Judy Ann Santos on choosing to cut short her teleserye: "Selfish din ang naging desisyon ko."



Ang primetime advocacy series ni Judy Ann Santos na Huwag Ka Lang Mawawala ay nakatakdang magtapos sa ABS-CBN ngayong Biyernes (Agosto 23).

Sa panayam ni Judy Ann sa The Buzz noong August 18, tinanong siya ni Boy Abunda kung sa tingin niya nakatulong ba ang teleserye sa mga biktima ng karahasan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
“Palagay ko Tito Boy, kasi, sa bansa natin, ang tanging namamayaning programa rito, talagang sinusubaybayan, teleserye talaga. Umiikot ang mundo ng bawat Filipino sa bawat teleseryeng inilalatag natin sa kanila.
“Malaking bagay through this, nakakapagbigay tayo ng mensahe na kailangan mong protektahan ang sarili mo. Paano, ipapakita ko sa ‘yo.”
Naniniwala rin si Judy Ann na sa pamamagitan ng kanilang teleserye na Huwag Ka Lang Mawawala ay lumawak din ang kaalaman ng publiko na may nagaganap talagang violence against women.
Ayon kay Juday, “Oo naman. Kasi, akala siguro ng ibang tao, yung mga napapanood nila, nababasa nila, maaaring nama-magnify na ng news. Pero, hindi, e. Nangyayari talaga ‘to, meron pang hindi napapakita.”
At dahil din sa teleseryeng ito, nag-aral si Juday ng Krav Maga—isang Israeli method of self-defense.
Ano nga ba ang Krav Maga?
Ayon kay Juday, “Hindi siya form of martial arts, pero it’s a form of on how to really defend yourself. Sa Israel siya nagsimula. Ngayon, na-realize ko lang noong nagsimula akong mag-aral ng krav maga, na-realize ko na even after na maipalabas ang teleseryeng ito, hindi ako dapat huminto after Huwag Ka Lang Mawawala.
“Parang, ito na yata ang isa sa pinakabagong advocacy na gagawin ko and actually, to organize a maybe, Krav Maga session for the organization of abused women for them to realize na, this is what you have to know and your children have to know.
“Mapo-protektahan ka talaga, malaking bagay talaga ang krav maga.”
Nakatakdang magtapos ang Huwag Ka Lang Mawawala sa Biyernes, August 23.
Ano nga ba ang maaasahan ng mga manonood nila sa pagtatapos nito?
“Ay naku, Tito Boy, last Friday, we shot the finale scene already. Kami mismo, noong sinoot namin yun, magbubuhat ako ng bangko. It’s a beautiful, beautiful scene. Talagang yung finale, kakapit kayo, mangangamba kayo, very suspense, very thrilling.
“And at the same time, maiiyak kayo. Hindi lang sa character ni Anessa kung hindi sa lahat. Pati sa kontrabida. Lahat, maiintindihan n'yo kung bakit sila ganun.”
Sabi nga ni Boy, hindi na siya magpapaligoy-ligoy pa. Pero, naging kontrobersiyal ang Huwag Ka Lang Mawawala dahil sa maagang pagtatapos nito.
Ano ang masasabi ni Judy Ann tungkol dito?
“Well, I guess, it’s already out in the open bakit ako nag-decide na tapusin na po siya. It was a decision that I actually asked sa management. Pinagbigyan naman ako and in fairness naman po, nakinig naman sila Tita Cory Vidanes.
“Kasi, kung ililipat sa fourth timeslot, sayang naman yung ganda ng teleserye kung hindi mapapanood ng lahat ng tao. But, I understand na marami akong nasagasaan. Marami akong programa na kinailangang munang ipahinto ng pagpapalabas.
“Kasi, siguro, sa akin Tito Boy, selfish din ang naging desisyon ko. Ina-address ko naman yun. Parang, nawala ako ng dalawang taon, gusto ko mula simula hanggang pagtatapos, mapanood ng mga tao ang pinaghirapan namin.
“Kasi, happy ako sa kanya. Proud ako sa project namin. At the same time, nakaka-overwhelm ang mga messages ng mga tao sa Twitter, sa Instagram kapag nagpo-post kami ng mga photos. Ito lang yata ang teleseryeng nagawa ko na well-appreciated and well-applauded ng lahat.
“So, parang gusto ko namang ibigay sa kanila yung, tatapusin ko po ‘to at sisiguraduhing mapapanood ninyo. Gusto kong umexit na taas-noo namin na naitawid ng bongga.”
Nang i-offer rin daw kay Juday ang Huwag Ka Lang Mawawala noon, hindi raw siya nagdalawang-isip na tanggapin.
Ang katwiran niya rito, “Ibang-iba po kasi ang tema niya. Unang-una, yung kilig, konting-konti lang. Ang daming mga bagay na kailangan naming tawirin. Yung mga bagay na ineksperimento namin with Sam [Milby] and KC [Concepcion], isa yun sa pinakamagandang eksperimento na ginawa ng Dreamscape.
“At the same time, ngayon yung story niya, hindi puro kilig. Tungkol talaga sa ina at sa anak. Sa relationship mo sa sarili mo. At kung paano mo pangangatawanan ang babae mo, paano mo po-proteksiyunan.
“Yung adbokasiya po talaga ang nagpa-oo sa akin, wala na tayong pag-uusapan pa.”
Halos isang taon nilang ginawa ang naturang teleserye.
Ang tanong, sulit ba?
“Oo naman, oo naman Tito Boy,” ang mabilis na sagot ni Judy Ann.
“Ito na yata ang pinakamagandang ipinaglaban ko. Sa buhay ko bilang artista. Marami akong pinaglaban. Marami akong pinanindigan. Marami naman din akong hindi pinanindigan, pero, worth it naman na hindi ako nagsalita.
“Alam ko naman, kung kailan ako dapat tumahimik at kung kailan ako dapat lumaban. Sa pagkakataong ito, ito ang programa na dapat kong ipaglaban. Kasi, pinaghirapan namin ‘to, hindi puwedeng hindi.
“At saka, marami po akong natutunan, sa pakikisama. And I’m really more mature now. Sa lahat ng nanyari, wala akong sama ng loob. Lahat ito na nangyari ng may dahilan. Lahat ito, nangyari na may rason. Yung rason ko, nakuha ko sa pamamagitan ng pakikipaglaban at dapat kong ipaglaban at ito yung show na yun.
Dugtong pa niya, “Learning and realization, I realized na sa industriyang ito, ang tanging kakampi mo lang, sarili mo. At ikaw lang din talaga ang magtatanggol sa sarili mo kasi, ikaw lang ang nakakakilala sa sarili mo, e. Regardless kung maniwala ang tao sa ‘yo o hindi, wala ka nang dapat i-explain.”
Ang malaking tanong nga kay Juday ngayon ay ano na ang mga plano niya ngayong tapos na ang Huwag Ka Lang Mawawala.
Ang tanong nga sa kanya ni Boy, what’s next with Judy Ann?
“Hindi ko pa po alam. May talks naman kami ng management, hindi ko naman po ikaiila ‘yan. Mag-aano muna po ako, magpapahinga lang, sandali lang. Para siguro ma-refresh ko ang sarili ko. Magsa-charge muna ko dahil medyo na-lowbatt ako nitong mga nakaraang Linggo.
“I’m sure, marami rin ang nasaktan sa ginawa ko.
“Ako rin mismo, I needed to heal. I have to heal for a while. Tao lang po ako, kailangan ko muna pagalingin ang pinagdaanan ko.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN