Nagkaroon ng launching film si Marissa del Mar, ang sexy movie na Mapaglaro (1986), kung saan leading man niya si Ernie Garcia. Hindi na iyon nasundan.
“Kasi, nag-family life na agad ako,” katuwiran ni Marissa nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Annabel's Restaurant, Tomas Morato, Quezon City, noong June 22, Sabado.
“Sabi nga nila, ‘Grabe, nag-launching movie ka, ang ganda-ganda ng response ng tao, bakit bigla kang nawala?’
“E, papaanong hindi ako mawawala, I have to take my leave.”
Aktibo ngayon si Marissa sa pagtulong sa overseas Filipino workers (OFWs) bilang host ng GMA News TV program na World Class Kababayan (dating Buhay OFW sa TV5), na siyam na taon na sa telebisyon.
“Siguro, passion ko talaga 'tsaka marami kasi akong dapat tulungan, dapat asikasuhin, at saka mahal ko talaga, mahal ko.
“Parang ito yung mundong alam na alam ko, matulog ako at magising ako, alam ko yung gagawin ko.
“Parang hindi ako nagtatrabaho, I love what I’m doing,” nakangiting wika ni Marissa.
Bakit mahal niya ang OFWs?
“Kasi, I was once an OFW, I could say OFW ako. Everytime may shoot, di ba? Nakikita ko yung mga nangyayari.”
THE SAD PLIGHT OF SOME OFWS
Itinuturing ni Marissa ang sarili bilang OFW dahil kung saan-saang bansa siya nakakarating para sa shoot ng kanyang TV show.
Nakakasalamuha niya ang OFWs kaya tinutulungan niya ang mga hindi sinuwerte abroad para makatakas sa pagdurusa at hirap.
Ramdam niya ang hirap ng mga kababayan nating nawalay sa kani-kanilang pamilya para magtrabaho sa ibang bansa.
“Kasi ako, I can go home anytime.
"Sila, years bago makauwi dito, 'tapos one week, two weeks, babalik agad, napakasakit!
“At saka yung stories, yung mga binubugbog...
"Can you imagine, meron akong nakuha na ipinadala sa akin na video, binabalatan nang buhay!
“Sa Middle East. Sabi ko, kailangan ko ng location, pangalan, ganyan, pero siyempre tagu-tago lang kinuha, so hindi kami makaaksiyon nang ganoon, or else, baka kayo mademanda na mali-mali yung info mo.
“And there was once na, iyon, pinaplantsa, sinisipa, hindi pinapakain.
"Iyon yung pag ininterbyu ko sila, naluluha ako...
“Actually, when they ask us for help, yung family nila ang tumatawag.
"Pagkatapos, kinakausap ko, pumupunta sa office.
“'Tapos, iyung mga kailangan nila na immediate na puwede kong maitulong, tinutulungan ko.
“Meron akong naoperahan ng paa, binigyan ko ng parang bakal na paa.
“Pagkatapos, pag-uwi sa probinsiya, repatriate from abroad, papunta dito, halfway house nila, training o kaya naman yung mga walang trabahong kamag-anak.
“Basta, sabi ko lang, you just know when the help is really needed.
"Huwag naman yung taking advantage, kasi mahahalata mo na.
“Then I’m giving out, may sponsor ako na shipping, para yung pag-uwi nila ng probinsiya, libre.
"And then, meron ako mga scholarship programs."
GOVERNMENT AGENCIES
Inilalapit ni Marissa sa mga ahensiya ng gobyerno ang mga problema ng OFWs.
“I’m very happy dahil ang DOLE, nakikipag-usap, tumutulong, and we gave them yung mga cases.
“But of course, kami, maliit lang kami, e, yung mga agencies natin, sila talaga yung mga naka-focal point dito—DOLE, OWWA, POEA, DFA, at saka mga Embassies.
“Kami, nakikipag-communicate. Binibigyan namin ng case studies, sila na ang bahala doon.
“Kasi, ang kaya lang namin, yung mga kaya lang ng powers namin.
"Pero yung mga pang-government na ano, hindi na ‘yan, koneksiyon na namin iyan, kinokonek na lang namin,” paglilinaw ni Marissa.
Sa pamamagitan ng kanyang programa, nalalaman ng publiko kung kanino maaaring dumulog kapag meron silang problema.
“Yung mga families na nandito, para matulungan. They don’t even know sino ang pupuntahan nila sa pulisya, sa mga barangay nila.
“Mga government officials na nakaupo ngayon na hindi nila kilala, kasi, nasa abroad sila.
“So, they would see sa program, ‘A, sila pala ang dapat nating lapitan!’
“O kung hindi kayo makakonek, tumawag kayo, mag-email kayo sa World Class Kababayan, then we would be very happy to assist you.”
Sa paglipat ng kanyang programa sa GMA News TV ay kasama na niya ang kanyang anak na si Princess Adriano, na travel enthusiast.
Mapapanood ito roon tuwing Sabado simula July 27 ng 5:30-6:30 P.M.
Ang Millicent Productions, Inc. (kung saan presidente si Marissa) ang producer ng World Class Kababayan.