Nagdiwang ng ika-apat na taong anibersaryo ang O/C Records na pagmamay-ari ng mag-asawang Chynna Ortaleza at Kean Cipriano.
Ginanap ito sa Take Over Lounge, Katipunan Ave., Quezon City, noong June 15.
Masayang pag-amin ni Chynna, “Itong four years na ito, dream ko ito, e.
“Alam mo naman ever since, parang joke pa nga dati kapag tinatanong ako kung ano ang mga dream ko sa buhay.
"Di ba, palagi kong sinasabi, gusto kong magkasariling network? Gusto ko, parang as much as possible, kahit nga minsan bawal, ma-involve talaga ako sa mga creative inputs ng lahat ng trabaho ko.
“Kasi, yun talaga ang gusto kong gawin ever since. Now that it’s happening, four years, I’m living my dream.”
Sa loob ng apat na taon, marami raw siyang natutunan at isa na rito ang katotohanang hindi pala ito madali.
Ayon kay Chynna, “Marami akong natutunan, hindi siya ganung kadali.
"Kaya kapag tinatanong nga ako, ano ang mas madali, maging artista or itong posisyon mo ngayon sa O/C na Vice President ka? Inaalagaan mo ang mga artists?
“Definitely, very challenging ito on a daily basis. Yung artists ko, musicians pa. So, iba rin kumbaga yung topak nila.”
Pero malaking bagay raw na isa siyang actress.
“Kasi, naa-appreciate ko ang uniqueness nila. Doon ako umaangkla para maging maganda ang portrayals. So, kapag nakikita ko sila, natututo pa rin ako bilang actor, bilang creative,” saad niya.
CHYNNA ON THRIVING AMIDST PANDEMIC
Kung tutuusin, noong inilunsad nila ang O/C Records noong 2018, mahigit isang taon lang, nagkaroon na ng pandemya. Ang mga artists pa naman nila, masasabing naka-depende rin sa mga live gigs o live show.
At dahil bago pa lang ang O/C, masasabing ang tatag din nila ni Kean na naitaguyod pa rin nila ang kumpanya sa kabila ng pandemya.
“Alam niyo, sobrang nakakatawa ang kuwento na iyan,” saad niya.
“Sobra kaming pumped ng team ko. Ang liit lang ng O/C team. Initially, parang six people lang kami na nagpapatakbo ng buong label.
“Nanggaling kami sa UP Fair Hiwaga na sobra kaming happy na we were able to produced that kind of concert. And then, three days after, nag-lock down.
“Noong nangyari iyon, parang hindi namin alam kung saan kami magpi-pick-up. If we will be able to survive the pandemic, hindi namin alam. So, as much as all of us didn’t know what was happening, ang ginawa na lang namin ni Kean, nagtiwala na lang kami.
“Parang sige, kung ganito talaga ang nangyayari, tingnan natin kung paano tayo kikilos. Ano ang way para hindi tayo ma-box? So as creatives, naging challenging siya for us kung paano mapagpapatuloy ang plano natin pero walang aspect ang personal na pagkita, so okay rin.”
Dugtong pa niya, “It was a resolve for me, Kean and our artists and the whole team, every day, we report to work, we brainstorm.
“And then, we keep on going. Doon namin na-realize na creativity has no bounds, e. So, if you want to create, whether you’re gonna go to the studio or in your bedroom, it’s gonna happen.
“Yun ang pinakamalaking discovery namin during pandemic. And we met Adie.”
Kuwento pa niya, “Adie produces his own music in his room. Parang sina Billie Irish, di ba, ganyan sila. And then, we met a lot of them who actually started producing music on their own. Ang galing din.”
Si Adie ang fast-rising singer under O/C Records na kumanta ng hit song ngayon na “Paraluman.”
Dugtong pa ni Chynna, “Ang pinakamalaking realization namin ni Kean is magtiwala lang talaga kami at mag-pray kami.
“Yung biggest growth ng O/C came when we thought we would stop. So, nagulat kami, kasi the growth of O/C was more than double.”
Nagsimula ang O/C Records na meron pa lang silang anim na artists kabilang si Unique na hanggang ngayon ay contract artist pa rin nila. Pero ngayon daw, nasa 37 na ang artists nila kabilang na ang mga banda tulad ng 7th Band kaya kung lahat talaga, nasa 100 plus na.
Ayon kay Chynna, “For me, malaking responsibility. Lahat ng panaginip nila, naka-angkla rin naman sa tulong namin.”
CHYNNA WON'T GIVE UP ACTING
Natawa rin si Chynna nang tanungin namin kung mas gusto na ba niyang makilala bilang Vice President ng O/C at iiwan na niya ang pagiging isang artista.
“Sobrang nagpapasalamat din ako sa pandemic,” sey niya.
“Sa totoo lang, dati ano rin, very limited lang ang iniisip ko na capabilities ko. Kumbaga, may mga panaginip ako pero hindi ako brave na talunin yung mga bagay-bagay.
“Happy na ako, kasi tina-trust ako ng network ko. Happy naman talaga ako dahil ilang years na ako sa GMA.
"Pero, naiintindihan din nila ako. Nakipag-usap din ako sa management ko. At sinasabi ko sa kanila na I hope you understand if there are some projects that I have to decline because I really am doing what I love to do at this point, which is to help other artists achieve their dreams.”
Nagpapasalamat daw siya sa team niya sa Sparkle Artist Center, kasama na sina Ms. Gigi Santiago at Darryl Zamora.
“Handling artists for four years, it’s no joke,” saad niya. “Sobrang grateful ko. Kasi ako, isa lang ako sa ilan. So, alam ko gaano kahirap ang ginagawa nila day in, day out.
“It has humbled me definitely, as an actor rin.”
Mas enjoy na siya sa O/C?
“Performer naman kasi ako by heart,” pahayag niya rin.
“It has a special place in my heart. I don’t want to just leave it. But I think, the pandemic has given me a clearer view of what I want to achieve doon sa aspeto na iyon.
“Kasi, I’ve dedicated almost 20 years of my life sa pagiging actor. So right now, I’m just happy that I have a choice. If I want to do a specific role and if I feel that it will broaden me as an artist, I’ll do it. But if not, I will decline talaga because this is my every day and this what makes me happy.”
CHYNNA APPRECIATES HUSBAND KEAN'S SUPPORT
Kinumusta namin kay Chynna ang Mister na si Kean kung masaya rin ito sa desisyon niya na mas focus ngayon sa O/C Records.
Pero natawang sabi niya, “Actually, kinukulit niya ako na parang, 'arte ka mahal… ayaw mo na ba? Arte ka ha… ang galing-galing mo.'
“Buti na lang din, bilib sa akin ang asawa ko. Ine-encourage niya ako. Kumbaga, it’s a reminder rin na of course, this is something that you like to do but don’t ever let go of the 20 years na ininvest mo sa pagiging actress mo.”
Ibig bang sabihin nito ay open pa rin siya sa pag-arte?
“Of course, yes… pero sabi ko nga sa kanila, film. Kung soap, kung may magandang role na nakakatuwa, why not? Yung last na ginawa ko, na na-fulfill ako, The Rich Man’s Daughter as Batchi. So kung may something, why not?”