“Ngayon ko lamang nalamang kenkoy rin pala siya.”
Ayaw ni Gabbi Garcia na ma-stuck sa isang love team. Mas gusto niyang makatrabaho ang iba't ibang aktor.
“Leading man po siguro, hindi na love team,” sabi ng Kapuso actress sa mediacon ng prime-time series na Beautiful Justice nitong Agosto 27, Martes sa La Reve, Quezon City.
“Mas maganda po na wala munang love team. Mas masaya iyong iba-iba naman ang katambal mo. Hindi limited ang gagawin mong project, dahil walang iisiping may iku-consider kang love team.”
Ito marahil ang isa sa mga dahilan kaya nabuwag ang GabRu, ang tambalan nila ni Ruru Madrid.
Nagkasama sila ni Ruru bilang love team sa mga teleseryeng My Destiny, Naku Boss Ko, Let The Love Begin, Encantadia, at Sherlock Jr.
Sila rin ang magka-love team sa noontime show na Sunday Pinasaya.
“Pareho naman po kami ni Ruru na magbe-benefit kapag walang ka-love team. Ruru is being paired with different actresses like sina Kylie Padilla and Barbie Forteza. He's really doing good on his own.
“Kaya iyon din po ang gusto ko. To work with different actors para mag-grow po tayo sa career natin," diin pa niya.
Sa prime-time teleserye na Beautiful Justice, si Derrick Monasterio ang ipinartner kay Gabbi.
“Matagal na po kaming magkakilala ni Derrick, pero first time po lamang kaming magkatambal dito. Ngayon ko lamang nalamang kenkoy rin pala siya. Akala ko, napakaseryoso niya. Hindi naman pala.
“Magaan siyang kasama sa eksena, makulit. Kahit sino sa set, kinakausap niya. Nag-enjoy kaming lahat noong magsimula na kaming mag-training para sa serye.”
Gabbi plays Brie, isang social media influencer na gustong malaman ang katotohanan sa nangyari sa kanyang fiance na si Lance.
“Brie is your typical mayaman na maarte kind of girl, but what's different about her is that she's also smart. And surprisingly, she's also a hacker. Yun ang naging edge niya, kasi she's pretty good with anything that deals with high tech computers.
“She got into a dangerous situation, kasi she wants answers, and it all leads to a syndicate called the Black Pentagon.
“So, kami nina Yasmien Kurdi and Bea Binene, we all got sucked into this and we have to stick together to achieve yung justice na hanap naming tatlo."
Importante kay Gabbi na nabibigyan ng maganda at empowering role ang mga babae sa mga teleserye.
“I'm inspired by the strong women roles that are being portrayed on film and in different TV shows. Because of social media, nagkaroon na ng voice ang maraming tao, especially women.
“Women today are so active in empowering each other, and it's about time to show the masses that women take on different roles. Hindi lang kami pang-girlfriend role, pang-mother role, pang-wife role, pang-mistress role. Puwede rin kami sa action and mapapanood nila iyan sa Beautiful Justice.”