Herbert C, inmate-turned-singer, receives Gold and Platinum Record awards for Kinabukasan album

Herbert Colanggo (left), an inmate in New Bilibid Prison, receives Gold and Platinum Record awards for his Kinabukasan album.


Hindi inakala ng bagong singer at recording artist na si Herbert Colanggo (mas kilala bilang Herbert C) na magiging malaking tagumpay ang kanyang debut album na Herbert C: Kinabukasan under Ivory Music.

Kaya naman naging emosyonal ni Herbert at labis ang kanyang pasasalamat nang sabay na ibigay sa kanya ng Ivory Music executives ang Gold at Platinum Record awards para sa kanyang album. Ang awarding ay bahagi ng kanyang concert at charity show na ginanap noong April 27 sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

Naging mas makabuluhan at makahulugan pa ang pagpaparangal na ito para kay Herbert dahil present sa okasyon ang kanyang ina, na kinantahan niya ng "Doon Lang," ang tanging revival song sa album niya.

Kabilang din sa mga special guests niya ang kanyang mga kamag-anak, mga kaibigan, mga pulitikong tumutulong sa kanya, pati na rin ang mga supporters niya. Present rin ang kanyang album producer na si Margot Gallardo, composer na si Edith Gallardo at ang manager niyang si Joyce Pagala kasama ang publicity assistant nitong si Joan Atayan.

Bukod kay Herbert, nag-perform din sa concert ang mga kapwa niya bilanggo sa NBP na mula sa Medium Security Compound, ang College Guild under the education division of BuCor reformation program sa ilalim ni Rexy Morales. Tumugtog din ang bandang Nil Premum Nocere mula sa Maximum Security Compound sa pangunguna ng inmate na si Gilbert Ronquillo. Special performers din sa concert ang bandang The Moonflowers, girl-group na Eye Candies, Detour G band, AS Crew dancers at iba pa.

Bago pa ang concert ay nakausap na ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Herbert at ibinahagi nga niya ang nararamdaman niyang kaligayahan.

Aniya, “Ngayon ay sobrang saya ko. Una sa lahat, nagpapasalamat ako kay Mama Mary sa Antipolo, Nazareno sa Quiapo, Sto. Nino sa Cebu. Ito po ay ibinigay nila sa akin, hindi lang sa akin, ibinigay sa amin dito sa loob ng Maximum Security Compound. Lubos-lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng mga tumulong at sumuporta sa album ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang sa album ni Herbert ang mga kantang niyang "Paano ‘Yon," "Akala Mo Lang ‘Yon," "Ikaw Ang Pag-ibig," "Kinabukasan," "Doon Lang" at ang minus one ng naturang mga kanta. Para sa isang inmate na katulad niya na nakakulong sa Maximum Security Compound sa NBP, malaking achievement nga naman na maparangalan siya ng Gold at Platinum Record awards.

“Excited ako at happy ako na yung sikap ko at pagod at pawis ko at pagsilbi ko sa loob bilang overall chairman ng Maximum Security ay namumunga po siya. Pinapangarap ko na sana mapansin ng buong Pilipinas at sambayanang Pilipino itong dream ko, hindi lang para sa akin kundi para sa aming lahat dito sa loob.”

Dahil sa tagumpay ng kanyang unang album, pinaplano na rin daw nila ang susunod niyang album na kabibilangan ng walong tracks.

MUSIC IDOLS. Ayon kay Herbert, ang pangunahing idolo niya sa singing at dancing ay ang yumaong King of Pop na si Michael Jackson. Sa local music scene naman ay hinahangaan niya sina Martin Nievera, Rodel Naval, Ariel Rivera, at Freddie Aguilar.

Kung mabibigyan ng pagkakataon ay gusto niyang makipag-collaborate o makipag-duet sa sinuman sa kanyang mga idolo. “Sana po, dream ko rin po na maka-duet sila. Sana po may makatulong at mapagbigyan po. Kasama po iyan sa mga dasal ko na sana po itong ginagawa namin ay malayo ang mararating.”

Pinapangarap din ni Herbert na sana ay mapayagan siya na makapag-promote ng album niya sa labas ng NBP.

“Sana po, sana po mapagbigyan tayo at maaprubahan po ng Department of Justice. Hindi naman kami nanghihingi ng special treatment. Ang gusto ko lang ay mai-promote po ang album namin dahil ang kita nito, ang sales nito ay para sa charity shows dito sa loob.”

Kung sakaling mapayagan siya saang TV station at radio station niya gustong mag-promote?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sana po sa lahat ng TV stations po, sa lahat ng radio stations po pwede akong mag-promote.”

AN INSPIRATION TO FELLOW IMATES. Natutuwa naman si Herbert dahil nagsisilbi siyang inspirasyon sa kapwa niya inmates.

“So far ngayon marami na ang gumagaya po sa akin sa ginagawa ko, parang nahawahan ko na sila. May mga nagbubuo na ng grupo, ng mga banda. Nandito lang naman ako para sumuporta sa kanila bilang chairman ng Maximum Security. Isa iyan sa mga pangarap ko na kami ay makagawa ng mabuti at maganda dito sa loob.

"Katulad ng album kong Kinabukasan, may kinabukasan po kami. Sabi ko sa kanila, hindi tayo mawalan ng pag-asa, may pag-asa po tayo na itong dilim na ito ay may liwanag pa. Tayo ay gagawa ng mabuti at hindi na magloloko pa. Nagpapasalamat po kami sa pakikipagtulungan ng Bureau of Corrections at sa Department of Justice na nagagawa namin ang mga project namin, pati ang pagtulong sa kapwa ko mga bilanggo.”

Bukod sa tuloy-tuloy ang pagbabahagi niya ng kanyang musika, hindi rin daw magsasawa si Herbert sa pagtulong sa kapwa niya inmates. Sa loob ng mahigit isang taon niya sa NBP, marami na siyang kawanggawa at magagandang bagay na nagawa bilang Overall Chairman ng Maximum Security Compound. Bukod sa kanyang charity shows at concerts sa loob ng NBP, nagsasagawa rin siya ng feeding programs para sa matatanda at may kapansanang inmates. Ilang buwan din siyang nagkaroon ng talent search para sa inmates at mga dalaw na tinawag nilang "Bilibid Got Talent."

May paliga rin siya ng basketball at iba pang sports activities. Tinutupad niya rin ang kahilingan ng inmates na sumusulat sa kanyang Munting Hiling program, na bukod sa pagbibigay ng mga gamit ay nagawa niya pang ipagamot ang anak ng isang inmate at maiwasan ang tuluyan nitong pagkabulag. Isa rin sa mga inayos niya sa tulong ng NBP officials ay ang peace and order sa Maximum Security.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasentensiyahan si Herbert ng 12 to 14 years na pagkakakulong dahil sa kasong bank robbery. Mahigit sa limang taon na raw ang nabuno niya sa sentensiyang ito.

“Mabigyan man tayo ng parole o hindi, nakahanda ako. Noong unang araw na makulong ako syempre nalungkot ako, natakot ako. Pero nawala lahat iyon. Parang nagpapasalamat pa nga ako ngayon na nakulong ako dahil nagkaroon ako ng reformation, nabago ang buhay ko. Masarap sa pakiramdam yung nakakagawa ka ng mabuti, nakakatulong ka sa kapwa mo. Kaya makalabas man tayo dito sa kulungan, itutuloy ko pa rin ang pagtulong sa mga bilanggo. Tutulong din tayo sa mga mahihirap sa labas. Sa tingin ko iyan ang gustong mangyari sa akin ng Diyos at saka ni Mama Mary.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN