Mark Escueta says “Malayang Magmahal” is based on his past experiences with Jolina Magdangal

Mark Escueta says the song “Malayang Magmahal” somehow reflects his past experiences with Jolina Magdangal. In 2014, Rivermaya will celebrate its 20th anniversary as a band.


Mararamdaman mo na nandoon talaga ang paghahangad ng mga OPM artists na maibalik ang sigla ng Original Pilipino Music, partikular na ang mga local bands.

Isa na rito ang bandang Rivermaya na pinangungunahan ni Mark Escueta.

Noong August 30, naimbitahan mismo ni Mark ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanilang kauna-unahang fans day na ginanap sa Burger King, Timog Avenue.

Lahat ng nandoon ay nakasuot ng itim na T-shirt na may nakasulat na Team Rivermaya habang ang apat na miyembro ng Rivermaya na sina Mark, Mike Elgar, Ryan Peralta and Norby David ang nagho-host at nagpapalaro sa kanilang mga fans.

Nakausap na lang namin ang lead vocalist ng banda na si Mark pagkatapos ng event at pagkatapos na halos mapagbigyan nila ang mga fans na gustong magpa-picture kasama sila.

Kay Mark namin nalaman kung paano nabuo ang fans day.

Ayon dito, “Dati kasi, noong may Yahoo group pa, doon kami nakakapag-usap. Hanggang sa mawala yun, nagkaroon ng Facebook, doon, gumawa sila ng Team Rivermaya, nakakausap namin sila sa Facebook. Tapos, sa Twitter nakakausap namin sila.

“Ito ang first time na nagkasama-sama kami. Karamihan ng nandito ngayon, ngayon lang namin nakita, first time namin nakilala.”

Kulang isang-daang tao ang dumating sa ginanap na fans day nila. Napag-alaman din namin na ang Rivermaya ang naghanda ng lahat. Parang nagkaroon lang ng P100 each share ang bawat miyembro at kasama na roon ang pagkain, t-shirt at mga freebies na natanggap nila. Bukod pa sa mga pa-premyo nila sa mga laro.

“Madalas namin itong ginagawa noon, pero hindi pa Team Rivermaya. Minsan kasi, sa mga gigs, tugtog-uwi lang kami. Hindi kami nakakapag-interact sa kanila. Sa panahon ngayon, ang daling mag-interact sa online. Tapos, nakakanood sila ng mga games sa YouTube.

“Parang mas importante sa amin ang personal na makilala sila talaga at ma-share rin namin kung paano kami off-stage.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa naturang fans day din, sinurpresa rin nila ang mga fans na ipapanood sa kanila una ang kanilang ikalawang music video na “Malayang Magmahal” mula sa kanilang bagong album na Panatang Makabayan sa ilalim ng Universal Records.

Ang “Malayang Magmahal” ang second single nila at ayon kay Mark, medyo kanta raw nila ni Jolina Magdangal yun.

“Tungkol kasi siya sa couple na, kumbaga, based sa mga na-experience namin bago kami ikasal, hanggang ngayon, basta alagaan niyo lang ang isa’t-isa. Kahit ano pa ang dumating, maliit man o malaki, partners kayo, e.

“Alam niyong usap lang ang katapat. Hindi ka matatakot kasi, hindi ka nag-iisa. So, kahit siya, palagi ko siyang nire-remind na kung anuman ang nararamdaman niya, maganda man o hindi, meron siyang karamay.”

Ika-19 years na ng Rivermaya ngayon. Kaya sa 2014, dalawang dekada na nila.

May plano na ba sila para i-celebrate ang 20th anniversary nila bilang banda?

“Wala pa, e, pero, siyempre, dapat ma-celebrate. Bihira na lang din—siguro, kahit isang small concert.”

Sabi naman namin kay Mark, bakit hindi isang malaking concert, may takot ba sila na gumawa ng isang malaking concert?

“Hindi naman,” saad niya.

“Actually, maraming lumalapit. Maraming nagsasabi na gusto nilang i-stage ang concert. Ever since, few years ago at ang gusto nila, even yung past member, kasama.”

Ilan sa mga dating miyembro ng Rivermaya ay sina Bamboo at Rico Blanco.

Sabi naman ni Mark, “Sana mangyari siya. Masaya. Well, hindi siya puwedeng tawaging reunion, kasi, hindi kami nadisband. Pero, puwede siyang parang time machine. Parang babalik ka sa time. Kasi, ang nangyari naman sa Rivermaya, kada-may umaalis, may pumapasok.”

Sa lahat ng miyembro, si Mark ang maituturing na pinaka-matatag at orihinal sa grupo dahil 1994 pa lang ay kasama na siya sa Rivermaya.

Bilang dati nilang miyembro si Bamboo, masaya ba si Mark sa nangyayari sa career ni Bamboo ngayon lalo na’t isa siya sa mga coaches ng The Voice of the Philippines at kamakailan ay nakagawa ng isang matagumpay na konsiyerto kasama si Yeng Constantino sa Araneta Coliseum?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oo,” mabilis na sagot ni Mark.

“Masaya ko para sa kanya noong bumalik siya galing sa Amerika at nagbanda siya ulit. Kasi, alam ko na noong kabanda ko siya, alam ko talaga music ang buhay niya. Musikero talaga siya. Pero, noong nagkataon na yun, siyempre, iba-iba ang buhay ng musikero. Meron siyang kailangang gawin at that time na hindi niya natuloy-tuloy with Rivermaya.

“Kaya masaya ko noong bumalik siya rito at nagbanda ulit for a few years. Ngayon naman, solo artist siya. Pumasok pa siya sa TV. At kapag nakakasama ko siya, nakikita kong masaya siya. At nakakatuwa siya as a father, as a family man. Kung paano niya alagaan ang anak niya, nakakatuwa siya.”

Siya ba, hindi niya inisip na subukang mag-solo rin?

“Hindi,” natatawang sabi ni Mark.

“Siguro hindi ako para sa ganun. Meron talagang musician na ganun. So far, nae-enjoy ko pa rin ang pagbabanda. Hindi ko naiisip na magtu-twenty years na kami. Nae-enjoy ko pa rin at saka, masaya lang, lalo na ngayon, si Norby, ka-batch ko siya since Prep. At yung first band namin, noong High School, magkabanda na kami niyan.

“So, in a way, yun ang parang reunion for me. Magkabanda kami since bata kami and si Ryan din. 1998 pa lang, siya ang nagsa-sub sa akin kapag nagkakasakit ako at noong nagti-thesis ako sa La Salle. Kaya ngayon, masaya ko na puro kabarkdada ko ang mga kasama ko.”

JOLINA’S DUE DATE ON FEBRUARY 16. Buong-buo rin ang suporta ng misis ni Mark na si Jolina Magdangal sa ginanap na fans day nila. Pero, sa kalagitnaaan ay kinailangan nitong mag-stay muna sa kanyang sasakyan dahil medyo nakaramdam ng hindi maganda sa kanyang pagbubuntis.

Ayon kay Mark, “Every now and then kasi, nahihilo siya. Kaya nagpahinga muna siya sa kotse ngayon.”

Kumusta na nga ba ang mga future Mommy and Daddy?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Very excited pa rin,” saad niya.

“Araw-araw nadaragdagan. Bale, kaka-four months pa lang niya. So, halfway na ng pregnancy. Nakabalik na rin siya sa work. Pero, promise naman niya, mag-iingat siya. So, kung may chance, sumasama ako para maalalayan siya.”

Ano na ang mga napapansin niya kay Jolina ngayong buntis ito?

“Sa ngayon, nagiging antukin siya at nahihilo paminsan-minsan. Minsan, nararamdaman niya masusuka siya, pero hindi naman natutuloy. Madali na siyang mapagod. Konting lakad lang, napapagod na siya. At saka, everyday, may nababasa kaming application sa phone on what to expect.

“At makikita mo daily kung ano ang mga pagbabago at kahit sa Daddy, may mga advice.”

May mga pinaglilihian ba siya?

“Wala siyang cravings na sabi kasi, kahit madaling-araw, magpapabili. Pero, meron siyang favorite na tapsilog ng Sinangag Express. Malapit sa bahay namin tapos, yung sinigang ng Mommy ko at beef mami ng Mommy ko. Yun minsan ang hinahanap niya.”

Sa ugali, wala naman siyang nakikitang pagbabago?

“Wala naman, minsan lang, nagiging malilimutin siya. Pero sa ugali, wala naman.”

Base sa latest ultrasound, ang due date ni Jolina ay February 16.

Kung si Mark ang tatanungin, babae ang gusto niyang maging panganay nila habang si Jolina naman ay lalaki.

“Actually, kahit ano naman, okay lang. Kapag babae lang kasi, parang nakakatuwa na pinapanood siya na binibihisan niya na little version niya. Kasi, before nito, pinapanood ko na siya kapag nilalaro niya si Fufu [ang alaga nilang aso]. Sobrang alaga niya si Fufu. Paano pa kaya kung kapag baby na? So, excited akong makita at ma-experience.”

Ngayong malapit na silang maging mga magulang, masasabi niya ba na mas naging malapit pa sila sa isa’t-isa?

“Oo,” saad niya.

“I think, siyempre, mas madaragdagan kami ng responsibilities. Sanay naman kaming mag-plan for the future, so, magkakaroon kami ng isa pang importanteng rason ngayon para mag-plano. At saka, nae-enjoy namin yun, eh, plano for the long-term at pag-aaral of being parents and ngayon, nagbabasa kami ng mga libro, nagri-research kaya naragdagan din ang rason para maging close kami lalo.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN