Pinakahuling tapatan nina Elaine Duran, Kim Nemenzo, John Michael de la Cerna, John Mark Saga, Shaina Mae Allaga, at Jonas Oñate sa "Tawag ng Tanghalan" (Season 3) sa It’s Showtime ngayong Setyembre 28, Sabado sa ABS-CBN.
Kabilang sa mapapanalunan ng grand champion ang P2M cash tax-free, brand new house and lot, business franchise, recording contract sa TNT Records, at iba pa.
Sa mediacon noong Setyembre 23, Lunes, sa Studio 3 ng Kapamilya Network, inihayag ng TNT finalists ang mga nagbago sa kanilang buhay dahil sa paligsahan, at kung saan nila ilalaan ang cash prize sakaling sila ang magwagi.
ELAINE DURAN
“Ako po, personally, sa church po.
"Kasi po, nanalo po ako sa dailies, sa semifinals, yung nalikom ko po doon, nag-donate po ako sa mismong church po namin. Kaya doon din po para gumanda po yung church namin.
"Hindi naman po ako mayaman pero at least, doon, alam ko kasi na galing ito [her singing voice] sa Diyos.
"Siyempre, ibibigay ko rin po yung blessings na ibinibigay Niya sa akin.
“Nagbago po in a way na ang dami pong nangyari, like, dati, hindi ka naman napapansin. Pero ngayon, napapansin ka na.
"Then after, marami ka na ring gigs, marami na ring kumukuha sa iyo.
“Of course, tumataas yung rate mo as performer. Dati po kasi, for free lang ako, laging nati-thank you.
"Minsan, ang pinakamalala talaga, sa isang set, 30 songs 'tapos PHP1,500 po.
“Kasi, dagdag na rin po sa baon. Graduating din po ako noon.
"For three months, ako po yung nagpapabaon sa sarili ko po."
Si Elaine, 20, mula sa Agusan del Norte ay 10-time defending Champion ng TNT at record holder.
KIM NEMENZO
“Napaka-magical ng mga bagay-bagay sa aming lahat na nangyari.
"Especially na magkaroon ng kumpiyansa sa sarili na makarinig ka ng positive comments mula sa mga hurado at madlang pipol na sumusuporta sa amin.
“At na-realize ko rin po na sobrang solid mag-support ng mga kababayan ko, and I’m so thankful for that.
“I will be on a practical side po. Kasi, when my mom, dad died, natigil sa pag-aaral ang kuya ko. I will help him finish his studies.
“'Tapos, yung lupa ng tatay ko, nabenta niya dahil sa pagpapagamot sa nanay ko.
"I also want him to have that property again para po sa future din po sa amin ng kuya ko sa Negros.
“Yung ibibigay pong bahay at lupa ng Tawag ng Tanghalan, sobra pong yun ang pangarap ko para sa amin ng family ko.”
Si Kim, 26, ay mula sa Negros Occidental at instant resbaker ng composer na si Louie Ocampo.
JOHN MICHAEL DE LA CERNA
“Madami na pong nakakakilala.
"Same din po, tumaas din ang rate. Dati, sa mga gig, 26-30 songs, PHP500 po ang bayad sa akin.
“Sa church din po sa Holy Family.
"Second po, sa Mama ko po na may sakit. Kasi, gusto ko pong ipagamot ang Mama ko. May sakit siya sa puso na matagal-tagal nang dinadamdam niya.
"At lastly po, gusto kong makapagpagawa ng practice area sa choir namin.
“Dati po, palagi kaming nagre-rent para makapag-practice lang po.
"Isa po akong member ng community choir. Wala po kaming permanent na practice venue.”
Si JM, 23, mula sa Davao ay five-time defending champion.
JOHN MARK SAGA
“Sobra niya pong binago ang tingin ko sa sarili ko.
"Kasi po, before po ako nag-join, matagal na rin po akong hindi sumasali sa mga singing competition.
"Yung feedback po sa mga hurado at sa madlang pipol, hindi lang ako na-recognize kundi ganun po pala ka-positive yung tingin nila sa akin dahil yung self-esteem ko, sobrang mababa.
“Ang gagawin ko po sa mapapanalunan ko, I will give back to my family, lalo na kay Papa na almost 30 years na po siyang seaman.
"Gusto ko na po siyang pagpahingahin. Gusto ko pong ibigay sa kanya yung comfort dahil sa sakripisyo niya sa aming magkakapatid.
“At syempre, sa mga kamag-anak na tumutulong sa pag-aaral at business din po.”
Si John Mark, 23, na taga-Cavite ay 10-time defending champion.
SHAINA MAE ALLAGA
“Ang nabago po sa life ko, ang daming offers, ang daming doors na nagbukas.
"Mas nakilala po ako ng buong mundo. Dami na ring supporters at supporters.
“If ever ako ang mananalo, siyempre hindi ko po kakalimutan ang church kung saan tayo nag-umpisa kasi. Sa church po ako unang kumanta at doon po ako natutong sumayaw.
"Gusto ko pong mag-donate para lumaki pa po yung church namin.
“Kasi, pag anniversary po, ang Church of Christ, doon po ginagawa. May kaliitan po ang space.
"Gusto ko po siyang palakihin para mas marami pa pong brothers and sisters na makapunta.
“Aside po sa church at sa family, sa school din po. Full support po sila sa akin.
"Marami pong memories ang naibigay sa akin sa school. Gusto ko pong mag-give back sa kanila.”
Si Shaina, 15, ay galing-Zamboanga del Sur at instant resbaker ni Mitoy Yonting.
JONAS OÑATE
'“Isa po akong palaboy, namamalimos lang po, pagala-gala lang po sa Calbayog City po. So, hindi po ako makapaniwala na nasa harap na po ninyo ako.
“Napapanood na po ako ng buong mundo, hindi lang buong Pilipinas. Sobrang proud po sa akin ang parents ko.
“Naniniwala po ako na hangga’t may tiyaga, masipag po, aangat at aangat, hindi lang po palaging nasa ilalim.
“Bukod sa pamilya, sa pagpapaaral sa pamangkin ko, tulong sa mga kapatid ko, itutulong ko rin po ito sa mga kagaya kong nag-iisang palaboy na mga bata sa lugar namin.
“Kasi, hanggang ngayon po, hindi po masyadong napapansin. Although may local government kami, hindi po maiwasan na yung mga bata, nakakagawa ng mga hindi magagandang bagay,
“Dapat i-lift up po sila, ilagay sila sa isang lugar na may art, dancing, singing, doon nila itutuon ang pansin nila kaysa sa mga gawaing hindi maganda.”
Si Jonas, 33, ay mula sa Samar at 5-time defending champion.