Streaming na ang unang episode ng Pinoy BL series na Happenstance umpisa Pasko, Disyembre 25, Biyernes sa GagaOOLala.
Istorya ito ng mahiwagang pag-iibigan ng dalawang lalaki sa magkaibang panahon.
Si Wade (Kiko Ipapo) ay nasa taong 2020 nang ideklara ang community quarantine sa bansa, samantalang si Jose Manuel (Jovani Manansala) ay nasa taong 1974 noong kasagsagan ng batas militar.

Jovani Manansala and Kiko Ipapo
Iyong device ng love story ng dalawang tao sa magkaibang panahon ay ginamit sa South Korean film na Il Mare (2000) starring Jun Ji-hyun and Lee Jung-jae.
Ni-remake iyon ng Hollywood bilang The Lake House (2006) starring Keanu Reeves and Sandra Bullock.
Naikukumpara iyon sa pelikulang Moments of Love (2006) nina Dingdong Dantes at Iza Calzado, ganoon din sa Indian Kannada movie na Minchagi Nee Baralu (2015), maging sa Colombian drama-fantasy series na Always A Witch/Siempre Bruja (2019, 2020) na nakadalawang season sa Netflix.
Ang Happenstance ay idinirek ni Adolf Alix Jr., mula sa panulat ni Jerry Gracio.
Nauna silang mag-collaborate sa pelikulang Muli (2010). Mala-Kama Sutra 101 ang mga harutan nina Sid Lucero at Cogie Domingo sa Muli.
Mapangahas ang ilan sa episodes ng Unlocked anthology ni Direk Adolf sa GagaOOLala. Kaya kapana-panabik ang mga ganap nina Kiko at Jovani sa Happenstance, lalo pa’t andiyan din sina Saviour Ramos at Shu Calleja na kapwa rin makisig.

(L-R) Shu Calleja, Jovani Manansala, Kiko Ipapo, and Saviour Ramos
DREAM FEMALE CO-STARS
Sa virtual mediacon noong Disyembre 21, Lunes, inurirat ang apat kung sinong aktres ang gusto nilang makatrabaho.
Napangiti si Shu nang pagkatamis-tamis, “Gusto ko pong makasama sa project si Rosanna Roces po. Crush ko po kasi siya talaga!”
Sagot ni Saviour, “Sa akin po, iyong isa, influencer lang. Sarah po ang name niya. 'Tapos, iyong isa po, si Ina Raymundo po. Siya po ang gusto kong makatrabaho talaga.”
Sabi naman ni Jovani, “Sa akin naman po, si Sue Ramirez po. Gusto ko po iyong pag-arte niya, sobrang OK po para sa akin. Kahit anong ibigay na role, kung bibigyan ako ng pagkakataon na makaeksena siya, isang karangalan po sa akin.”
Seryoso si Kiko, “Sa akin po, si Ate Guy po. Si Nora Aunor po. Kasi, since first timer po ako, gusto ko pong makatrabaho ang mga batikan para mas marami po akong matutunan, para mas mahasa pa po ang talento ko.
“Kasi, bihira po iyong makasama nila, e, iyong mga batikan, hindi basta-basta. So, malaki pong karangalan sa akin kung makakatrabaho siya.”
DREAM "LEADING MAN"
Sino namang aktor ang bet bilang makatambal, makahalikan o maka-love scene sa pelikula, aside from one another?
Pahayag ni Kiko, “Hindi ko pa po masabi. Kumbaga, nagpe-prepare pa lang po ako. May stages pa po ako na pinagdadaanan. So, para sa akin, wala pa po.
“Pero iyong gusto kong makatrabaho lang po, na walang love scene, si John Arcilla po.”
Sagot ni Jovani, “Sa akin naman po, ang iniidolo kong aktor, kahit dati pa po, hindi pa po ako pumasok sa showbiz, tumatak po sa akin, pangarap ko pong makatrabaho... hindi po sa love scene, si John Lloyd Cruz po.”
Diretsong sagot ni Saviour, “If ever na may maka-love scene ako in the future po, or kahit ano pong role, kahit ano pong gawin namin—si Kuya Joshua Garcia po.
“Kasi po, iyong acting skills po niya, pag tiningnan mo po talaga iyong mata niya, talagang mailalabas po, maiparating sa ‘yo.
“Kung siya naman po ang makaka-love scene ko, kissing scene o ano man po, pag tiningnan ko ang mga mata niya, talagang bibigay po kayo.”
Gaya-gaya si Shu, “Ganoon din po ako. Kasi, sobrang natural po kasi talaga iyong eksena ni Kuya Joshua Garcia. Ako rin po, siya ang gusto kong makatrabaho."
FRONTAL NUDITY
Huling tanong, kaya ba nilang mag-frontal nudity?
“Sa akin po, pag-iisipan ko muna siguro,” mabilis na tugon ni Shu habang tumatawa at nagkakamot ng ulo.
Dati ay hiya-hiya si Saviour na mag-butt exposure gaya ng amang si Wendell Ramos, pero nag-iba na ang ihip ng hangin.
Hirit ni Saviour, “Sa akin po, OK lang po. Kasi, comfortable na po ako sa kanila. Kung sa iba po, titingnan ko po, wala pa akong permanent na sagot.
“Pero kung kami pong apat, ok po.”
Tawa nang tawa sina Kiko, Jovani, at Shu.
Patangu-tango si Jovani na tila okey rin lang.
Sabi ni Kiko, “Hindi pa po ako makakapagbigay ng sagot. Ha! Ha! Ha! Ha! Pero kung sa ikagaganda po ng movie, saka hindi po bastos, it’s all about Art and film, 50/50 po.”
Siyam na episode ang Happenstance, at kasama rin sa cast nito sina Rosanna Roces, Alan Paule, Angeli Bayani, Erlinda Villalobos, at Bembol Roco.
Ang theme song nito na "Atin Lang" ay komposisyon at inawit ni Mikoy Morales.
Ano ba ang latest sa showbiz? Find out kung anong level ang showbiz IQ mo by subscribing to PEP.ph Viber Chatbot here. Join our community para laging updated!
