel Pineda ay biglang pumasok si Daniel para pasalamatan ang kanyang idolo sa pag ge-guest sa kanyang birthday concert. Binati naman ni Arnel si Daniel ng “Happy Birthday.” Tilian ang mga fans, lalo na ang mga kababaihan sa sumunod na awitin ni Daniel na “Binibini.”

Matapos ang kanyang awiting ‘Binibini,” ay inawit ni Daniel ang isa pang kanta mula sa kanyang platinum album: ang “Sisikat Din Ako.” Kaugnay nito, sinabi ni Daniel sa lahat ng kanyang fans: “Nangarap lang rin ako, at ‘eto natupad ko na aking pangarap. Yan ay dahil sa inyong lahat. At para doon sa mga iba pang nangangarap, huwag kayong mag-alala, sisikat din kayo.”


IMPERSONATORS ONSTAGE. Sa sumunod na kanta ni Daniel ay inimbitahan niya ang kanyang mga fans na magsitayo at makipag yugyugan sa kanya habang kinakanta nya ang “Yugyugan Na.” Matapos ng energetic number na ito, lumabas uli si Daniel upang magpalit ng outfit.

Sabay pasok naman ni Pokwang na nag ala Mommy Dionisia. Kasama niyang pumasok ng isa mga dancer na kunwari ay kanyang “baby” na nais bigyan ng cellphone. Tawanan ang mga tao sa pagpasok din ng mga Ka-Look-A-Like (mula sa It’s Showtime) nina Manny Pacquiao at Jinkee Pacquiao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinabi ni Mommy Dionisia kina Manny at Jinkee look-a-like na bukod sa kanyang pag sayaw ng ballroom ay nais niya daw mag-manage ng artista at balak niya daw kuning artista si Daniel Padilla. Kailangan daw pag gumawa siya ng pelikula ay mayroon dapat itong ka loveteam na mala Kathryn Bernardo.

Para sa “auditions,” kumuha ng tatlong female fans sina Pokwang, Manny at Jinkee mula sa audience at kung sino daw yung pinaka magaling mag “Gwiyomi” ay siya daw ang magiging ka loveteam ni Daniel sa movie. Ngunit dahil action raw ang movie, pinag bububugbog daw ni Daniel sa pelikula. Birno nila ay susuntukin na raw ni Daniel si Kathryn sa pelikula…ang mananalo daw sa contest na ito ang pang double kay Kathryn.

Sa kalagitnaan ng pagpapatawa at pag “Gwiyomi” nina Pokwang, Manny at Jinky ay biglang pumasok si Daniel sa stage at niyakap ang tatlong fans na sumali sa contest ni Pokwang bilang pasasalamat. Bago tuluyang nagpaalam si Pokwang ay niyakap at hinalikan nito si Daniel. Tilian naman ang mga fans dahil sa inggit kay Pokwang. Dinidilaan naman ni Pokwang ang audience members na mistulang nanadyang mang inggit.

Mas pinakilig ni Daniel ang kanyang mga fans sa kanyang awiting “Princesa,” dahil habang kinakanta niya ito ay isa-isa niyang nilalapitan ang kanyang mga fans na babae at binibigyan nya ito ng pulang rosas.

Isang VTR ang pinakita sa big screen ng stage na kung saan ay binati si Daniel ng kanyang mga kapatid na sina Ralph, RJ at JC. Bumati rin sa VTR ang ilang mga kamag-anak ni Daniel at syempre ang kanyang mga magulang na sina Karla at Rommel. Matapos ang VTR ay lumabas si Daniel na may props na mahabang bigote kasama ang kanyang mga kapatid na sina Ralph, RJ at JC na may mga props din na bigote at kinanta nila ang “Mr. Suave.” Matapos ang kanilang kanta ay sorpresang umakyat ng stage ang ama ni Daniel na si Rommel Padilla para batiin at yakapin ang anak na si Daniel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matapos ang number ng magkakapatid ay pinakilala naman ni Daniel ang kanyang bandang Parking 5 na kung saan ay kumanta at tumugtog sila ng “Mr. Darkside” at “Bullet Proof.” Sa grupo nilang Parking 5 ay kabilang ang kanyang kapatid na si JC (bilang vocalist) at bass guitar naman ang hawak ni Daniel.

Inawit din ni Daniel ang “Come Together” at iba pang kanta para sa Beatles medley. Nakasama niya rito ang ilang Star Magic artists tulad nina Khalil Ramos, Kit Thompson, Michelle Vito, Liza Soberano, Ingrid Dela Paz, Kiray at iba pang Star Magic teens.

Bilang remembrance daw sa kanyang matagumpay na concert ay nais nyang kunan ng pictures ang ilang mga kababaihan doon na may magandang ngiti at binigyan nya ng libreng MyPhone na cellphone ang mga ito. Pinapatay din ni Daniel ang ilaw sa buong Araneta at hiniling nya sa mga audience na pailawin ang kanilang mga cellphones dahil gusto nya raw i-video ang dami ng taong dumalo sa kanyang concert. Sumunod naman ang audience at kinunan nga ni Daniel ng video ang buong Araneta gamit ang kanyang cellphone.

Tahimik namang nakinig ang lahat sa awitin ni Daniel na “With Or Without You.” Matapos ang kanyang awitin ay tinawag naman ni Daniel ang isa pa sa kanyang idolo pagdating sa rock music: si Yeng Constantino. Kinanta ni Yeng ang “Awit Ng Kabataan” habang nag- rap naman si Smugglaz. Inawit din ni Yeng ang kanyang sikat na awiting “Hawak Kamay” at “Salamat.”


PERFORMANCE WITH KATHRYN BERNARDO. Isa sa mga highlight at inabangan sa concert ni Daniel ay production number nila ni Kathryn Bernardo. Bago tinawag ni Daniel si Kathryn , isang VTR ang ipinakita tungkol sa mga naging proyekto ng dalawa, mula sa teleserye at pelikulang kanilang ginawa. Matapos ang VTR ay inawit at inialay ni Daniel kay Kathryn ang awiting “Ako’y Sa ‘Yo” sabay pasok ni Kathryn sa stage. Halos dumagungdong ang buong Big Dome sa tiliian ng mga tao. Isa sa mga di inaasahang panauhin ay ang pagpasok din ni Vice Ganda sa stage para intrigahin sina Daniel at Kathryn.

Unang pinagawa ni Vice sa dalawa ay ang dapat daw mas kiligin ang mga audience sa pagpasok ni Kathryn. Kahit hindi na raw sorpresa ang paglabas ni Kathryn sa stage, dapat, kunwari daw ay hindi alam ni Daniel na nandiyan si Kathryn at kunwari daw na magugulat ito sa pagpasok sa stage. Pangalawa ay kinilig daw si Vice sa eksena nina Kathryn at Daniel sa pelikula nilang Must Be Love kunsaan ay nagsasayaw silang dalawa. Pinauso ni Vice ang i-“Kathryn Bernardo mo ko” sa Gandang Gabi Vice noon, kunsaan sasampa sa likuran ni Kathryn si Daniel. May bago daw pauuso si Vice sa gabing iyon. Ito daw ay ang “I-Pachot Mo Ako” kunsaan ay magsasayaw ng sweet ang dalawa at biglang ihihiga ni Daniel si Kathryn sa kanyang bisig at sabay dikit ng mukha sa isa’t isa. Ginawa naman ito ng dalawa. At ang huli na ayaw sana gawin ni Daniel ay pinagawa sa kanya ni Vice na sumayaw ng “Teach Me How to Dougie” dahil alam niya raw na ayaw itong gawin ni Daniel. Pero alang-alang daw sa mga fans nya ay dapat niya itong gawin. Pinag “Harlem Shake” din ni Vice sina Kathryn at Daniel. At ang huli ay pinag “Gentleman” ni Vice si Daniel. Ginawa naman ni Daniel ang mga pinagawa sa kanya ng komedyante.

(CLICK HERE to watch video of Daniel Padilla dancing during his concert)

Bago tuluyang umalis si Vice sa stage ay hiningan niya ng wish si Kathryn para kay Daniel. Maluha-luhang sinabi ni Kathryn na “Bago yung birthday wish ko, ay gusto ko muna siyang i-congratulate, Congratulations! [sabay hawak sa dibdib ni Daniel] Kasi dream come true mo ito. Super proud kaming lahat sa ‘yo. Sana mag tuluy-tuloy yung blessings, saka para sa mga fans, huwag po kayong magsawang suportahan si DJ, kasi sobrang bait talaga ng taong ito.” Tanong ni Vice, “Bakit ka umiiyak?” Sabi naman ni Kathryn, “Hindi! Kasi sobrang happy talaga ako para sa kanya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matapos ang mga pinagawa ni Vice kina Kathryn at Daniel ay iniwan na ni Vice ang dalawa sa stage dahil nakaka istorbo na daw siya sa pagiging sweet ng dalawa. Inawit naman ng dalawa ang pinasikat na kanta ni Daniel na “Nasa Iyo Na Ang Lahat.”

Huling inawit ni Daniel ang “Pagsubok” ngunit sumigaw ang mga tao ng “More! More!” Dahil dito, pinagbigyan ni Daniel ang mga ito at inawit niya ang “Hinahanap-Hanap Kita” bilang encore.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN