Tuloy pa rin ang pagtakbo for reelection ng OPM legend at tinaguriang "The Total Entertainer" na si Rico J. Puno bilang 1st district councilor ng Makati City.
Sa naging panayam namin kay Rico sa media conference ng kanyang concert na Sana Tatlo Ang Puso Ko sa Limbaga 77 Restaurant in Quezon City, wala raw makakapigil sa kanyang pagtakbo in 2019.
"I've been in politics since 1998 at maganda naman ang naging record natin.
"Naniniwala ako na kapag nilagay ka ng Diyos sa posisyon na ito, it's really meant for you.
"Ako naman, I enjoy serving the people of our district in Makati City. Kung ano ang mga nagiging problema, nagagawan namin ng solusyon.
"Saka, bukod sa paglabas-labas natin sa TV, nakasanayan ko na ang maging isang public servant," ngiti pa ni Rico.
Masigla at palabiro pa rin si Rico sa naganap na media launch ng kanyang latest concert kunsaan makakasama niya sina Giselle Sanchez at Marissa Sanchez.
Naka-recover na kasi ang veteran singer mula sa kanyang triple heart bypass operation noong 2015. Kaya hindi raw puwedeng gawin dahilan ang kanyang kalusugan para hindi niya gawin ang gusto niya which is to entertain.
"By the grace of God, heto buhay pa rin tayo and we are still entertaining lots of people.
"Ever since naman noong gumaling na ako from my triple heart bypass surgery three years ago, nakapagtrabaho na ako ng sunud-sunod. Para akong na-recharge na battery.
"Aside from doing concerts, lumalabas pa ako sa tatlong TV shows sa ABS-CBN 2 na It's Showtime sa Tawag Ng Tanghalan, Home Sweetie Home, and Ang Probinsyano.
"Nasabi ko nga noon, only God can stop me from singing. Siya lang ang puwedeng magsabi na, 'Rico, you're done!' Pero ramdam ko na gusto pa rin ni Lord magtuluy-tuloy pa ako sa pagbigay ng saya at makapagsilbi pa tayo sa maraming tao," ngiti pa niya.
Ang hindi pa rin daw mawawala sa style ni Rico J. Puno ay ang signature na pag-awit niya ng kanyang mga classic songs na "Buhat", "Lupa", "May Bukas Pa", "Magkasuyo Buong Gabi", "Cartada Diyes", "Together Forever" at "Macho Guwapito".
"Yan naman ang lagi kong pinapasalamat sa Panginoon. Hindi pa niya akong pinapa-retire sa pag-awit.
"Kaya pa rin natin awitin ang mga naging hits natin and hindi ako nahihirapan. It's really a gift that I thank the Lord na hindi pa niya inaalis sa akin."
Hindi rin daw nawawala ang kanyang mga naughty antics kapag meron siyang concert. Hinahanap-hanap daw ng kanyang audience ay ang kanyang signature na mga bastos na jokes.
"That is something na talagang hinahanap ng mga manonood natin. Hindi raw kumpleto ang isang Rico J. Puno concert kung walang kabastusan na lalabas sa bibig ko.
"Sa awa naman ng Diyos, wala namang nagrereklamo sa akin, lalo na kapag may mga guest ako na sexy tulad nga nitong sila Giselle at Marissa.
"Ilang beses ko na silang nakasama sa iba't ibang shows at nasanay na sila sa mga green jokes ko. Alam naman nila na it's all for show, for entertainment lang.
"I respect women and both Giselle and Marissa can say na never akong naging aggressive or naging abusive sa kanila," diin ni Rico.
Minsan lang daw na may nagalit kay Rico dahil sa mga jokes nito.
"That was during the '70s. Nag-concert ako sa isang hotel sa Cebu. E, nasa audience isang general na may kasama magandang babae. Biniro ko, sabi ko, 'Ang ganda naman po ng anak niyo. Mukha kayong mag-ama!'
"Nagalit pala sa akin. Hindi ako makaalis ng Cebu! Pina-hold ako sa airport. Pero naayos naman agad. I sincerely apologized at kasalanan ko naman.
"Pero that was the only time na may nagalit sa akin. Kahit na itong mga naging past concerts ko, wala namang nagagalit or nao-offend. Nasasakyan kasi nila ang kaberdehan ko," tawa pa niya.
ON JOHN LLOYD
Isa si Rico sa naging malapit sa aktor na si John Lloyd Cruz dahil gumanap silang mag-ama sa sitcom na Home Sweetie Home.
Pero matagal na raw siyang walang direct communication sa aktor simula noong nawala ito sa show.
"Wala na siyang communication kahit kanino sa show namin.
"May texting group kasi kami. We tried texting him kung kumusta na ba siya? Kung kelan siya babalik sa show namin? Wala siyang response sa akin or kay Direk Bobot [Edgar Mortiz].
"In fact, kahit sa ibang may kinalaman sa show, wala nang kinakausap si John Lloyd."
Nalaman na lang ni Rico na gusto na ni JLC ang simpleng buhay niya ngayon.
"Siguro nga, 'yun na ang gusto niya. He wants to live a simple life na malayo sa showbiz.
"Hindi ko rin naman siya masisisi dahil ilang taon din siyang sumikat and dumarating sa isang artista 'yung mabe-burnout ka.
"Naranasan ko na rin noon ang ganyan. Sometimes you need a break din.
"Saka may sariling pamilya na siya, may anak na sila ni Ellen Adarna. So siguro nga, masaya na siya sa gano'ng buhay. Yung tahimik at wala nang nanggugulo sa kanila."
Pero gustong ipaabot ni Rico kay JLC na nandito pa rin ang mga kaibigan niya kapag kailangan niya silang tawagan.
"Kaming mga naging kaibigan niya, lalo na ako kasi naging very close ako sa kanya, hindi niya sana kami binibitawan.
"Nandito naman kami para suportahan siya sa gusto niyang mangyari sa buhay niya.
"We're not here to judge him for his actions kasi mga kaibigan niya kami.
"Kung ano ang nangyayari ka John Lloyd ngayon, we only wish him happiness," diin pa ni Rico.
Sa Theatre @ Solaire on November 23 magaganap ang concert na Music and Laughter: Sana Tatlo Ang Puso Ko kunsaan kasama rin ang anak ni Rico na si Tosca Puno.
Produced ito ng Grand Leisure Corporation and StartUp Village.