"I’m very happy, I’m very emotional."
Ito ang masayang pahayag ni Andrea Torres sa muli niyang pagpirma ng network contract bilang isang Kapuso ngayong Biyernes, July 16.
Magmula noong taong 2008, nananatiling isang Kapuso ang 31-year-old actress.
At sa loob ng labintatlong taon ay ramdam daw niya ang pag-aalaga ng kanyang home network.
"Actually, kaya ako naging emotional, kanina, gumawa sila ng video na binalikan nilang lahat yung mga unang projects ko.
"From Sana Ay Ikaw Na Nga, Annasandra, Millionaire’s Wife... nakita ko ulit at naalala ko yung bawat steps na na-take namin together.
"From the time na dina-doubt mo pa yung sarili mo, 'Kaya ko bang gumawa ng soap?' Tapos ngayon, nandoon na kayo sa part na medyo nag-e-experiment na kayo. Nagti-take na kayo ng mga roles na dati, hindi niyo tine-take, pero ngayon open na kayo.
"So, very happy po ako. Very happy ako na Kapuso pa rin ako. Na winelcome pa rin nila ako at ganito ang pag-welcome nila sa akin.
"Napaka-warm talaga, hindi ko in-expect from our bosses."
Sabi pa ni Andrea, "And I think, yun naman po ang reason kung bakit loyal ako as Kapuso. Kasi, masaya ako rito at napi-feel ko ang love nila for me."
Nakapanayam si Andrea ng entertainment media, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment), nitong Biyernes.
NEXT PROJECT WITH JOHN LLOYD CRUZ?
Ang matunog na sinasabing proyektong gagawin ni Andrea ay ang sitcom na pagsasamahan daw nila ni John Lloyd Cruz.
Noong May 30 unang inulat sa PEP.ph ang anunsiyo ni Willie Revillame na may niluluto siyang sitcom para kay John Lloyd, at si Andrea raw ang napipisil na leading lady.
Sabi naman ni Andrea, "Wala pa po kasi akong nakukuhang announcement talaga from GMA regarding that. Talagang narinig ko lang po sa mga kuwento-kuwento, mga news.
"Mahirap pong i-claim, di ba?
"Palagi nga nilang sinasabi na kapag wala pang storycon, wala pang taping, mahirap i-claim, di ba? Pero happy po ako sa news na yun noong marinig ko siyempre.
"Kasi, fan ako ni John Lloyd and, yun nga, hindi pa po ako nakakagawa ng sitcom, e. So, open ako sa mga ganun.”
At kung si Andrea ang masusunod, ipinapanalangin daw niyang sana nga ay matuloy ang balitang sitcom nila ni John Lloyd.
"Talagang bet ko rin na matuloy kasi bibihira lang naman ang ganitong opportunity. Actually, nagulat tayong lahat na pupwede na ang ganito.
"Na pwede mo nang makatrabaho si John Lloyd, si Bea [Alonzo]. And definitely, kapag naibigay po sa atin, magiging very happy talaga.”
Pakiramdam din ni Andrea, marami siyang matututunan kay John Lloyd kung makakasama o magiging leading man niya ito.
"Feeling ko, ang gandang experience po nun," nakangiti niyang sabi.
"Ang dami kong matututunan from him and feeling ko, opportunity rin na makita ng mga tao ang another side of me.
"Kasi, di ba, kapag sitcom, medyo mas makulit ka. Parang hindi pa nila masyadong nakikita yung side ko na yun.
"Although may patikim na ng Bubble Gang, sa sitcom, I think, mas lalabas siya."
ANDREA IS A SOLID KAPUSO
Sa mahigit isang dekada niyang Kapuso, hindi raw naisip ni Andrea na lumipat ng ibang network.
Ayon sa aktres, "Ako, honestly, hindi talaga. Kasi, grabe yung ibinibigay nila sa aking pag-aalaga and guidance.
"And minsan nga, hindi na yun kasama sa trabaho nila bilang boss or bilang network, pero ibinibigay pa rin nila sa ‘yo. Kaya rin siguro dun nanggagaling yung parang mas nagiging humble ka.
"Kasi nga, may mga bagay na grabe, ginagawa pa nila for you kahit na sa tutuusin, pwedeng hindi na."
Sa July 26 na eere ang GMA prime-time series na Legal Wives kunsaan isa si Andrea sa gaganap sa tatlong asawa ni Dennis Trillo, kabilang sina Alice Dixson at Bianca Umali.
Pero bukod dito ay excited si Andrea dahil marami raw proyektong naka-lineup na gagawin niya.
Aniya, "Actually, napaka-timely nga po ng nangyaring renewal of contract.
"Ngayon po, ang dami pong naka-lineup na gagawin namin. Magiging very busy po ‘tong taon na ‘to and yung mga naka-lineup na yun, puro mga roles na never ko pang nagawa before and stories na never ko pang nagawa before.
"Ito pong Legal Wives, natuwa akong marinig sa boss ko na nagustuhan daw nila, napakalaki raw ng project, maganda raw siya.
"And yung susunod, I’m sure magugulat din kayo sa role at sa mga scenes na gagawin ko."
ANDREA'S HAPPY STATE OF MIND
Bago magtapos ang 2020, nagulat ang lahat sa biglaang pagbi-break nila ng ex-boyfriend na si Derek Ramsay.
Nang kumustahin namin ang lagay ng kanyang puso, nakangiting sabi ni Andrea na "super happy" siya.
Malaking bagay raw na maraming oportunidad na dumarating sa kanya ngayon.
"Kasi super busy po ngayong year. Hiniling ko rin naman talaga, so na-excite po ako. Na-excite ako sa mga gagawin ko this year."
May mga single women na na-inspire si Andrea dahil sa kanyang positibong disposisyon sa kabila ng bigong pag-ibig.
Mula sa pag-aalaga niya sa sarili—kaya mas sexy at blooming siya—hanggang sa pagpapakita niya ng dignidad bilang isang babae ay napuna ng ibang female netizens.
"Natutuwa naman po ako, nata-touch po ako na nakikita nila yung side ko na yun. Nata-touch po ako na nakita nila yung side na yun.
"Parang mas nakilala nila ko as a person, kung paano ako. Natutuwa rin po ako kapag may nakikita akong nagsi-share sila ng mga buhay nila sa akin. Parang pinagkakatiwalaan nila ako.
"Sinasabi nila, kung papaano ko raw sila matutulungan. Pero nahihiya rin ako kasi, feeling ko, hindi naman ako expert or anything."
Ano ang maipapayo niya sa mga ito?
Sagot ni Andrea, "Ako naman kasi, very madasalin lang naman ako. And yun lang, ang lagi lang nasa isip ko, parang kung ano yung pinaka-positive na way.
"Kasi, naniniwala lang ako na kung ano ang ibibigay mo sa mundo, yun ang babalik sa ‘yo.
"So, kung magbibigay ka ng positive na reaction sa isang bagay, kahit na yung bagay na yun e, taliwas sa gusto mong mangyari, babalik yun sa ‘yo na in favor, kasi nga, yung nilalabas mo puro positive lang."
