Nahirapan kapwa ang mga baguhang sina Migs Villasis at Genesis Redido sa kissing scene nila sa Pinoy BL series na In Between: Sa Pagitan ng Kamusta at Paalam.
“Sa totoo, nung una, nahihirapan ako. Kasi, first time kong maka-kiss ng lalaki kaya di ko maiwasang mailang,” pag-amin ni Migs na gumaganap bilang Taurus.
Sambot ni Genesis na gumaganap bilang Otep, “Siyempre po, nahirapan nang konti at may ilang dahil bago po sa akin yung ganito.”
Nainterbyu ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Migs at Genesis nitong Hulyo 5, Linggo, via Messenger.
Nagpraktis ba sila ng halikan? Nag-enjoy?
Sansala ni Migs, “Hindi na kasi si Migs yun, e! Hahaha!
"Si Taurus na yung nasa eksena na yun. Si Tau, nag-enjoy hahaha!”

Migs Villasis (left) and Genesis Redido
Hirit ni Genesis, “Hindi kami nagpraktis. Hahaha! But it takes a lot para makuha at mabigay namin yung tamang objective sa scene na yun.
"Kasi, that time, kailangang enjoy-in ni Otep yung part na ‘yon. Kasi, doon na lang ulit sila magki-kiss, hahaha!”
Naramdaman ba nila noong moment na iyon na totohanan ang love and desire nila sa isa’t isa?
Saad ni Migs, “Tulad po ng sinasabi lagi ni Direk Briliant Juan, laging alamin ang objective ng bawat scene.
“So, oo, naramdaman ko yung tunay na pagmamahalan ni Taurus at ni Otep doon sa eksenang yun.”
FROM SPORTS TO SHOWBIZ
Halos buong buhay ni Migs ay isa siyang atleta.
“Nag-start akong mag-karate nung seven years old, tapos nag-shift ako sa basketball at the age of 15,” pahayag ng 23-anyos na binata na taga-Queon City.
“Then, at at the age of 22, sinubukan ko ang showbiz.
"Nakasama ako sa MMK episode na pinagbidahan ni Kit Thompson.
“Pati sa Cinemalaya movie na Parole, at sa BL series na Oh, Mando!"
Dagdag niya, “Sa Letran ako nag-high school at sa Trinity University of Asia naman ako nag-college.”

Wala raw siyang love life ngayon: “Focus po muna sa career. Hahahaha!”
Kumusta ang pakikipagtrabaho kay Genesis, ang kabiyak niya sa TauTep tandem?
“Masaya siyang katrabaho, mabait. Memorable yung break-up scene namin sa Episode 1, kasi yun yung first naming mabigat na scene.”
Ang sukat ng sapatos ni Migs ay 8 inches.
MIGS IS SINGLE, TOO
Kagaya ni Migs ay single ngayon si Genesis.
Pagdidiin ng 22-anyos na si Genesis, “Focus po muna ako sa career ko at sa sarili ko.
"Naniniwala naman akong meron para sa akin at ibibigay yung tamang tao na ‘yon sa tamang panahon.”
Batang-Tondo si Genesis, pero ngayon ay sa Bacoor, Cavite, na siya nakatira.
Freshman student siya sa UST. Volleyball player siya ng UST Golden Spikers.

Kumusta ang pakikipagtrabaho kay Migs?
“Sa totoo lang po, masarap katrabaho si Migs. Bilang baguhang actor po, marami pa akong hindi alam sa pag-arte,” pagpapakumbaba ni Genesis.
“Si Migs, hindi na siya bago dito sa entertainment. Kumbaga po, may experience na siya. Kaya ayun, naga-guide niya ako sa ibang scene namin pag may hindi ako naiintindihan.”
Ano ang memorable scene nila sa In Between?
“Una po, yung break-up scene po namin. Dahil sa part na ‘yon, naka-internalize na agad si Migs,” tugon ni Genesis.
“Umiiyak na agad siya. Then, ako kasi, may change emotion po ako doon. So, nahirapan ako.
“Na-pressure agad ako, kasi first acting ko po ‘yon. Wala akong workshop, sumabak na lang po agad ako.
“Salamat kay Direk Briliant Juan dahil tinulungan niya po ako. Diyan po ako talaga nahirapan.
“And yung pangalawa po, yung kissing scene namin. Dahil yun nga, first project ko po ito at may kissing agad. Sa guy pa! Hahaha!
“Pero dahil propesyonal naman ang co-workers namin at trabaho ‘to, ayos lang po.”
Nasa cast din ng BL series na ito sina Shiara Dizon, Lara Fostuna, Renshi de Guzman, at Ron Angeles.
Iprinodyus ito ng Uncle Scott Global Productions, Unframed Film Production, at Fringe Multimedia Production.
Matutunghayan ang first episode ng In Between: Sa Pagitan ng Kamusta at Paalam sa Hulyo 11, Sabado, 8:00 P.M., sa YouTube channel ng USPH TV.
Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!
