Maglalabas ng bagong single at sarili niyang version ng “Waray Waray” ang premiere balladeer at OPM icon na si Nonoy Zuniga.
Sa ngayon, sino sa mga OPM singers ngayon ang gusto maka-collaborate at maka-duet ni Nonoy?
Ayon sa veteran singer, ang ABS-CBN singers Morissette Amon at KZ Tandingan ang gusto niyang makatrabaho.
Paliwanag ni Nonoy: "Ang galing ng dalawang ito. Kakaiba ang timbre ng boses at style ng kanilang pagkanta."
After over three decades, isa sa mga plano ni Nonoy ang mag-record ng popular song na magre-represent sa bawat lalawigan ng Pilipinas.
“Well, ang umpisa niyan ano, I’ve been recording since 1981 hanggang ngayon. So, more than 20 albums na ang nagawa ko. Iba-iba ang concepts. May Broadway... may OPM, mix. Lahat naisip na namin. Pero wala pang ganito,” paliwanag ni Nonoy nang makausap namin sa recent blogcon for his new single sa Pamana restaurant, Mother Ignacia Avenue, Quezon City.
“So, naisip namin na since it’s also OPM, why not record songs of the provinces in their respective dialects. Kaya naisip ko yung Waray, kasi ano ‘yan, Camar ‘yan, Leyte. And my Mom is a Waray. So, Waray din ako, kalahati. Kaya it’s so easy for me to speak the dialect.
“Sa bahay kasi nung bata pa ako, ang salita English, Tagalog, Waray.
“Ang father ko Bicolano, so yun ang susunod kong ire-record. Taga-Sorsogon yun, sa Bulan.”
Tumira rin ba siya sa Tacloban kung saan ang native regional language ay Waray?
“Nag-two years ako doon. E, nung high school, inuwi ako ng father ko. Pero sa Samar talaga ang parents ko: sa Calbayog, Samar.”
Sa dinami-dami ng Visayan songs bakit "Waray Waray" ang napili niya?
“Hindi, tapos na. May nagawa na ako na ibang kanta,” paglilinaw niya.
“Actually, may nauna na akong i-record na Cebuano, yung ‘Atik Ra.’ Tapos itong Waray song.”
May idea ba siya kung pang-ilang version na ang sarili niyang interpretation ng “Waray Waray?”
“Ang dami! Pero hindi ko binilang. Nung tiningnan ko sa internet, kitang-kita ko ang dami ng masyado.
“Meron ngang international version, e. Yung si Eartha Kitt.
“Female singer siya, may edad na siya. Ang galing niya. Ni-record niya, na-release ‘yan nung mga 1950s or '60s siguro,” kuwento ni Nonoy tungkol sa American singer na si Eartha Kitt.
What made him decide to record a very classic genre na hindi na masyadong naririnig ngayon, especially ng millennials? Personal advocacy ba niya ito?
“Yeah, to promote OPM music. Still OPM, di ba?
“Lahat ng dialects, OPM pa rin ‘yan. At saka ang daming...nagka-idea rin kami when we went to Cebu. We attended this Cebu Pop Music festival last year. Nagka-contest doon. Ang ganda ng mga Cebuano songs.
“Tapos meron pa sila nung Visayan Pop Music Festival. Ganoon din, contest din. Ang gaganda ng mga songs. Nagisip kami, bakit hindi naman napro-promote? Sayang. So, yun, isa pa yun sa nakadagdag sa aming ano plans, na-inspire kami.”
Paano ang atake ang gagawin niya sa sarili niyang version ng "Waray Waray?"
“Eto, medyo rock yung dating. Hehehe.
“Kasi yung mga luma [version], iba ang areglo. Try listening to the old version, kina Sylvia La Torre, Pilita [Corrales]."
Kinonsider din ba niya na may pagka-millennial ang version niya ng "Waray Waray?"
“Oo, sinabi ko kasi doon sa nag-areglo, gawin niyang appealing for this generation. So, ganoon.
“Mga millennial lang na Waray ang nakakaalam ng kanta, pero dito malamang di sila pamilyar sa kanta.
“Mga matatanda lang ang nakakaalam. Kasi naging hit yun nationwide, e, noon.”
Naniniwala ba siya na malaking tulong ang Spotify sa mga nagnanais na mag-release muna ng single?
“Oh, yes,” diin niya.
“E, noon, you have to do yung talagang album. At saka kung pwede, hindi sayang yung...magaganda lahat yung songs. Kasi yung iba, sa album, isang kanta lang ang maganda, and all the rest, hindi, di ba? Hahaha!
“Ang maganda rin nitong dialects, kasi hindi lahat ano, e, serious songs. Ito, novelty ‘to. First novelty song ko ‘yan. Parang si Marco [Sison] sa kanyang ‘Si Aida, si Lorna o si Fe.’
“Oo, kami ni Marco puro love songs. Yun ang first novelty niya, yung ‘Si Aida,’ at ito naman ang first novelty ko.
“Buti nga, e. wala kasing seryosong singer na kumakanta ng mga dialects. Laging Yoyoy Villame, Max Surban. Laging patawa.
“Pero pwede naman hindi. Yung Cebuano song, yung ‘Atik Ra’ is a serious love song. Etong ‘Waray, Waray,’ novelty.
“Hindi ko pa alam, yung Chavacano siguro love song din. Meron kasing nagsa-submit sa akin, e.”
Ang “Atik Ra” ay ang unang ‘dialect song’ na ginawa niya kung saan ang ka-duet niya ay ang talented young Cebuan singer na si Jolliane Salvado.
“Nasa Cebu siya, nag-aaral.
“‘Yun pa, ang balak ko sana every song may ka-duet ako na taga-doon na magaling kumanta. Kaya lang hirap na hirap kami dito sa Waray. Wala akong makuhang female singer. Baka.
"We’re still searching kung sino ang pwedeng Waray singer. E, gusto kong lagyan ng rap sa gitna, e.
“Kaya nga, yun talaga. Magra-rap siya, tapos magdu-duet kami in Waray. Kaso since wala pa, inayos ko muna ‘to. So, puro ganyan muna.
“Tapos gagawa kami ng isang album, pagsasama-samahin ko lahat ng ginawa kong ‘dialect song.’ Ilagay natin sa talagang ano, isang plaka lahat nung kanta na iba-iba ang dialects.”
Ano ang challenge of singing novelty songs?
“Hmm, depende sa novelty. Kung ano yung bagay sa akin. Kunwari yung, 'Atin ko po’ng singsing,' hindi bagay sa akin. Or yung, ‘Leron, Leron Sinta.’ Hahaha!
“Depende sa novelty song. Kung maganda yung novelty song, we will record it. Kung wala, we will search, research doon sa mga love song na kinompose. Kahit bago, basta maganda siya and the message is okay.”
Medyo upbeat ba lahat ng mga kanta niya with different dialects?
“Hindi, kahit ano. Yung ‘Atik ra’ na Cebuano ano siya, mabagal na love song pero pop siya. Itong ‘Waray, Waray,’ mabilis.
“Hindi pa tapos yung gagawin naming version ng ‘Waray, Waray,’ e.
“Raw pa siya. May backup singer siya. Tapos yun na nga, wala pa kaming makitang Waray na singer. Yun ang plano naming, kaya ‘yan muna yung pinarinig namin sa inyo. Pero di ‘yan talaga ang ilalabas sa Spotify. Parang sample lang ‘yan para magka-idea kayo.”
Naka-based na ba siya sa Cebu?
“Hindi, hindi naman. May business lang. Yung skin clinic at saka veggie restaurant. Helath and beauty, naks. Hahaha!
May gagawin ba siyang bagong album?
“Wala pa,” ani Nonoy. “Sunod ko Bicol, tapos Kapampangan, Ilokano, may Chavacano.
“Oo, para talaga maganda ang ano, I dunno know what the title will be but, iipunin sa isang album. Tapos siguro isang final song na parang ano, ‘Isang awit, isang sigaw.’ Parang ganoon, hahaha!
“Gagawin kong isang album talaga. Pero pwede nang i-release anytime.
‘Yun ang maganda ngayon paisa-isa muna, sa Spotify, digital.”
If ever, ano kaya ang magiging hitsura ng cover at album niya?
“Ano kaya? Hindi ko pa rin alam kung ano ang hitsura, e. Ano, flag kaya ng Pilipinas?
“Tapos ang title ng album, One Voice."
Kailan na-release ang huling album na ginawa niya?
“Tagal na. Matagal na akong walang album. Although nag-release na kami sa Spotify, yung Beginnings, mga three or four years ago. May physical CD, meron kaming ginawa.”
Magpro-promote ba siya ng “Waray Waray” on TV?
“Iisipin pa namin kung ano yung ipro-promote namin diyan, e.
“Tamang-tama eto kasi ano ngayon, patapos na yung kampanya, e. Kasi ano ako, e, ini-endorse ko yung [partylist] Anwaray. Tamang-tama ‘yan. Pupunta ako sa Tacloban this month."