Isa sa maituturing na matagumpay na primetime series ng GMA-7 ang magtatapos ngayong gabi, ang Onanay na pinagbidahan ni Jo Berry. Halos isang taon din itong tumagal sa ere at talagang sinubaybayan ng mga manonood.
Maituturing itong isang “experimental” teleserye dahil sa pagpili ng isang bida na hindi pa kilala at may dwarfism. Maging si Jo ay hindi makapaniwala sa naging pagtanggap sa kanya at sa Onanay.
Aminado itong may “sepanx” (separation anxiety) siyang nararamdaman ngayong eere na ang kanilang finale episode ngayong March 15.
“Sepanx na po ako agad. Nalulungkot ako. Sepanx na ako agad sa kanilang lahat dito. At saka siyempre, kay Onay,” lahad niya nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa March 8 taping day nila sa Tandang Sora.
Unang teleserye niya ito, pero nag-hit agad.
“Super blessed nga po, e, and thank you, palagi naman pong gano’n. Hindi ko nga rin po ma-compose yung right words. Parang kulang yung thank you kung gaano ako ka-thankful sa opportunity and sa chance po na binigay sa akin to portray Onay.”
Hanggang sa mga huling linggo ng Onanay, nag-trending pa siya dahil sa instant love team niya with Wendell Ramos na tinawag na LuNay.
Ano ang masasabi niya na nag-trending ang love team nila?
“Salamat po, salamat po, yun po talaga,” nakangiting sabi ni Jo.
Sila na ba ang bagong love team ng Kapuso Network?
“Bagong love team? Yun talaga po, bagong love team?” natatawang sabi niya.
“Thank you po sa mga taong tumatangkilik kasi, kami rin kapag binabasa namin yung script, kinikilig na kami agad. Maganda po talaga yung pagkakasulat at siyempre po, thank you po sa lahat ng supporters ng Lunay.”
Mabait daw si Wendell at sabi pa ni Jo, marami siyang ibinibigay na tips sa kanya.
Ayon sa aktres, “Marami pong tips ‘yan sa akin, every bago mag-scene, lalo na yung mga...kasi sabi niya, kung naaalala niyo po yung scene na papunta kami sa party, sa party ni Helena, bago yung scene na yun, kasi parang hindi ko maintindihan kung paano ko ilalabas yung galit ko, kasi, di ba, dapat composed pa rin siya. Yun yung dapat ibigay sa eksena, so sabi niya, ipakita mo na lang yung gigil mo the way you talk.
“So, habang nagsasalita ako, nanginginig ako tapos yun, naiiyak na ako kasi, di ako puwedeng sumigaw. Di ba, galit yung tao, sisigaw siya, e, parang ma-release yung anger so yun, yung sabi ni Kuya Wendell sa akin, sa pagsasalita mo na lang ilabas. Kaya yun po ang isa sa mga tips na nakuha ko kay Wendell Ramos.”
Labis din daw ang pasasalamat niya sa lahat talaga na nakasama niyang artista sa teleserye, lalo na sa Superstar na si Nora Aunor na parang anak na ang naging turing sa kanya.
Nagpapasalamat rin siya kay Cherie Gil at sa director nila na si Gina Alajar.
Ano ang naipabaon sa kanya ng dalawang premyadong aktres?
Ani Jo, “Kay Ms. Cherie po, nakaraan lang po 'to, yung scene namin, yung nag-trend yun. Yung scene namin sa pool, yung sinabi talaga ni Ms. Cherie sobrang na-touch talaga ako kasi may fear ako that day, tapos talagang kinakabahan po ako noon.
“So, tahimik ako, talagang naapektuhan ako ng scene, nanginginig ako tapos yung alalay niya sa 'kin do’n ibang klase, na-touch talaga ako, sila ni Direk Gina. Parehas po sila tapos sabi ni Ms. Cherie sa ‘kin, ganon talaga as an actress, as an actor, darating tayo sa point na yung mga kinakatakutan nating bagay, kailangan nating gawin.
“Dun ko lang naisip na, oo nga,” kuwento niya.
“Kasi, isa rin po yun sa mga first na ginawa ko sa Onanay. Ang dami ko kasing fears na takot talaga akong gawin pero nagawa ko dito. Takot ako sa pool scene na yun kasi hindi kasi ako marunong lumangoy. Opo, chinoke niya pa ako pero di ako nasaktan the whole scene, kasi nga ang alalay ni Ms. Cherie, ibang klase.
“Tapos, kay Nanay [Nora] naman po, yung unang unang bilin niya pa lang po sa 'kin, parang first few weeks niya, sinabi niya sa akin na ‘wag daw akong magbabago. Dapat palagi pa rin yung feet nasa lupa. Yung pakikitungo ko sa mga tao ganon pa rin kahit na sumikat na o magkaroon na ng iba’t ibang projects.”
At sikat na nga siya ngayon, malayo sa kung ano siya bago niya gawin ang Onanay.
Hindi na rin siya basta-basta nakakalabas sa publiko na walang nagpapa-picture sa kanya.
Anong pakiramdam niya tungkol sa kasikatan niya ngayon?
“Parang wala pong pinagbago, yun lang...maraming humahangang tao na kapag nakikita nila ako sa labas, tinatawag nila ako as Onay and palagi akong nakatatanggap ng messages na nai-inspire ko sila and as well, it inspires me to do better sa craft ko dahil din po sa kanila.”