Mark Escueta recalls how he reconciled with Rico Blanco after years of non-communication



Kamakailan lang ay nag-release ng bagong album ang bandang Rivermaya na ang title ay Panatang Makabanda. Isa na sa matatawag na institusyon na rin ang Rivermaya pagdating sa mga local band ngayon dahil sa tagal na nito.

Sa susunod na taon ay ipagdiriwang na nila ang kanilang ikalawang dekada. Marami na rin nangyari sa kanila pero, puwede ng sabihin na nananatiling matatag ang mga naiwang miyembro nito.

Kabilang dito ang orihinal na drummer ng banda na si Mark Escueta.

Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mark kamakailan lang, ang una naming tinanong sa kanya ay kung bakit Panatang Makabanda ang title ng kanilang album.


Ayon kay Mark, “Well, unang-una, parang naaliw lang kami na para siyang Panatang Makabayan na may twist. Dalawang side, e. Yung isa, parang natuwa kami sa mga fans ng Rivermaya. Parang kahit ang daming nangyari sa amin, through the years, magtu-twenty years na kami next year.

“1994 kami [nagsimula]. Pero yung mga fans, sinasabi lang nila, basta maglabas lang kayo ng kanta at susuportahan namin kayo. Parang natuwa lang talaga kami sa kanila. Parang meron silang panata na basta, susuportahan namin kayo.”

Dugtong din niya, “Actually, hindi lang sa amin, kahit sa ibang artist. Kahit na medyo down ang music industry, ang dami pa rin nagpupunta sa mga concerts. Nagkakaroon pa rin ng mga fans kahit na sabihin mo na online lang o sa Twitter lang, totoong fans pa rin sila.

“Hindi nga lang lahat bumibili ng CD, pero hindi ibig sabihin na walang sumusuporta sa OPM.

“So, natutuwa kami run na sa side ng fans, meron silang panata na susuportahan. Sa side naman namin, nandoon ang pasasalamat na nandoon pa rin sila.”


All-originals daw ang 12 kantang nakapaloob sa album nila sa ilalim ng Universal Records. Ang single nila ay "Pilipinas, Kailan Ka Magigising?" Pero hindi naman daw lahat, tungkol sa bayan ang kanta nila.

Ayon kay Mark, “Ine-encourage namin ang selflessness ng mga Filipino. Kasi, parang yun ang matagal na tayong tinatawag na sleeping tiger ng Asia. Pero, sabi ko, teka, ni-research ko siya. Ilang years na tayong tinatawag na sleeping tiger.

“Ang tagal namang matulog ng tiger na ‘to. Siguro kasi, nagkakaisa tayo kapag selective time lang. Like kapag may laban si [Manny] Pacquio. May certain na ganoon. Doon lang nagkakaisa. Pero siguro, kung ang lahat ng tao mas uunahin nilang isipin ang nakararami at lahat ginawa yun, siyempre, damay ka na ro'n.

“So, doon lang yata magkakaroon ng changes. Kailangan natin patience. E, yung ibang Pinoy, ang gusto nila shortcut. Kung ano ang gusto nilang pagbabago, nagmamadali to the point na nakakaapak na sila ng tao para makuha nila ang gusto nila.”


Si Mark ang isa sa orihinal na miyembro ng Rivermaya. Kasama pa niya noon sina Bamboo Mañalac at Rico Blanco.

Pero nauna nang umalis sa grupo noon si Bamboo. Si Rico naman, noong 2007 nawala sa grupo nila. Pero sa dalawa, si Bamboo raw ang madalas pa rin nilang nakakasama.

“Yung dalawang kabanda ko, may dalawang anak na siya. Si Bamboo, may dalawa na rin anak. So, kung minsan, may family day kami. Pero si Rico, last year lang ulit kami nag-usap, from 2007.”

Alam nga namin, may hindi pagkakaunawaan o hindi naging maganda ang paghihiwalay ng grupo nila kay Rico.

Paano sila nagkaayos?

“Sinadya ko talaga siyang kausapin,” saad ni Mark.

Siya talaga ang gumawa ng unang move?

“Oo kasi, prior to last year, mga two years na kaming nagri-reach-out sa kanya na nag-i-email o nagti-text. Kasi, matagal na. Although, challenging talaga sa amin ang nangyari. Pero, ayaw naman naming bitbitin pa yun habang-buhay, ‘di ba?

“Pero hindi pa siguro time no'n.

“E, last year, may show sa Davao ang Tanduay. Nagda-drum ako at sabi ko makikita ko si Rico rito. Nilapitan ko siya. Sabi ko, tapusin na natin yun, matagal na yun. Mag-usap tayo kahit hindi ngayon.

“Sabi naman niya, sige, gusto mo, kahit ngayon na. E, magulo kasi sa backstage. Kaya sabi ko, hindi, usap tayo sa Manila. Pero yun naman ang hindi pa nangyayari. Kasi, kapag nagti-text ako sa kanya, palaging hindi nagkakatugma ang sched.

“Pero at least, pagdating ng Manila, nagkakabatian na kami. Dati kasi, dedma.”

Hindi lang daw talaga naging maayos ang pagkakaalis ni Rico sa grupo nila noon na naging isyu talaga. Pero, ayon kay Mark, ngayon naman daw, naiintindihan na nila ang nangyari.

“Hindi lang naging maayos, hindi lang naging malinaw. Pero ngayon, naiintindihan ko na ang nangyari noon. I guess, for the betterment of everybody na rin. Naging maganda ang nangyari sa kanya. Maganda rin ang nangyari sa amin.

“Si Bamboo okay rin, ibang direksiyon din ang pinili niya. Ang importante lang naman sa banda, walang sulutan, e.”

Naitanong naman namin kay Mark kung naniniwala ba siyang buhay na buhay pa rin ang kalagayan ng mga band sa bansa.

Sabi naman niya, “Oo, sa tingin ko. Simula nang magkaroon ng Internet. Yung education naging madali. Ngayon kasi, kung gusto mong mag-aral ng gitara, i-search mo lang sa YouTube ang kantang gusto mo, mahahanap mo, e.

“Sa concert scene kasi, doon namin nakikita ang gutom ng mga fans. Parang umabot na sa point na lahat nada-download. Lahat napapanood mo for free. So, kahit mall show ngayon, pinupuntahan nila. Iba yung nakikilala nila ang mga artists.

“Iba yung gusto nilang magpapirma. Kasi, kahit mag-download ka ng mga gigs, pictures, iba ang personal contact nila sa mga artists. Yun sana ang dumami pa.”

Dugtong naman niya, “Sa ngayon, happy kami sa nangyayari sa album. Ang ganda ng reception ng mga fans. Kasi, huling album namin, 2009 pa. Kaya sabi nila, ay salamat.”


CONSTRUCTING A NEW HOUSE. Pagdating naman sa married life ni Mark, masasabi niya raw na “okay na okay” sila ng misis na si Jolina Magdangal pagkatapos ng mahigit isang taon nilang pagsasama bilang mag-asawa.

Ngayon daw, nagde-design na sila ng bahay na ipapagawa.

Kamusta naman ang pagkakaroon na nila ng baby?

Sabi naman ni Mark, “Yun sana, this year rin ang plano namin. Pero, naisip namin kapag nagkasabay sa construction ng bahay, baka naman maging masyadong stressful sa kanya. So, okay lang kung this year or next year.”

Hindi naman sila nagko-control pa na magkaroon na ng anak?

“Hindi, hindi naman,” sabi niya.

“Ano naman kami, kung ibibigay ni Lord, ibibigay Niya. Pero, hindi pa, e.”

Hindi naman siya naiinip na magkaroon na ng mini-me?

“Hindi naman, okay naman kami. Nakapag-travel kami last year at sabi rin naman ng iba, i-enjoy niyo lang ang time na kayong dalawa at nama-maximize naman namin yun. Pero kung ano, gusto rin namin na magkaroon ng baby.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN