Mula sa Kapuso singing search na The Clash ay nakabuo ng all-female quartet ang GMA Artist Center, ang XOXO.
Ang XOXO ay binubuo nina Riel Lomadilla, Dani Ozaraga, Lyra Micolob, at Mel Caluag.
Nagpakitang-gilas sila sa pagkanta at pagsayaw sa media launch noong Agosto 23, Biyernes, sa K-Pub, Trinoma Mall, Quezon City.
Si Mel ang “Sweet Girl” ng grupo.
Pagpapakilala niya sa sarili, “Ako po si Melbelline Caluag, pero magmula po ngayon, ako na po si Mel.
"Nagmula po ako sa Guiguinto, Bulacan.
"Twenty-one years old at sumali po ako sa The Clash—ako po ang tinawag na Belter Babe po roon.
“Kumakanta po ako ng matataas na kanta at lumabas na po ako sa Inagaw Na Bituin bilang kapatid ni Kyline Alcantara, ako po si Melody.
"Marami na rin po akong nasamahan tulad po ng Magpakailanman.”
Si Lyra naman ang “Tough Girl” ng XOXO.
“Ako naman po si Lyra Micolob ng Davao City.
"Before The Clash, nandito po ako sa Manila to work as lounge singer, sa iba’t ibang resto bar.”
“The Diva” ng grupo si Riel.
“Ako naman po si Muriel Lomadilla from Cagayan de Oro City at ako po ngayon ay tinatawag na Riel.
“Lumabas na rin po ako before sa Cain at Abel, ako po ang best friend ni Sanya Lopez.
"Nag-guest na rin po ako sa Pepito Manaloto, Studio 7, at iba pang shows ng GMA.”
Si Dani ang “Fierce & Sexy.”
“Ako naman po si Danielle Ozaraga, 22 po, from Cebu.
"Tinawag po nila akong Sultry Biritera, and now, ako na po si Dani, fierce and sexy sa group.
“Katulad po nila, nag-try na rin po akong mag-guest sa mga show ng GMA-7 at teleserye po.”
UNIQUE PERSONALITIES
Magkakaiba sila ng personalidad, pero nakikita raw ng apat na miyembro ng XOXO na “advantage” para sa kanila bilang isang grupo ang pagiging unique ng mga personalidad nila.
Sabi ni Lyra, “Ako po kasi, medyo tahimik lang po ako. Pero ngayon, medyo makulit na rin po.
"Pero kapag nagsabay-sabay na po, nakatahimik na po ako.
"Parang ako po ang nagpapatahimik sa lahat."
Nagbibigayan daw silang apat.
Ayon kay Riel, “Palagi po kaming naggi-give way to each other kasi alam po namin na each of us has our own idea.
"Kung may idea si Dani, papakinggan namin. Kung may idea si Mel, papakinggan namin."
Ayon kay Dani, “Siyempre, kung sa bosesan po, iba-iba po kami ng genre.
"Kaya kapag pinagsabay-sabay po kami, mas buo po yung nakiki-create namin."
Sinegundahan ito ni Riel sa pagsasabing, “Yun po ang beauty roon.
"Sa ibang groups po na nakikita namin, pare-pareho po sila ng genre.
"Yun po ang challenge and, at the same time, advantage namin, kasi iba-iba kami.”
Ayon sa in-charge sa musicality ng XOXO, ang arranger-composer na si Vince de Jesus, ang apat ang naging preferred group among The Clash graduates.
“Supposedly, may iba pang group, so ito ang pinaka-preferred among the first batch.
"Sinadya talaga naming mapili na si Mel, matinis. Si Lyra, nasa gitna.
"So dapat, from low ends to high ends, nandoon. Kapag pinagsabay mo, buo.
“Kasi, kapag lahat matinis, masakit sa tainga. Kung puro mababa naman, masyadong malungkot.
"From high to low, kapag kumanta sila, parang malapot na sopas, buung-buo.
“And siguro, that’s the beauty also and they’re very eager to learn.”
Inamin ni Vince na nangangapa pa sila sa kung saan papunta ang XOXO.
“Pasasaan ba at mahahanap din naman ang outstanding choreography to music to arrangement and we’re still learning every day,” sabi niya.