Nasa isang singing contest sa Iloilo ang premyado at respetadong composer na si Vehnee Saturno nang mag-alburoto ang Bulkang Taal noong Enero 12, Linggo.
“Naalarma siyempre tayo. Pagbalik ko sa Manila kinabukasan, nakita ko sa news ang footages,” lahad ni Vehnee nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa cellphone nitong Enero 27, Lunes ng hapon.
“Naisip ko, ‘Lord, paano makakabalik ang mga tao? Nawalan sila ng trabaho. Natabunan ang kanilang mga bahay. Iniwan nila ang mga alaga nilang hayop. Ang kanilang mga pananim.’
“Hindi madali ang transition. Paano sila makakabalik sa dating buhay?”
Makaraan ang ilang araw, nagkausap sila ng kaibigang entrepreneur na si Dr. Carl Balita.
“Tanong ni Carl sa akin, ‘Paano tayo makakatulong sa mga tao?’ Sabi ko, ‘Mag-fundraising tayo.’
"Hindi niya alam, bumubuo na ako ng kanta."
Dahil inspirado, mabilis na nabuo ni Vehnee ang awit na pinamagatang "Tulong Taal."
Ang refrain nito: “Tulong-Taal ang siyang kailangan/ Ng mga taong pagsubok ay nararanasan/ Taal na tulong ang tanging kasagutan/ Nang maibsan ang pagsubok na ngayon ay pasan-pasan...”
Pahayag ni Vehnee, “Isang upuan lang iyon. Hindi ko tinigilan.
"I think it was Sunday, around 1 a.m. nang simulan ko. 3 or 4 a.m., nabuo ko na.
“Sinabihan ko sina Carl at Isay [Alvarez] about the song. Positive ang reaction nila.”
OPM ARTISTS SING "TULONG TAAL"
Agad nagtatawag si Isay ng mga kaibigang mang-aawit.
Kuwento ni Isay via Messenger nito ring Lunes ng hapon, “Carl called asking kung gusto namin gumawa ng efforts towards rehab ng mga apektadong pamilya.
“Dahil bumaha ng tulong at pagmamahal ang mga kababayan, yung next step ang naisip namin—rehab and livelihood program.
“Yes, I was the one who contacted friends from industry to help out. Not easy in the beginning, pero naayos naman.
“Tinawagan ko rin ang kaibigan ko sa ABS-CBN na si Lauren Dyogi para sa ibang artista at matulungan kami sa promo.”
Nag-record ang artists noong Enero 21, Martes, sa studio ni Vehnee Saturno.
Ang mga umawit ng "Tulong Taal" ay sina Ice Seguerra, Isay Alvarez, Kakai Bautista, Robert Seña, Frenchie Dy, The Company, Poppert Bernadas, Vehnee Saturno, Ebe Dancel, Jaya, Aicelle Santos, Bayang Barrios, at Angeline Quinto.
Dagdag ni Isay, “The music video aims to inspire ang mga kababayang Batangueño at mga Pilipino.
"We hope to generate fund from this which will also go to funds for Tulong Taal.”
THE MUSIC VIDEO and the concert
Ang unang nag-upload ng music video ng "Tulong Taal" ay si Carl Balita sa kanyang YouTube account noong Enero 24, Biyernes.
Bahagi ng deskripsyon sa music video: “When the artists and the song become ONE...”
Ang official music video ay in-upload ni Vehnee sa kanyang YouTube account noong Enero 25, Sabado.
Mayroon itong lyrics, at may English translation iyon.
“May English translation ang lyrics dahil gusto kong maintindihan ng mundo kung ano ba iyong kanta, kung bakit sinulat ito,” sabi ni Vehnee.
Gaganapin naman ang concert na Tulong Taal: A Musical Collaboration for Taal Rehabilitation sa Pebrero 1, Sabado, 6 p.m., sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Sanib-puwersa rito sina Alakim, Angeline Quinto, Bayang Barrios, Beverly Salviejo, Carla Guevarra-Laforteza, El Gamma Penumbra, Frenchie Dy, Gerphil Flores, Isay Alvarez-Seña, Janice Javier, Jamie Rivera, Jenine Desiderio, Jose Rizal Institute Singers, Kiel Alo, Lawrence Mossman, Mandaluyong Children’s Choir, Poppert Bernadas, Richard Reynoso, Robert Seña, The Company, The Fortenors, Tricia Canilao, Vehnee Saturno, at Zephanie.
Saad ni Richard Reynoso, “This is the time to share God's blessing by lending your talent to help our less fortunate kababayans who are badly affected by Taal's eruption.
“On a more personal note, after my battle with thyroid cancer last year na maraming nagdasal for my recovery, this is my way of giving thanks as well.”
Sabi naman ni Frenchie, “Tulong Taal concert is a gathering of artists with mission and vision.
“We are helping our kababayans in Batangas by sharing our talents in doing the best that we do, that is performing, singing and dancing.
“Our mission is to help, of course and our vision is to gather funds for the rehabilitation of Batangas and livelihood for the victims of Taal.”
Ang halaga ng tiket sa Tulong Taal concert ay P1000, P500, at P300.
Para sa tiket, makipag-alam sa mobile number 0938-830-0350.