Ang saya-saya ng Pinoy Music Fest 2022 noong Hulyo 24 sa Ikeda Koen Park ng Nagoya, Japan na pinangunahan ni Andrew E.
“Overwhelming!” bulalas ng 55-anyos na rapper sa exclusive interview ng Philippine Entertainment Portal) noong Agosto 14, 2022 sa Manila Polo Club, Makati City.
“For the first time, sabi ng mga taga-Nagoya, ‘Hindi po kami nakakita ng ganito kapuno sa Ikeda Koen!’
“Kasi, Ikeda Koen ang isa sa mga malalaking open area sa Nagoya. ‘Kahit hindi po pandemic, hindi kami nakakita ng ganito. Kasi, kalimitan ng nagso-show dito, mga Japanese. So, hindi namin nakita nang ganito kapuno, nang walang kailangang pulis!’
“Sa Japan kasi, pag pumupuno ka na ng open area, kailangan na ng pulis diyan, e! You know, to stabilize the place.
“To stabilize the place, di ba? Dun, wala kang makikitang pulis. And all fans, Filipino-Japanese, Filipino, and Japanese.
“So, sabi nila, ‘Drew, kino-congratulate ka namin. Kasi, hindi pa kami nakakita ng ganito karaming tao na nangyaring event, na matiwasay at tahimik na natapos.’
“Well, matiwasay naman sila. But the point is, ‘Ganun karami na walang incident kaya kino-congratulate ka namin.’ ‘I thank you,’ sabi ko.”
And they want some more of Andrew E! Kaya ang grupo ni Andrew ang kinuhang performers sa Philippine Expo Event sa Nobyembre 20 sa MUZA Kawasaki Symphony Hall sa Kawasaki, Japan.
Magtatanghal din ang contingent niya sa Nobyembre 25-27 sa Shin-Koiwa sa Tokyo.

HIT AMONG PINOY AUDIENCE IN JAPAN
Bakit kaya gustung-gusto siyang kunin na mag-perform para sa mga Pinoy sa Japan?
“Uhaw?” sambit ni Andrew E with a quizzical look.
“Uhaw?! Parang… halamang uhaw?! Ha! Ha! Ha! Ha!
“Hindi. Uhaw sila sa ganung klaseng entertainment. Masaya, maligaya, nagsisigawan ang tao.
“Remember sa Japan, ipinagbabawal ang maingay, di ba? E, Andrew E, pasimuno ng ingay, really the reverse, di ba?
“Nakita mo naman sa Ormoc, di ba? Yung kagiliwan ng mga tao roon na tuwang-tuwa sila, di ba?
“Kaya sabi ko, why not bring this kind of entertainment sa ibang bansa? That’s why you know, pinupursigi ko — Japan, Canada, Dubai, Abu Dhabi, US tour, Europe.”
Looking forward ang mga Pinoy sa iba’t ibang panig ng mundo na aaliwin ni Andrew E, kasama ang Salbakuta, Kruzzada, at iba pa.
“Lalo na ang mga Pinoy sa Japan. E, yung mga kalungkutan nun, e, ita-translate mo into kasiyahan. Ay!
“E di, bida ka. Bida ka!” napangiting sambit ni Andrew.
Kahit ang mga purong Japanese ay tuwang-tuwa kay Andrew E.
“Puwede rin akong kumanta ng Japanese song. Nagni-Nihonggo ako nang konti sa concert kaya natutuwa sila, di ba?”
fOUR YEARS IN JAPAN
Ilang taon na nagtrabaho si Andrew E sa Japan mula noong 1995, kaya natuto siyang mag-Nihonggo.
“Four or five years straight ako sa Japan mula nang lumamig ang career ko,” pag-amin ni Andrew E, na mahigit apat na dekada na sa entertainment industry.
“Hindi lang career ko, lahat ng artista that time, musikero at artista nung 1995. Di ba, pumasok yung piracy. Di ba, humina ang industriya?
“Yun, kanya-kanyang gawaan ng gimik yun, di ba? Ako, hindi. Nag-Japan ako. Nag-Japan ako. Tahimik ako nun.”
Magandang experience pala yun. Parang investment?
Napatango si Andrew, “Yeah, para matutunan mo yung puso nila, yung kultura nila, and at the same time malaman mo kung paano sila.
“So, pagdating nito, nagagamit ko ngayon. Kung paano ako makipag-entertain sa kanila, paano mag-communicate.”
Ano ba ang mae-expect ng mga manonood ng concerts niya sa Japan sa darating na Nobyembre?
Read: Andrew E., excited mag-perform kasama ang anak na si Fordy Espiritu sa Japan
“Ang nature of my performing attitude would be always to surprise the people, ‘no?” pahayag ni Andrew.
“Kasi, when you surprise the audience and you surprise the people, the crowd is always caught flat-footed.
“So, when you say flat-footed, you know… I want to capture the crowd all the time flat-footed. Yun bang hindi nila alam kung saan ko sila dadalhin.
“Hindi nila alam kung saan ko dadalhin ang show. And at the same time, naka-streamline na yung show na yun ay very exclusive sa crowd or group na yun.
“Na para bang kapag nagkuwentuhan sila after the show, they will realize na you know, ‘It’s a good thing that Andrew did this, Andrew did that, Andrew did this kind of style whatever.’
“So, para sa akin, importante sa akin yun palagi para may bring home baon sila.
“Pero isa sa mga gusto ko is makapag-perform ako ng Japanese rap song ko. Yun ang ano.
“Kasi, from wayback 1999 or 2000, gumawa ako ng dalawang kanta sa Japan. Yung dalawang yun, hindi ko pa halos nape-perform sa Japan yun.
“And I would love to see kung paano magre-react ang mga Japanese pag pinerform ko yun.”
ON RETIREMENT
Bago ang Japan shows ni Andrew E, raratsada muna ang concert tour niyang Bagong Pilipinas: Tagalog Rap Festival sa Canada.
Magtatanghal ang kanyang grupo sa Calgary (Setyembre 17), Lloydminster (Setyembre 24), at Vancouver (Setyembre 30).

Babalik kapagkuwan siya ng Pilipinas. Sa Oktubre, magpapayanig naman sila sa Abu Dhabi (Oktubre 22), Dubai (Oktubre 23), at Bahrain (Oktubre 28).
Sa Enero-Pebrero 2023 ang ten-city tour niya sa Amerika. Sa Abril-Mayo 2023 naman sa Europa.
Hindi pa ba siya napapagod sa pagtatrabaho? Hindi pa ba niya naiisip na magretiro? Akala nga ng iba, matapos ang eleksyon noong Mayo ay sitting pretty na lamang siya…
Read: Andrew E. denies acquiring two sports cars after campaigning for BBM-Sara
“Kasi, unang-una, ngayong nabibigyan ako ng opportunity, nadadagdagan ang aking… may I say, household name popularity,” pagpapakumbaba ni Andrew E.
“Ngayong nadadagdagan yun nang bahagya, siyempre mas lalo kang nagke-crave na gumawa ng bagay na makakatulong, or makaka-bridge sa people para ma-better off ang kanilang kabuhayan.
“Yun yun, e! Walang masaya kaysa dun, e! Yun yun, yun yun. Yung statement ko na yun, walang mas masaya kaysa dun.”
Napapagod siya at nakakaramdam minsan ng sakit sa katawan pero tuluy-tuloy pa rin para makapagdulot ng aliw at makatulong sa kapwa?
“Ang pagod is ano, is the appreciation of doing something for your kapwa, ‘no?” pagmamatwid ni Andrew E.
“Ibig sabihin, kailan naging kapaguran ang kaligayahan? Kailan? Never, di ba? So, ang keyword dun is pag gumagawa ka ng kaligayahan, never kang napapagod.
“O, e di, dun mo kunin ang mathematics nun. So, never akong mapapagod kasi puro kaligayahan ang ginagawa ko para sa sarili dahil nakakatulong ako sa kapwa.
“Yun ang mas maligaya! Hindi para sa sarili but you know, for the sake of your neighbors, you know, my brothers and all that. Yun!”
ANDREW E. DISCOGRAPHY
Hypothetically speaking… dahil may health concerns na siya sa edad na 55, sakaling may mangyaring masama sa kanya, may sapat na siyang iiwang mga kanta… OK na ba iyon sa kanya?
Napabuntong-hininga si Andrew E, “Ganito 'yan. E, kasi, tinatrato ko ang sarili ko, parang pusa. Nine lives! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha! Ha!
“Nine lives, so you know, always remember — ang kaganahan ng buhay ay palagi sa pagbibigay at pagbigay ng kaligayahan sa kapwa.
“Which means dun yung kaganahan ng buhay. Kumbaga, sa salitang battery, dun ako gumagawa ng factory nun.
“Kaya dumidiretso 'yan. Kasi, nakakagawa ako ng battery ng kaligayahan para sa kapwa at pag maligaya ako na nakakatulong, yun ang nagiging baterya ko para sa kabuhayan.
“So, how can you lose kung ganun ang triangle mo? How can you lose? So, para sa akin, it’s always like that.
“Hindi ako nag-iisip ng ano ang mga nagawa mo, ano ang ganito, ano ang ganyan? No, no, no!
“In fact, mas reverse pa nga ang lagi kong binabanggit. Wala pa akong nagagawa, nagsisimula pa lang ako!
“Kasi, nakakatanaw ako ng ngiti sa kapwa kapag nakakatulong ako! I’m not saying na I’m a pulitiko na tumutulong, hindi yun! Hindi sa ganung larangan.
“Maaaring ilan lang naman ito. Sasabihin mo bang madlang pipol? Hindi naman! Sasabihin mo bang kalahati ito ng Pilipinas? Hindi rin naman!
“So, ilang tao lang ito. Pero ang mga taong ito, simula nung araw, nakasama ko sa hirap, sa struggle, at you know sa pangarap. Nakasama ko sila.
“So, sila na yung binabalikan ko na matulungan, at yung tamis ng ngiti nila na ‘salamat po,’ ayun! Yun ang keyword dun!”
