Director Bobot Mortiz apologizes for “racist” segment in Goin’ Bulilit; says it was not their intention to offend the Indian community

Humingi ng dispensa si Direk Edgar "Bobot" Mortiz (right) sa binabatikos na segment ng Goin' Bulilit dahil umano sa pagiging "racist" nito. Sinabi niyang hindi nila intensyon na maka-"offend", at ang tanging nais ay makapagpatawa. Samantala, masaya si Direk Frasco Mortiz (left) dahil nananatiling matagumpay ang Goin’ Bulilit, na pinagbibidahan ng mga bibong child talents ng ABS-CBN. Bagamat aminado a


Humingi ng dispensa ang direktor ng Goin’ Bulilit na si Direk Edgar "Bobot" Mortiz para sa sinasabing “racist” segment sa isang episode ng comedy show.

Noong Enero 20 episode ng Goin' Bulilit, ginawan nila ng spoof ang music video ng kantang “Diamonds” ni Rihanna, na pinamagatan nilang “Diamonds ng Bumbay.”

Makikita sa naturang segment ang isang batang lalaki na gumaganap na isang Bumbay habang nagbebenta ng diamante.

Ang isang eksena naman sa music video ay mayroong dalawang batang babae na naka-Indian costume at sumasayaw gamit ang ilang steps mula sa isang traditional Indian dance.

Ayon sa artikulo ng ABS-CBN News kahapon, Enero 29, ilang tao mula sa Indian community dito sa Pilipinas ang hindi natuwa sa ginawang ito ng show.

Isang manonood pa nga ang nagkomento at sinabing ang spoof na ito’y katulad ng mga awiting “DJ Bumbay” ni Michael V. noon na na-ban dahil sa pang-iinsulto sa mga Indian.

Naunawaan naman ni Direk Frasco ang sentimyento ng mga Indian tungkol sa ginawa nilang spoof at sinabing wala silang intensyon na maka-“offend” ng kahit na sino.

Aniya, “Actually pinanood naman namin, kung minsan ganoon din 'yon… ang nagiging kasalanan ng show na minsan nagpapatawa ka lang hindi mo naman [sinasadya].

“Hindi naman racist kasi para din yang Chinese na binibiro namin.

“May nag-react, mayroon din namang nagustuhan.

“So humihingi na lang kami ng paumanhin sa mga na-offend namin pero wala kaming intensyon na maka-offend.”

Kaya naman nais niyang iparating sa Indian community: “Sa ngalan po ng Goin’ Bulilit humihingi po ako ng paumanhin sa inyo.

“Next time po talagang pag-aaralan po namin kung makaka-offend kami.

“Pero wala po talaga kaming planong maka-offend. nagpapatawa lang po kami. 'Yon po ang [goal] ng show ang magpatawa at hindi po maka-offend ng tao.”

EIGHTH YEAR ANNIVERSARY. Ipinagdiriwang ng kiddie gag show na Goin’ Bulilit ang kanilang ika-walong taon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagsimula ang Sunday gag show na ito ng ABS-CBN noong 2005, sa ilalim ng direksyon ni Direk Bobot.

Pero ilang taon ang nakalipas ay ipinasa na ito sa kanyang anak na si Frasco Mortiz, na siyang nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment press kahapon, Enero 29.

Masaya si Direk Frasco dahil ang ilang produkto ng kanilang palabas ay kabilang na sa mga tinitingalang teen stars tulad nina Kathryn Bernardo, Julia Montes, at Ella Cruz.


RELATABLE JOKES. Malaki ang pasasalamat ni Direk Frasco sa kanyang creative team na siyang utak sa kanilang mga gimik tuwing Linggo.

Aniya, “Kasi actually sa kanila po nanggagaling ‘yong mga ginagawa namin, dahil sa creative team namin.

“‘Yong mga jokes, ‘yong mga puwedeng gawin, sila po ‘yong nag-iisip no’n.”

Isang istratehiya daw na ginagamit ng mga creative writers ay ang paggamit ng current events at issues para sa kanilang mga spoof at jokes.

Ayon sa creative manager na si Ricky Victoria, “maliban sa pagiging timely, hit din ang Goin’ Bulilit dahil iba kapag bata ang nagde-deliver ng jokes— mas nakakatawa.”

WORKING WITH KIDS. Aminado si Direk Frasco na hindi madali katrabaho ang mga bata, na nagsisimula sa edad na lima.

Natural kasi sa mga bata ang pagiging makulit at mapaglaro kaya hirap siyang kontrolin ang mga ito.

Gayunman, iniisip na lamang daw niya na, “si Daddy [Direk Bobot Mortiz] kapag may programa siya, ang turing niya sa lahat pati sa staff, pamilya.

“So para kaming isang malaking pamilya dito sa Goin’ Bulilit, ‘yon nga lang dahil malaking pamilya siya. Katulad sa bahay, kapag sinaway mo tatahimik, pero after a few minutes mag-iingay na naman.

“Pero okay naman po, kasi ang gagaling ng mga ‘to. Siyempre kung hindi po magagaling mga kasama namin sa show, hindi naman po kami magtatagal.”

GRADUATION DAY. Katulad ng mga nakaraang taon, mayroon daw “lima” na miyembro ng Goin’ Bulilit ang ga-“graduate.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Katulad kaya nila Miles Ocampo, na galing din sa show, ay mabigyan sila ng pagbibidahang proyekto?

“Siyempre katulad ng older batch, kung anong ginawa namin kukuha kami ng ibang show nila,” sagot ni Direk Frasco.

“Hopefully baka magkaroon din sila ng show na puwedeng pagbidahan nila.

“Sana, kung kaya na ipasok sa Luv U, ‘pag tugma na po ‘yong age nila para sa tema ng show, di ba.”

Sinu-sino kaya ang mga magtatapos na mga bulilits? Ano kaya ang bagong pakulo nila sa show?

Mapapanood lahat ng iyan sa anniversary special ng Goin’ Bulilit sa Linggo, Pebrero 3, pagkatapos ng TV Patrol Weekend sa ABS-CBN.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN