Opisyal nang bahagi si Maja Salvador ng Eat Bulaga!
Ipinakilala siya bilang bagong Dabarkad ngayong hapon, October 2, kung saan siya ay maghu-host ng segment na tinatawag na "DC 2021," na magpi-feature ng classic dance hits.
Bago ipakilala si Maja, nagkaroon muna ang Eat Bulaga! ng mahabang audio-visual presentation.
Ito ay tungkol sa isang batang babae mula Aparri na natutong sumayaw sa pagsilip sa bintana ng kanyang kapitbahay habang nakikinood ng Eat Bulaga!
Pagkatapos nito ay ipinakita ang isang babae sa lobby ng studio ng Eat Bulaga! na nagsayaw ng mga dance craze mula sa iba’t ibang taon tulad ng “Macarena” at “MMMBop.”
Nang makarating sa stage ay ipinakita na ang mukha ni Maja at nagbigay ng sarili nyang twist sa 1995 dance hit na “Lick It” na pinasikat ng Streetboys sa Pilipinas.

Pagkatapos ng kanyang dance number ay opisyal na siyang ipinakilala ng hosts na sina Jose Manalo, Allan K, at Ryan Agoncillo bilang bahagi ng Eat Bulaga!.
“Hello, mga Dabarkads,” sigaw ni Maja sa kanyang unang pagsalang bilang host ng Eat Bulaga!
MAJA SALVADOR: FROM APARRI TO EAT BULAGA!
Sa interview portion kay Maja, dito na niya naikuwentong laking-Aparri pala siya at nanonood ng Eat Bulaga!
Kaya madaling naikonekta ito sa original lyrics ng theme song ng Eat Bulaga! na “Mula Aparri hanggang Jolo.”
Kuwento ni Maja, “Sa mga hindi po nakakaalam, e, laking-Aparri talaga ako.
“Noong ipinanganak ako after ilang buwan, inuwi ako sa Aparri ng nanay ko, ‘tapos doon namulat ang aking mga mata sa Eat Bulaga!”

Dito rin nag-umpisang mahilig si Maja sa pagsasayaw dahil palagi niyang pinapanood ang Streetboys.
Patuloy ng 32-year-old actress-dancer, “So, napapanood ko, nahilig ako magsayaw because of Streetboys po. Ang pangalan pa nga nila sa akin [noon] ay ‘Yung mga tuma-tumbling!’
“Siyempre, ang sarap sa pakiramdam kapag yung umpisang kanta ng Eat Bulaga, di ba? Siyempre, proud taga-Aparri!”
Isa pang trivia ni Maja ay muntik pala siyang sumali sa "Little Miss Philippines."
“Hindi lang po iyon, meron ding kwento diyan na gusto akong isali ng nanay ko sa 'Little Miss Philippines'!
“Siyempre, walang budget papuntang Manila kaya nag-Miss Abulug na lang ako! Lahat po ng ating Dabarkads diyan sa Aparri, hello po.”
Tuwang-tuwa naman si Maja na kung dati lang ay viewer siya ng Eat Bulaga!, ngayon ay kasama na siya sa hosts nito.
Ang pinakanatuwa rito ay ang kanyang ina na nami-miss na siyang mapanood sumayaw.
“Sobrang nakakatuwa po na ang isang katulad ko na nanonood ng Eat Bulaga! dati...
“Yung nanay ko pala talaga birthday niya today. Ma, Happy Birthday! O, ito na yung regalo ko sa 'yo, ha!
“Sabi niya kasi, ‘Nami-miss na kitang makitang sumayaw.'
“Ang tagal na rin kasi, so sabi ko, ‘Ma, kinukuha ako ng Eat Bulaga!, parang, di ba, nanonood lang tayo 'tapos ngayon magiging parte na ako ng Dabarkads.”
Unang lumabas ang ispekulasyong papasok si Maja sa Eat Bulaga! noong Sabado, September 25, nang maglabas ang teaser tungkol sa bagong segment na unang tinawag na “Maximum Sayawan.”
Bukod sa initials na M.S., nagbigay rin ng clue sina Jose at Ryan na may papasok na “isa sa pinakamahusay na aktres at isa sa pinakamahusay sa sayawan sa industriya ngayon."
May diin ang pagkakabigkas ng hosts ng “MA-HU” kaya naman madaling nahulaan ng netizens na si Maja ang tinutukoy nila.
#MAJAFOREATBULAGA TRENDS ON TWITTER
Marami namang netizens din ang natuwa sa pagpasok ni Maja sa Eat Bulaga! kaya naging trending topic sa Twitter ang hashtag na #MajaForEatBulaga.

Narito ang ilan sa kanilang mga tweets:
Mag-uumpisa si Maja sa paghu-host ng kanyang segment sa Eat Bulaga! ngayong linggo.
Bukod sa Eat Bulaga!, napapanood pa rin si Maja sa TV5 drama series na Niña Niño, kung saan nanalo siya bilang Best Actress in a Leading Role sa national awards ng Asian Academy Creative Awards.
Napapanood din siya sa TV5 weekly show na POPinoy, kung saan isa siya sa judges.
Ang producer ng POPinoy ay Archangel Media, subsidiary ng TAPE, Inc. na siyang producer ng Eat Bulaga!
