PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Herbert Colanggo, inmate turned singer, reaches Platinum for Kinabukasan album

Herbert Colanggo, who is currently imprisoned in Bilibid, reaches Platinum for his Kinabukasan album.
by Glen Sibonga
Published Apr 14, 2014
Herbert Colanggo, an inmate at the National Bilibid Prison maximum security compound, is behind the Platinum album Kinabukasan.


Lubos ang kaligayahan ng bagong singer at recording artist na si Herbert Colanggo o mas kilala bilang Herbert C. dahil nag-hit ang carrier single niyang "Paano ‘Yon," na ngayon ay laging pinapatugtog at most requested pa sa mga radio station.

Kabilang ang kantang ito sa kanyang first album distributed by Ivory Music and Video, ang Herbert C: Kinabukasan, na certified platinum na at pararangalan sa April 27.

Hindi ine-expect ni Herbert na magiging matagumpay ang first album niya. Sabi niya, “Tumutulo ang luha ko, hindi ko akalain na darating sa puntong ito. Dati nangangarap lang ako, pero ngayon ay natupad na.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Herbert pagkatapos ng kanyang charity show sa Batang City Jail Covered Court sa loob ng Maximum Security Compound ng National Bilibid Prison noong Abril 12.

Dream come true ang album na ito para sa kanya lalo na’t isa siyang inmate at ngayon ay nakabilanggo.

“Noong bata ako, mga 12 to 14 years old ako, nangarap akong maging artista at singer. Pero wala akong pambili ng CD player at recorder. Hilig ko na talagang kumanta noon. Sumasali rin ako sa mga amateur singing contest. Naging second place ako noon at ang kinanta ko yung 'Tanging Ikaw.' Ngayon eto at may sarili na akong album. Pwede ko nang ibahagi ang musika ko, ang talento ko hindi lang sa mga kasama ko dito sa bilangguan, kundi sa buong bansa, sa buong mundo.”

Tuloy-tuloy na raw ang pagiging singer niya at ngayon pa lang ay inihahanda na niya ang susunod niyang album. “Tuloy-tuloy na ito hangga’t kaya kong kumanta, kahit pa hanggang pagtanda ko. Ang number purpose ko ay magpasaya ng mga tao.”



SONGS ABOUT HIS LIFE. Ang debut album ni Herbert ay produced ni Margot Gallardo at ang lahat ng mga kanta ay composed ni Edith Gallardo (ang composer ng hit song na 'Pagdating ng Panahon' ni Aiza Seguerra), with assistance and publicity by Joyce Pagala at Joan Atayan.

Bukod sa "Paano ‘Yon," kabilang din sa track list ang "Akala Mo Lang ‘Yon," "Ikaw Ang Pag-ibig," "Kinabukasan," "Doon Lang" at ang minus one ng naturang mga kanta.

Lahat ng kanta sa album niya ay may kinalaman sa mga pangyayari sa kanyang buhay. “Lahat ng kanta ko ay tungkol sa buhay ko. Kinuwento ko lang kay Edith lang ng nangyari sa buhay ko and yun naisulat na niya ang mga kantang ito. Nagustuhan naman ng mga tao ang mga kanta ko. Happy ako at nagpapasalamat pag pinapa-sign nila ang CD at sinsabi na walang tapon sa mga kanta ko.”

Isa-isa ngang inilarawan at inihayag ni Herbert ang kanyang damdamin sa kanyang mga kanta.

“Yung 'Pa’no ‘Yon' kasi nandito ako sa loob ng kulungan, paano ko sasabihin sa pamilya ko na nandito ako. Paano ako makakatagpo ng magmamahal at sasabihin sa kanya na nandito ako? Paano niya ako matatanggap?

“Yung 'Akala Mo Lang ‘Yon' ang bagay na kanta para sa mga taong naligaw ng landas at hinusgahan agad ng mga tao.

“Yung 'Ikaw Ang Pag-ibig,' kapag nagmahal kasi ako ay buhos talaga ang pagmamahal ko. Ang pag-ibig ko ay totoo. Yun nga lang lagi akong iniiwan ng mga babae. Kaya sana dumating din yung araw na yung mamahalin ko ay hindi na ako iiwan.

“Yung 'Kinabukasan' ay tungkol sa akin, sa amin na nandito sa kulungan. Kumbaga kami dito ay may kinabukasan pa rin, may pag-asa pa. Hindi ko dapat isipin ang nakaraan dahil heto ako ngayon nagbabago.

“Yung nag-iisang revival na kanta sa album ay ang 'Doon Lang.' Nakaka-relate ako sa kantang ito dahil hindi ako nakatapos ng pag-aaral. Nanay ko ang naghirap sa akin dahil maagang namatay ang tatay ko. Kaya paborito ko ito dahil para ito sa nanay ko, para ito sa mga nanay. Pag kinakanta ko nga ito hindi ko mapigilang maluha dahil lagi kong naaalala ang nanay ko.”



DOING GOOD DEEDS FOR FELLOW INMATES. Ang kahanga-hanga pa kay Herbert ay nagawa niya ang album kahit isa siyang inmate sa loob ng Bureau of Corrections sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa.

Nagpapasalamat siya sa mga opisyal ng NBP at maging sa Department of Justice sa pagpayag sa kanya na gawin ang recording ng album niya sa Himig Pagbabago Studio ng NBP Maximum Security Compound.

Resulta ito ng mga magagandang bagay na ginagawa niya bilang overall chairman ng Maximum Security Compound. Marami siyang pagbabagong ipinatupad upang maging malinis at mapayapa ang loob ng bilibid.

Every week ay nagkakaroon rin siya ng charity show para sa mga kapwa niya inmates. Bukod sa free concert, variety show at raffle draw ay nagsasagawa din siya ng feeding program para sa mga matatandang inmates, sa mga walang dalaw, at sa mga may kapansanan sa bilibid. Isang anak din daw ng inmate na malapit nang mabulag ang natulungan niya para makakita.

Biniro nga ng PEP si Herbert C. na ang C niya ay pwede na ring i-tag bilang Charity at Charm. Pero mapagkumbaba niyang sabi, “Una sa lahat, nagpapasalamat ako na napunta ako sa Maximum. May misyon ako na nalagay ako sa kulungan. Ako man ay naligaw ng landas noon, ngayon ay binabangon ako ng Diyos. Nagpapasalamat ako kay Papa Jesus, kay Mama Mary at kay Sto. Nino dahil nabuksan sa kabutihan ang aking puso at isipan.”

Nasentensiyahan si Herbert ng 12 o 14 years na pagkakakulong dahil sa kasong bank robbery. Kahirapan daw ang dahilan kaya ginawa niya ito pero pinagsisisihan na daw niya ito at ngayon ay sinisikap magpakabuti upang maipagpatuloy niya ang magagandang bagay na ginagawa niya sa loob ng bilangguan.

“Misyon ko na makilala sa buong bansa o maging sa buong mundo na ang isang dating hoodlum ay hindi dapat husgahan. Dapat bigyan pa rin ng pag-asa na magbago. Ako raw ay bank robber, sinasabing kriminal ako. Doon ako na-challenge na patunayan na pwedeng magbago ang isang naligaw ng landas noon. Sinasabi nila na ang bilibid ay libingan ng buhay na patay. Natatakot sila dahil akala nila kapag sinabing Maximum Security Compound ay magulo. Pero ngayon malinis at mapayapa na ang bilibid. Natutuwa ako na napasunod ko ang ibang naligaw din ng landas. Lahat ay may pag-asang magbago at magpakabuti.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
Read Next
Read More Stories About
album, music
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Herbert Colanggo, an inmate at the National Bilibid Prison maximum security compound, is behind the Platinum album Kinabukasan.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results