Sa presscon ng Bilangin Ang Bituin Sa Langit nung nakaraang buwan, tinanong namin si Yasser Marta kung sino ang pinagpapantasyahan niya sa showbiz.
“Siguro, ang focus ko talaga ngayon, na kay Kyline,” nakangiting banggit ng Kapuso hunk actor sa pangalan ni Kyline Alcantara, ang kapareha niya sa nabanggit na bagong GMA-7 teleserye.
“Parang pag nakakakita ako ng iba, kahit maganda, parang hindi ako naa-attract, and sobrang into the characters kami ngayon. Kaya ako, wala akong ibang gusto kundi si ‘Maggie.’”
Maggie ang pangalan ng character ni Kylne sa nabanggit na teleserye.
Jun naman ang pangalan ng love interest ni Maggie na ginagampanan ni Yasser.
Puwede bang ma-in love sa tunay na buhay si Yasser kay Kyline?
“Wala namang imposible, let’s see talaga kung ano’ng mangyayari.
“Ayokong… gusto ko, dahan-dahanin. Iyon ang mahalaga. Napakabata pa ni Kyline,” sabi pa ng 23-year-old Filipino-Portuguese Kapuso tungkol sa kanyang 17-year-old na kapareha.
Ano pinakagusto niya physically kay Kyline?
“Yung buong face niya. Sobrang… alam mo iyun? Parang symmetrical na tamang-tama.
“Yung mata, grabe yung emotions ng mata niya.
“Minsan sa set, hirap akong humugot, bumabalik lang ako sa basic na nakikinig lang ako sa kanya, and eventually, nararamdaman ko na napakagaling,” patuloy na kuwento niya tungkol kay Kyline.
Sa ugali naman ni Kyline, ano ang gusto niya?
“Iyon nga, napaka-jolly niya, sobra yung energy niya.”
Opposite ba niya na seryosong tao?
“Hindi naman,” tanggi ni Yasser.
“Ako, gusto ko lang din… masaya akong tao, e. Masayahin din akong tao, madali akong pakisamahan.”
YASSER RELATES TO HIS ROLE
May bad boy bang aspeto ang pagkatao ni Yasser?
“Nakaka-relate din ako sa character, dahil si Jun, yung relationship niya sa dad niya, hindi sila ganun ka-okay,” banggit ni Yasser sa kanyang character sa Bilangin Ang Bituin Sa Langit.
“Pero idol niya yung dad niya kaya siya nag-med school.
“Ako, ganun din, e. Simula bata, tinitingala ko tatay ko, ‘tapos may pagka-rebel type din, mula elementary to high school.”
May pagka-naughty ba siya na tipikal sa mga kasing-edad niya?
“Open ako sa pagiging naughty, e. Hindi naman ako napakalinis na… tingnan mo, dalawang butones nga yung bukas sa akin ngayon e,” natatawang turo ni Yasser sa suot niyang polo.
FORMER ONE UP
Miyembro dati ng boy group na One Up si Yasser. Siya na lang ba ang aktibo sa grupo?
“Meron pa rin, si Prince Clemente, nasa Descendants of the Sun, astig din yun.
“Si Dave Bornea, alam ko, may show din siyang upcoming, e.”
CURRENTLY SINGLE
Sa usapang love life naman, wala raw girlfriend ngayon si Yasser.
“Isang taon na, kasi nag-break din kami before Valentines, e.”
Almost six years daw ang relasyon nila ng kanyang ex na isang aspiring singer.
Bakit sila nag-break?
“Kasi simula bata, alam mo yun, parang yung mundo namin, lumiit nang lumiit,” paliwanag ni Yasser.
Sino sa kanila ang nagsawa?
“Hindi siguro… mutual din iyung decision namin, kasi, may career din siya. Ako, may career, medyo nag-focus lang muna dun.
“Siguro, ano rin, e… Masyado na kaming fed up sa isa’t isa. Kasi, wala, wala na kaming ibang mundo, kaya lagi kaming nag-aaway, lagi na lang… alam niyo yun? Yung nangyayari sa isang relasyon hanggang sa napuno na.”
Sa ngayon, friends pa rin ba sila?
“Hindi pa kami nakakapag-usap, e. Matagal na.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Yasser sa presscon ng Bilangin Ang Bitun Sa Langit noong Pebrero 11, Martes, sa GMA Coop Building sa Timog Ave., QC.