Nagkaroon na ng script reading ang cast ng Start-Up, ang Philippine adaptation ng hit K-drama series noong late 2020.
Face to face na ang naging script reading ng cast, noong March 26, 2022, sa pangunguna nina Alden Richards at Bea Alonzo.
Nakausap si Bea ng ilang entertainment press, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa launching at contract signing niya bilang official ambassador ng Beautéderm Reiko Slimaxine at Reiko Fitox sa Luxent Hotel sa Quezon City noong March 26, 2022.
Aminado si Bea na kinakabahan siya sa bago niyang teleserye.
Saan pa siya kinakabahan bilang kilala naman siyang mahusay na aktres?
"Siyempre, let’s be honest, first time ko sa GMA. I know they have expectation for me and I don’t want to fail them," sagot ni Bea.
Read: Bea Alonzo reveals Start-Up adaptation convinced her to become a Kapuso
Pero litaw rin sa aura ni Bea na inspirado siya sa pagsisimula ng kanyang first Kapuso serye.
"Script reading pa lang and preparation. Magwo-workshop pa kami and look test," saad niya.
Hindi pa masabi ni Bea kung kailan ang actual airing nito.
"I can’t say yet, but the first day of taping will be on the first day of April. Pero itong mga huling araw ng March, lahat na for preparation."
Ngayong nasa Alert Level 1 na ang NCR at karamihang bayan sa Pilipinas, mababago na rin ang sistema ng taping sa Start-Up dahil hindi na raw ito full lock-in taping.
Ayon kay Bea, "We were told na hindi na bubble. Parang napayagan na yata na hindi na bubble.
"But just the same, meron pa rin na mga for three days straight, may break. Then two days na straight, then may break.
"In a way, parang bubble, pero makakauwi kami ng kanya-kanya naming bahay. And talagang every time, i-RT-PCR test kami para safe kaming lahat."
At dahil unang teleserye ito ni Bea bilang Kapuso, hindi niya itinatangging may mga nilu-look forward siya sa pagsisimula niya ng taping.
Aniya, "Siyempre, dahil first time ko sa GMA, ang daming mga bagong tao na makikilala ko, mae-encounter ko sa GMA.
"I’m also looking forward to working with Alden and I’m looking forward to meeting new faces and doing scenes with these people and talented writers and directors."
ON FILIPINO TWIST TO START-UP
Napanood daw ni Bea ang Korean version ng Start-Up.
At sabi nga niya, "Siyempre, maganda ang Start-Up. Actually, kinakabahan ako dahil alam kong maraming naging fan ang Start-Up, may pressure.
"But what I can promise, magkakaroon ng uniquely Filipino twist. Somehow may iba, pero I can’t tell you yet kung ano ang maiiba precisely. Pero, meron tayong own flavors na ilalagay sa Start-Up."
Bukod sa Start-Up, magtatambal din sina Bea at Alden sa Pinoy adaptation ng Korean movie na A Moment To Remember.
Ang mga proyekto ni Alden sa pelikula at telebisyon ay Pinoy adaptation ng mga Korean film at drama. Pero ayon kay Bea, hindi ito sinadya.
"Actually, hindi naman siya sinadya. Nagkataon lang na in-offer sa akin ng VIVA. Parang it was February of last year, ano pa ‘to, before I was offered a contract for GMA.
"So, noong na-offer naman sa akin, later on sa GMA, before nila ako in-offer ng network contract, nauna yung project na offer. So, nagulat ako na it’s a Korean title rin.
"Well, actually, siguro kasi it’s a trend. Parang hindi lang naman GMA ang gumagawa nito, maraming producers na kumukuha ng Korean title.
"I guess, it’s a trend at hindi rin naman natin maikakaila na magaganda ang story ng mga Korean drama."
NOT IN A RUSH TO SETTLE DOWN
Ang ibang kababaihan na tumutuntong sa edad na 30 ay nagpa-panic na dapat kasal na o may asawa at pamilya na.
Sa parte ng 34-anyos na si Bea, mukhang chill lang siya at masaya at in love sa boyfriend na si Dominic Roque.
"Well, darating din tayo riyan. But sa ngayon, parang hindi pa yun ang circumstances ko. Sa ngayon, I have a lot of dreams to achieve pa rin.
"And ngayong nagsisimula pa lang ako sa GMA, I still have to do my first teleserye with them and I’m very, very much excited.
"So, nagsisimula pa lang tayo. Parang malayo pa ang lalakbayin natin.”
