Muling magbibida sa pangalawang pagkakataon si Rayver Cruz sa isang GMA-7 teleserye at ito ay sa Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko.
“Hindi ganun kabilis yung proseso kasi iba yung atake nung taping, e.
“Iba yung atake ng mga shots.
“Minsan pag big scene, dahil nga sobrang parang style-pelikula yung paggawa, minsan matagal.
“Mga ilang oras din ang isang eksena, basta pag yung talagang mga takutan na scenes.
“Pero pag pini-preview, worth it siya.
“And gets naman namin kung bakit hindi rin ganun kabilis yung proseso kasi pinapaganda talaga nang husto.
“And excited ako na mapanood ko mismo yung mga ginawa pag pinalabas na,” panimulang kuwento ni Rayver tungkol sa naturang programa.
Pangalawang beses ito na magtatambal sila ni Kris Bernal.
“Sabi ko nga, ‘Kris, baka yung next na after nito, tayo na naman,'” at tumawa si Rayver.
At tila nagpapalitan sila ni Janine Gutierrez.
Ang Dragon Lady ang pumalit dati sa Asawa Ko, Karibal Ko nina Rayver at Kris.
At sa pagtatapos naman ng Dragon Lady sa July 19 ay papalitan ito ng Hanggang sa Dulo Ng Buhay Ko.
“Grabe, ano?” at tumawang muli si Rayver.
Napag-uusapan ba nila ito?
“Hindi namin napag-uusapan pero naisip ko rin,” hirit niya tungkol sa coincidence.
TEAM-UP WITH JANINE SOON?
Siyempre naman, wish ni Rayver na sa susunod ay sila naman ng kanyang rumored girlfriend na si Janine ang pagsamahin ng GMA-7 sa isang teleserye.
Lahad niya, “Yeah, why not? Kasi siyempre gusto ko rin siyang makatrabaho, di ba?
“Mukha naman akong timang kung sasabihin kong ayoko siyang makatrabaho, di ba?
“E, nandito na kami sa isang istasyon.
“So eventually, hopefully, kapag inukol na ng GMA, of course, gusto ko talagang makatrabaho si Janine.”
A SUPERNATURAL KIND OF LOVE
Sa kuwento ng Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko ay baliw na baliw sa pag-ibig sa kanya si Naomi [Kris] na isang multo.
Asawa naman ni Matteo [Rayver] si Yvie [Megan Young].
Sa tunay na buhay ba ay naranasan na ni Rayver na may babaeng halos nabaliw na sa pagmamahal sa kanya?
“Hindi, ako kasi ang nababaliw sa kanila e,” at tumawa si Rayver.
“Wala, e. Wala nga, e! Ano kaya ang feeling ng ganun?
“Kaya nag-research ako e,” at muling tumawa ang Kapuso hunk.
Nag-research nga siya?
“Oo. Kasi paano yung feeling na ganun, na parang ikaw na yung umaayaw pero makulit yung babae 'tapos talagang ipu-pursue ka niya.
“Paano mo ipapakita na, ‘Hindi mo ba nage-gets na may mahal na nga akong iba?’
“Di ba? So iyon, ganun yung mga eksena namin ni Kris.
“Kakaiba from AKKK kasi nung time na nangyayari iyon siya talaga yung super… partner ko e, si Thea yung talagang obsessed.”
Sa Asawa Ko, Karibal Ko ay isang transwoman (Thea Tolentino) ang ka-love triangle nila ni Kris.
Ngayon naman, sa Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko ay isang multo naman [Kris] ang ka-love triangle nila ni Megan.
“Oo nga, e. Astig, no?
“Alam mo, astig din talaga...
“As in, yung first two shows ko, parehas kakaiba yung istorya, yung parang…
“Kaya okay din ako na hapon ulit tsaka sabi rin ni Sir Anthony [Pastorpide, HSDNBK's Program Manager], dito sila nakaka-explore ng iba’t ibang stories.
“So yung first ko, transgender si Thea di ba, na hindi ko alam.
“'Tapos ngayon, multo naman ang humahabol, so ang galing lang din.
“Tsaka excited ako kasi kung paano nila ipapakita sa tao na puwede ka ring kilabutan kahit hapon yung show.”
Mapapanood simula July 22 sa GMA Afternoon Prime, kasama rin sa Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko sina Kim Domingo as Katya, Ms. Boots Anson Roa as Adora, Sharmaine Arnaiz as Tina, Francine Prieto as Mercy, Beverly Salviejo as Yaya Vane, Denise Barbacena as Brooke, Analyn Barro as Tyra, Joaquin Manansala as Paul, at Euwenn Mikael Aleta as Santino.
Ang Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko ay sa direksyon ni Jorron Lee Monroy.