Halos hindi raw narinig ni Jeremiah Tiangco ang pangalan niya nang i-announce na siya ang The Clash Season 2 Grand Champion noong December 15, 2019, sa GMA-7.
“Nabingi po ako actually,” sabi ni Jeremiah nang ma-interview namin matapos ang awarding.
“Kasi, alam ko po na magaling po si Thea [Astley]. Alam ko po kung ano ang kaya niyang gawin. Alam ko po ang kapasidad niya.
“Kaya sabi ko po, ‘Whoever wins po, Lord, kung sino ang manalo, deserve niya.’
“Noong tinawag po ang pangalan ko, hinanap ko agad ang mama ko. Siya po kasi talaga ang reason ng pagsali ko sa The Clash, and iyung pinsan ko po.”
Anim na taon pa lang ang pinsan nila ay kinupkop na nila at ngayon ay 19 na ito. Gusto niyang ipagpatuloy ang pag-aaral nito, bukod pa sa mapapauwi na rin niya ang ama na nagtatrabaho sa barko.
Sabi pa ni Jeremiah, “Pinangako ko po sa kanila na by God’s grace, kung mananalo po ako, sila po ang magiging priority ko,
“Hindi po ako sumali rito para sa sarili ko.”
Nagkausap sila ni Thea bago pa nila malaman kung sino ang panalo sa kanilang dalawa.
“Sabi niya po, sobrang proud niya po sa akin,” sabi ni Jeremiah.
“Actually, ako po, sinabi ko po sa kanya bago pa tawagin kung sino ang mananalo, ‘Thea, I’m so proud of you. Kasi, of all clashers, bakit tayo?’ Hindi po talaga namin mawari.
“My God, bakit tayo? Sobrang favored po kami.”
Nang makausap namin si Jeremiah bago ang final episode, nasabi niyang posible niyang ligawan si Thea pagkatapos ng competition.
Iba na ang naging pahayag niya nang tanungin siya after ng The Clash grand finals kung liligawan na ba niya si Thea.
Ayon kay Jeremiah, “Siguro po, focused muna po ako sa music. Feeling ko po kasi, mas marami pa akong mabibigay na music dito sa network po.”
May nagsabi na “they can make beautiful music together.”
“Pwede po, pwede,” nakangiti niyang sabi.
Ang tawag sa tandem nila ni Thea ay JerThea.
Nang makausap namin si Jeremiah bago ang finale ng The Clash Season 2, nabanggit niya na dumaan din siya sa depression noon hanggang sa naging part siya ng Victory Church.
At kung mananalo siya, tahasan niyang sinabi na ang 10% ay ibibigay niyang tithe sa church nila. Bilang grand winner, nakakuha si Jeremiah ng P1 million cash prize.
“Siyempre po, magta-tithe po ako sa makukuha kong pera. 10% po siyempre sa church kasi, isa po sila sa dahilan.
“Nagdasal, sumuporta po sa akin nang lubusan kaya nandito po ako ngayon sa kinatatayuan ko,” aniya.
Isa rin sa premyong napanalunan ni Jeremiah ay bagong kotse.
Sino ang una niyang isasakay sa bago niyang kotse na hindi miyembro ng pamilya niya?
“Ang mga kasama ko po sa The Clash,” saad ni Jeremiah.
“Espesyal po sila sa amin. Kung nakita ninyo naman po, kung kasya po kaming 32 or 64. Pero siguro po, Top 5 muna.
“May mga plans din po kami na, tara, unwind muna tayo after ng competition.”
