Nag-sign off ang bandang Agsunta sa kanilang YouTube channel noong Enero 2019, habang kainitan ng isyu tungkol sa cover songs nila.
Makalipas ang halos isang buwan, muli silang bumalik.
Ang Agsunta ay binubuo nina Jireh Singson (vocalist), Mikel Arevalo (guitar), Josh Planas (bass), at Stephen Arevalo (drummer).
“Actually, noong nag-sign off po kami, hindi naman kami nag-quit sa ginagawa namin. Nagpahinga lang kami sa social media,” pahayag ni Jireh sa blogcon ng Agsunta nitong Agosto 29, Huwebes, sa Luxent Hotel, Quezon City.
“Nag-refresh lang talaga kami pero plano rin namin na in the coming months, e, babalik din kami.
"At siguro po, ang nagpa-push lang din sa amin lalo, e, yung aming mga fans.
“Na noong nabalitaan nila yung signing-off, pinuntahan nila kami sa gigs namin.
"Nalungkot talaga sila at parang na-feel namin na parang, wow, may mga tao pala talagang naapektuhan at na-appreciate yung music namin.
“Sila yung mga naging inspiration namin para bumalik.”
AGSUNTA ADDRESES ISSUE ON THEIR COVER SONGS
Natutunan daw ng grupo nila na sa kahit anong propesyon, kahit na anong dumating, “never quit.”
Nandiyan ang isyu sa kanila ng bandang December Avenue.
Totoo bang may galit sa kanila ang December Avenue at pinariringgan sila dahil sa paggamit nila ng cover songs?
Ayon kay Jireh, “Kami po kasi, wala po kaming isyu sa kanila.
"Kumbaga, okay na okay kami sa kanila.”
Sabi naman ni Josh, “Actually, wala naman pong nakasabi doon—marami naman pong nagku-cover sa YouTube, so hindi namin ina-assume.”
Ang isyu ay ang OPM songs na pine-perform at ina-upload nila sa YouTube.
Paano ba ang proseso nila? Nagbabayad ba sila sa covers?
Saad ni Mikel, “Nagbabayad po kami.
“Sinusunod po namin ang rules and regulation ng YouTube bago kami mag-upload.”
Nagpapaalam sila sa mga kino-cover nila?
Ayon kay Mikel, “Kapag mga kakilala po namin sa industry, nakakapagpaalam po kami.
"Kaya lang kung minsan, may mga request po kasi ang mga tao na hindi namin kilala.
“Kasi, nag-start po talaga kami na trip-trip lang at saka kung ano ang gusto naming i-jam.
"Kapag kilala namin ang kakantahin naming song, nagpapalam kami.
“Pero siyempre, kapag hindi namin kilala, makikita na lang nila.
"Pero kasi, nakaano naman yun sa YouTube."
ORIGINAL SONGS
May mga orihinal na kanta na ngayon ang Agsunta sa ilalim ng DNA Music.
Hindi ba nila naisip na puro orihinal na lang, wala na silang cover songs na ia-upload?
“Hindi po talaga,” mabilis na sagot ni Jireh.
“At saka, doon din po kami nakilala. Doon namin nakuha ang mga fan namin.
"Kumbaga, alam namin sa sarili namin na hindi naman po ito dapat itigil.
“Sila rin po ang iniisip namin, ano ang mangyayari kung magsa-sign-off tayo, kaya rin po binalik din namin, para sa kanila rin po.”
Magtatatlong taon na simula nang pasukin ng Agsunta ang mainstream mula sa pagku-cover nila ng mga kanta sa YouTube.
At para sa mga ito, tamang panahon na para magkaroon sila ng major concert—ang Agsunta Feels Trip na gaganapin sa Setyembre 21, Sabado, sa Ayala Vertis Tent, Quezon City.
Guests sa concert sina Regine Velasquez, JM de Guzman, Shanti Dope, at BoybandPH.
Mahigit 700,000 ang subscribers ng Agsunta sa kanilang YouTube channel.
May kumpiyansa ba silang kahit 1/4 ng subscribers nila ay magbabayad ng ticket para panoorin sila?
Nakangiting sabi ni Jireh, “Siyempre po, yun po ang pinapanalangin naming lahat.
"Hopefully, magkaroon po kami ng numbers of people sa concert.
“Ang mae-expect siguro nila sa amin, marami kaming gagawin sa concert na hindi namin ginagawa.
"Kumbaga, kahit kami, talagang sinurprise namin ang mga sarili namin."