Excited si Martin del Rosario na magkontrabida kay Alden Richards sa Kapuso primetime series na The Gift.
“Si Alden kasi, isa sa mga artistang nilu-look up ko in terms of yung ugali, personality,” paliwanag ni Martin.
“Sa napapanood ko sa kanya, sa lahat ng success niya, lahat ng narating niya hindi lang bilang artista, kahit sa mga business, kung ano yung nagagawa niya sa family niya, sobrang humble pa rin niya.
“Hindi siya yung parang ibang artista na feel na feel yung pagka-celebrity, yung ganun.
“So una, excited ako na makatrabaho si Alden. Ngayon, makakasama ko na siya.
“And pangalawa, excited ako na i-showcase na kaya kong magkontrabida.
“Kasi, sa dami ng ginagawa kong gay roles, ang laging tanong sa akin, kung mai-stereotype na ako niyan or, ‘Iyan lang naman ang kaya niyang gawing role kasi… ganun talaga siya.’
“Parang mga ganun.
“So ako, gusto ko lang i-prove na, ako, I’m a very versatile actor and itong gagawin ko na platform na The Gift para ipakita ko sa kanila kung ano yung kaya kong gawin.
“Kaya ko ring mag-ibang character.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Martin sa mediacon ng The Gift noong September 9, Lunes, sa Prime Hotel sa Quezon City.
FIRST KONTRABIDA ROLE
Unang beses sa isang teleserye na magkokontrabida si Martin.
“Usually grey, e, grey lang, parang third party na nang-aagaw ng… pero ito, kontrabida talaga.”
Challenging ito para kay Martin.
“Pero more than challenging, mas nasasarapan ako dun sa pakiramdam.
“Kasi, mas malaya akong gumalaw, ang dami kong puwedeng gawin.
"Kasi noon, isa ito sa mga dream kong gawin, e, maging kontrabida.
“Na parang feeling ko na, ‘A, hindi ko maaabot ito!’
“Kasi, parang ang bait ng mukha ko, mukha akong laging parang maamo yung mukha.
“Pero alam ko naman sa sarili ko na, ‘Ah, kaya ko naman ito!’
“Kaya nagpapasalamat ako sa GMA na binigyan ako ng pagkakataon.”
PEGS MAYOR ISKO MORENO FOR HIS LOOK
Isang politician ang karakter ni Martin sa The Gift at may peg siya sa kanyang role.
“Siguro, yung look, yung look lang, ha, yung physical, parang gusto kong i-peg si Isko Moreno, e.
“Yung hitsura lang, yung tindig, physically naghahanda ako, nagwu-workout ako, kailangan kong magpalaki ng katawan.
“'Tapos yung sa ugali, yung character mismo, ako na lang yung gumawa nun.
"Kasi, yung character ko, mas close sa tatay, mali yung pagpapalaki sa kanya, nakuha niya lahat ng gusto niya nang mabilis lang, very spoiled.
“Bata pa lang siya, nakuha na niya yung power kaya para siyang... mahilig siyang mag-power trip, yung mga ganun.”
Sa tunay na buhay ay wala raw plano si Martin na pasukin ang mundo ng pulitika.
“Ayoko po ng stress sa buhay.”
Ang teleseryeng The Gift mapapanood simula September 16, Lunes, sa GMA Telebabad.