Dalawampung taon na sa larangan ng musika si Jonathan Manalo bilang isang songwriter.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jonathan, na tinaguriang Mr. Music, nagbalik-tanaw siya sa umpisa ng kanyang songwriting career.
Taong 2001 nang sumali si Jonathan sa songwriting contest ng ABS-CBN, ang Himig Handog Sa Makabagong Kabataan.
Ang awiting "Tara Tena" ay ang pinakaunang kantang likha niya na na-release officially dahil sa contest.
Kuwento ni Jonathan, “Fresh graduate lang ako noon, iyon yung year na nagkaroon ng EDSA Dos. So ang ginawa ng ABS, ang theme ng Himig Handog, ginawa nilang para sa kabataan.
“So sinubmit ko dun yung song ko na 'Tara Tena.' And to cut the long story short, amateur man ako, iyon yung naging grand prize winner nung time na yun ng Himig!”
Ang mga naging interpreter ng naturang kanta ay sina Kyla, ang vocal group ni Maestro Ryan Cayabyab na Kaya, at ang grupo ni Jonathan na V3.
“So para siyang ensemble ng kabataan na kumakanta at nagra-rally for the youth.”
Humigit-kumulang sa tatlong daang kanta na ang sinulat ni Jonathan na na-release. Ilan sa mga ito ay ang "Pinoy Ako," na siyang theme song ng Pinoy Big Brother (PBB); “Ililigtas Ka Niya” ni Gary Valenciano; "Para Lang Sa 'Yo" ni Aiza Seguerra; “Kabataang Pinoy” ng Itchyworms; “Paano Ba Ang Magmahal” nina Sarah Geronimo at Piolo Pascual; at "Patuloy Ang Pangarap" ni Angeline Quinto.
“Pero marami din pong nasa baul na hindi nare-record,” ang nakangiting pahayag ni Jonathan.
Itinuturing ni Jonathan na pinakamatagumpay na awiting kanyang nilikha ang "Pinoy Ako" ng PBB.
Aniya, “Naging anthem na siya, e, 'tapos kahit na hindi PBB, nagagamit siya.
"Nagagamit sa Olympics, sa SEA Games, nagagamit siya every time na may Pinoy Pride, na magiging proud tayo na maging Pilipino.
“'Tsaka kinakanta ng lahat ng ages, kahit foreigner alam yung kanta. Nakikita ko sa YouTube, mga foreigners familiar sila dun sa song.”
Nakausap ng PEP.ph si Jonathan noong May 16, 2022 sa ABBA Café, Academy of Rock, na matatagpuan sa #19 Scout Borromeo sa Quezon City.
Si Jonathan ay isa sa mga may-ari ng Academy of Rock, kasama nina Enchong Dee, Joshua Garcia, ang Singaporean businesswoman na si Priscila Teo-Lim, ang Artist On A Mission na si Kristine Lim, ang record producer na si Rox Santos, at negosyanteng si Junior Gan.

MULTI-AWARDED CAREER
Taong 2021 ay pinarangalan si Jonathan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bilang isa sa Ten Outstanding Music Artists sa nakaraang dekada.
Sa buong career ni Jonathan, nakapag-produce at nakapag-release na siya ng higit sa 200 albums para sa sari-saring artists sa Pilipinas, at may 75 multi-platinum at 100 Gold PARI Certifications.
Nakatrabaho na rin niya ang ilan sa pinakamahuhusay at kilalang singers, tulad nina Erik Santos, Kyla, Charice, Piolo Pascual, Juris, Toni Gonzaga, Jed Madela, KZ Tandingan, Inigo Pascual, Yeng Constantino, at Moira De La Torre.
Nakapag-produce naman si Mr. Music ng mahigit sa 100 TV and movie soundtracks at theme songs.
Ang pinaka-recent ay ang theme song ng seryeng He’s Into Her, na inawit ng BGYO at pinarangalan bilang Best National Song ng Asian Academy Creative Awards.
Mahigit 200 awards at nominations na rin na tinanggap ni Jonathan mula sa Awit Awards, Katha Music Awards, Star Awards For Music, Metro Manila Film Festival, Catholic Mass Media Awards, New York Festivals, Walk On Water Awards, at marami pang iba.
SONG FOR VP LENI'S CAMPAIGN
Nitong nakaraang eleksiyon, lumikha si Jonathan ng kanta para sa kampanya ni Vice-President Leni Robredo.
“Actualy kasi yung campaign ni VP Leni, walang official [jingle] kasi ang daming volunteers, kanya-kanyang gawa.
“Ang naging contribution ko sa campaign ni VP Leni, I’ve written some original songs and I also produced some songs.
“Like yung 'Liwanag Sa Dilim' is a song I’ve not written, it’s by Rico Blanco, but I did the production. I produced the music for the version for VP Leni, yung version ni Yeng Constantino 'tsaka yung all-star.
“I also wrote an original song, 'Leni Laban,' na all-star naman siya.”
UPCOMING ANNIVERSARY CONCERT and album
Sa ngayon ay pinagkakaabalahan ni Jonathan ang special all-star 20th anniversary double album niya. Ito ay isang musical series entitled Lyric & Beat na naglalalaman ng lahat ng kanyang compositions.
Mayroon din siyang isang special collaboration project with missionary visual artist Kristine Lim na isang “first of its kind music & arts fusion project.”
Abala rin si Jonathan sa paghahanda para sa kanyang anniversary concert ngayong Oktubre, kung saan imbitado ang lahat ng mga artists na naka-collaborate niya sa loob ng 20 years.
Kasama kaya dito si Toni Gonzaga, kahit na magkaiba sila ng sinuportahang kandidato nitong nakaraang eleksyon?
Isang solid supporter ni VP Leni si Jonathan, habang solid supporter naman ni President-elect Bongbong Marcos si Toni.
Sagot ni Jonathan, “Invited lahat! Kasi sabi nga, tinatanong nga ng tao… magkaiba man yung sinuportahan namin politically, hindi naman mawawala yung friendship.
"Kasi kami ni Tin, magkakilala na kami bata pa lang kasi magkasama kami sa music ministry sa church.
“Meron kasi kaming tinatawag na Pambatang Papuri.”
Involved si Jonathan sa dalawang kanta ni Toni: ang "This Love Is Like," kung saan nakipag-collaborate siya kay Toni sa pagsulat at pag-produce nito; at ang "Sweetest Song," bilang songwriter at producer.
Kaya naman iimbitahin daw ni Jonathan si Toni na maging bahagi ng kanyang anniversary concert.
“Opo, she will always be a friend.”
Um-oo na ba si Toni sa guesting nito sa concert?
“Hindi pa po kami nakakapag-usap uli, mula noon.
"And kumbaga, kung ano yung meron kami ni Tin as a friend, lagi ko namang susuportahan, ire-respect yun, e.
“Hindi ko din naman inaalis yung possibility na makapag-work kami ulit dahil marami kaming mga bagay na babalikan bilang magkaibigan.”
