Kung mabibigyan ng pagkakataon, willing si Jeric Gonzales na gumanap bilang isang gay character.
"Sa akin bilang aktor, walang problema sa akin. I'm an actor and kahit ano'ng role ang ibigay sa akin na sa tingin ko kaya ko, gagawin ko iyan.
"And pag nakita ko naman na yung story is very relevant sa realidad so much more na gusto kong gawin yun."
Ito ang sabi ng Kapuso hunk noong makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press noong August 10, 2021 sa Zoom mediacon na ipinatawag ng GMA para sa Daig Kayo Ng Lola Ko Presents Captain Barbie.
Nauuso kasi ngayon ang mga BL (Boy Love) movies at series, na ang mga tema ay tungkol sa LGBTQ+ community.
Sino naman ang aktor na choice niya na maging kapareha o "leading man" sa isang gay film?
"Ang hirap pumili..." at tumawa si Jeric.
Binanggit namin kay Jeric ang pangalan ni Ruru Madrid na kaibigan niya.
"Puwede, bakit hindi? Kaibigan ko si Ruru, matagal na kaming magkaibigan since Protege, so tama ka, ayun nga, mas close mo, mas kumportable.
"Sa tingin ko pag kami ni Ruru ang nagsama, mas maganda yung kalalabasan niyan. Wala nang ilangan, wala nang hiya."
Tiyak din daw na magtatawanan sila palagi ni Ruru in between takes.
Magka-batch sina Jeric at Ruru sa Protégé: The Battle for the Big Artista Break na artista search ng GMA noong 2012. Si Jeric ang nanalo at runner-up si Ruru sa naturang show.
JERIC GONZALES's birthday wish
Nagdiwang si Jeric ng kanyang ika-29 na kaarawan noong August 7.
Ngayong nadagdagan ng isang taon ang edad niya, ano ang nabago sa kanya?
"Nagbago sa akin? Wala, bumabata pa rin ang itsura natin, ganun," at tumawa si Jeric.
"Nagbago sa akin yung maturity, lalo na sa nangyayari ngayon, ito yung sa pandemic, kailangan talaga alagaan natin yung sarili natin palagi.
"Importante iyan, lalo na yung mga mahal natin sa buhay."
Binanggit rin ni Jeric ang kahalagahan ng bakuna laban sa COVID-19.
"Kailangang-kailangan iyan, so ako nagpa-vaccine ako agad para protection rin sa lahat ng nakakasama ko, lalung-lalo na sa pamilya ko. Lalo na sa parents ko, senior na yung parents ko.
"So iyon yung nagbago, maturity and then yung sa work naman, ayun nga, gusto ko din, more work. Yung pelikula sana, kahit na indie, so sana hopefully, soon magkaroon."
PINANGARAP NA MAGING PULIS
Pagdating sa trabaho, kasama si Jeric sa Daig Kayo Ng Lola Ko Presents Captain Barbie, kung saan bida si Barbie Forteza bilang si Captain Barbie.
Gumaganap si Jeric bilang pulis na si Bruce Dimagiba. Kasama rin niya si Anjo Damiles bilang kapwa pulis na si Andrew Matalino.
Ibinahagi ni Jeric na noong bata siya, pinangarap niyang maging pulis.
"Siyempre, lahat naman, most of the kids, naging dream iyan, ako naging dream ko yan."
Ngayong artista na siya, hindi raw niya akalain na gaganap siya bilang pulis.
"So itong Daig Kayo Ng Lola Ko, nung sinabing pulis ang role ko, na-excite ako! Kasi first time e, tsaka, basta, na-excite talaga ako na maging pulis."
Ramdam raw niya na pulis talaga siya kapag suot niya ang uniporme niya bilang pulis. Ramdam din daw niya ang tapang, dignidad, at authority ng isang alagad ng batas sa mga eksena niya sa Daig Kayo Ng Lola Ko.
Huling episode na ng naturang four-Sunday mini-series sa Linggo, September 5.
Mapapanood ang Daig Kayo Ng Lola Ko Presents Captain Barbie pagkatapos ng 24 Oras Weekend sa GMA.
