Nabanggit ni Gloc-9 na sa kasagsagan ng pandemya, dumating sa puntong naisip nitong parang hindi na niya kayang sumulat ng mga kanta.
Ayon sa mahusay na rapper, naisip niyang gamitin ang natapos na kursong Nursing sa pag-asang dito mas magiging stable ang buhay niya at ng kanyang pamilya.
"Sa totoo lang, ngayong pandemic iniisip ko na, 'Panahon na kaya na kailangan kong magligpit ng mga diapers ng mga Amerikano?'
"Iniisip ko 'yan sa totoo lang. Siyempre, ang aking priority ay ang future ng aking mga anak.
"Ilalagay ko ba ang natitirang fifteen years ng buhay ko na malakas ako sa music, o ilalagay ko sa isang career na puwede ko silang ilaban na medyo may chance sa future?
"Yun ang tinitimbang ko, puwede kong gawin yun na mag-shift ng career."
Inamin ni Gloc-9 na kinunsidera niya ang pangingibang-bansa para kumita nang mas malaki, bilang nurse, lalo pa't magkokolehiyo na ang twins niyang anak.
Saad niya, "Hindi ko sinasabi na madali yun, coming from kung ano ang ginagawa ko ngayon at kung ano ang malamang na pupuntahan ko.
"Pero ako'y handa dahil yun naman talaga ang ginagawa ko before.
"Puwede din naman akong pumasok sa production, mag-mentor ng mga bagong artists.
"Pero as I've said, dun ako sa mas sigurado.
"Pero siyempre yung love ko sa music, laging nandiyan iyan, e.
"Katulad nga ngayon, nandito ako ngayon at nakikipag-usap sa inyo dahil ako'y sumulat uli."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gloc-9 sa virtual launch ng collaboration nila ni Yeng Constantino, ang "Paliwanag." Ginanap iyon noong February 22, 2022.
ONLINE BUSINESS
Kinumusta namin kay Gloc-9 ang kanyang online business na itinatag niya noong kasagsagan ng pandemya.
"Yung Chicken Ni Gloc-9, hindi na namin siya itinuloy. Sa totoo lang, ginawa lang namin yun nung mga unang part ng pandemic.
"Talagang zero. Di mo alam ang gagawin mo, nandun tayo sa point na kailangan tayong gumawa ng action.
"Hindi mo puwedeng bunutin nang bunutin ang mga naitabi mo," lahad ni Gloc-9.
Nagpapasalamat siya dahil ngayon ay unti-unting bumabalik ang sigla sa music industry at iba niyang pinagkakakitaan.
"Pero sa awa naman ng Diyos, nagkaroon ng mga trabaho, medyo naging stable ang lahat.
"Kahit na pandemic, nagkaroon ng sense of ano, e... Kailangan mong galingan. Ilalabas mo talaga ang abilidad mo.
"Halimbawa, nawalan ka ng isang bagay, kailangan mong maghanap pa ng ibang pagkukunan. Yun ang nangyari.
"May.mga dumating na trabaho naman.
"Yung isa kong anak, nag-enroll pa sa Ateneo. Sabi ko, 'Seryoso ka ba?'"
Sabay matalinhagang dagdag ni Gloc-9: "Pag kailangan mo ng bigas, kailangan mong magtanim."
GLOC-9'S COLLAB WITH YENG
Si Gloc-9 ay kilalang composer at rapper, na ang karamihan sa mga ginagawang kanta ay may malalim na mensahe tungkol sa mga kaganapan sa ating paligid.
Timely ang collab nina Gloc-9 at Yeng dahil ang kantang "Paliwanag" ay may mensahe tungkol sa paninindigan sa tama para sa ikauunlad ng bayan.
"Pero katulad nga ng sinabi namin," sabi ng rapper, "ayaw naming maging preachy sa kanta na ito.
"Sinasabi ko lang ang nararamdaman ko, at malamang sana nasasabi ko rin ang nararamdaman ng marami sa mga kababayan natin.
"Nagkataon lang talaga na when we released the song, panahon din ng presidential election natin.
"Parang ano nga ito, nung time na ni-release namin ang 'Sirena,' yung pakiramdam na hindi ko alam kung paano siya ire-receive ng mga tao. Will they take it positively or hindi?"
Read: Yeng Constantino on cancel culture: "I know how it feels to be scared and to be bashed."
Unang nag-collab sina Gloc-9 at Yeng para sa kantang "Bugtong" noong 2011.
Puring-puri ni Yeng si Gloc-9 na isa sa kanyang idolo sa OPM.
Hanga rin naman si Gloc-9 sa talento ni Yeng na nakagawa ng sariling tatak sa music industry.
"Mahirap makita yung ganung traits sa ibang artists," ani Gloc-9.
"I think yung pagiging honest ni Yeng na tumatawid sa listeners at sa audience, yun ang mahirap makita. Pero pag nakita mo, hindi mo talaga bibitawan.
"Parang pag napanood mo na siya, pag narinig mo siya, parang kilala mo na siya. Parang nagpapakilala siya sa iyo. Through songs, alam mo na yung personality niya.
"Sa akin, ganun ang dating ni Yeng ever since ko pa siya mapanood at makatrabaho.
"Naniniwala ako na pag ang isang artist ay may ganung katangian, dun siya minamahal ng tao."
Sino pa ang gusto niyang maka-collab sa kanyang future projects?
"Di pa ako nakakagawa with Sir Gary," tukoy niya kay Gary Valenciano.
"Marami pa akong gustong makatrabaho. Siyempre kailangan 'yan ng tamang panahon, tamang materyal.
"Sana magawa ko iyan bago pa man dumating ang time na di ko na ituloy ang ginagawa ko."
