Ipapalabas mamayang alas-otso ng gabi, ngayong Sabado, sa Magpakailanman, ang kuwento ng tunay na buhay ng komedyateng si Betong Sumaya.
Paano siya napapayag na isadula ang buhay niya sa Magpakailanman?
"Isang malaking karangalan po na mabigyan ng pagkakataon na mai-feature po ang life story ko sa Magpakailanman.
"Nagsimula po ito noong manalo pa po ako ng Survivor Philippines last 2012, but then nausog po nang nausog.
"I think ito po yung pinakatamang panahon na maisakatuparan po siya kasi ten years after akong manalo sa Survivor ay mailalahad na po namin ang ilan sa highlights po ng aking buhay at ng aking pamilya."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Betong sa pamamagitan ng e-mail kahapon, March 26.
Ano ang nais niyang lesson o aral na maibahagi sa mga manonood ng kuwento ng buhay niya?
"Huwag maging hadlang kung ano man yung kakulangan sa iyong buhay in terms of antas ng pamumuhay, kung saan ka nakatira, ano ang iyong pampinansyal na pangangailangan, at maging itsura.
"Kung hindi ka man naulanan ng looks at naambunan ka lang, huwag mo itong gawing hadlang sa pagtupad ng iyong mga pangarap sa buhay."
WHAT SURVIVOR DID TO BETONG'S LIFE
Tinanong namin si Betong kung ano ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay niya.
"Noong nawala po si Tatay, dahil iba po yung pakiramdam. Hindi namin inaasahan, parang talagang napilayan kami.
"Siyempre siya ang aming haligi ng tahanan, malungkot po talaga. Isa ito sa pinakamasakit na pangyayari sa buhay ko."
Ano naman ang maituturing niyang pinakamagandang nangyari sa buhay niya?
"Kapag ganitong pagkakataon, ang kakapitan ninyo lang talaga ay si Lord.
"Sobra po akong blessed dahil noong nanalo po ako sa Survivor Philippines ay talagang ang daming nagbago.
"Ito rin po yung naging daan para makapasok po ako ng Bubble Gang.
"Nabayaran po namin ang mga utang namin, kahit papaano po ay na-secure ko po financially yung family ko, nadala ko po sila sa Hong Kong at Boracay.
"Ito rin po yung first time na nakasakay ang family ko ng eroplano.
"Napalitan ko rin po yung bubong ng bahay namin dahil for twenty years kapag umuulan lagi pong tumutulo yung tubig."
Gaganap bilang si Betong ang Kapuso male star na si Buboy Villar sa "The Ultimate Survivor: The Amazing Story of Betong" ng Magpakailanman sa GMA kung saan tampok din sina Epy Quizon, Candy Pangilinan at Crystal Paras.
Ito ay sa direksyon ni Conrado Peru, pananaliksik ni Georis Tuca at panulat ni John Roque.
LIVING ALONE
Tinanong naman namin si Betong kung ano ang pinaka-memorable niyang experience sa panahon ng COVID-19 pandemic.
"Mas lalong naging matatag yung relationship ko po sa aking family.
"Bagamat mag-isa lang po ako rito sa Quezon City at dito po ako naabutan ng pandemic, mas na-realize ko yung importance ng family at communication.
"Dati minsanan lang, pero ngayon ay halos araw-araw ko silang kausap.
"Ang pinakamaganda ay mas lalong tumatag yung relationship ko with the Lord dahil wala talagang ibang kakapitan kung hindi Siya lang," pahayag pa ni Betong.
Dahil nga mag-isa lamang siya sa tirahan niya sa QC, may mga kaibigan siya na hindi siya pinabayaan sa panahon ng pandemic.
"Napakadami po pero karamihan ay from Bubble Gang.
"Sila po yung nagbigay ng pagkain dahil hindi po ako nakakapagluto dito.
Sina Paolo Contis, Boy2 Quizon, Denise Barbacena, Lovely Abella, Chariz Solomon, Valeen Montenegro, sina Kakai, Boobay, Faye Lorenzo, sobrang dami po.
"Pati na rin words of encouragement from our bosses sa GMA, sobrang laking bagay po."
Napapanood si Betong sa mga Kapuso shows na Centerstage at sa All-Out Sundays.
Tinanong naman namin si Betong kung may love life siya ngayon at kung sino.
"Sa ngayon po ay meron po pero kapag nalaman po nila ay break na po kami! Biro lang po.
"Focus po muna sa career. Kasi kung pinipilit po hindi po nagiging maganda. Darating po yan, pag-pray lang po," pagtatapos pa ni Betong sa aming panayam.
